Chapter 53
The Old Silkwood
ZIE
Ilang sandali pa ang lumipas ay dahan-dahan na huminto ang sasakyan. Habang pinagmamasdan ko ang labas para bang wala na kami sa syudad na dinaanan namin kanina. Punong-puno ng malalaking puno ang buong paligid ngunit isang bagay lang ang pumukaw ng atensyon ko. Ang isang napakabahang at napakataas na pader na gawa sa mga pinagpatong-patong na malalaking tipak ng bato.
"Nandito na tayo, ang pader na naghahati sa dalawang bansa. Ang pader na naghihiwalay sa modernong bansang New SIlkwood at ang tradisyonal na bansang Old Silkwood na parehong pinamumunuan ng dalawang magkapatid na sina Lolo Alastor at Lola Maeiv." nakangiting wika sa akin ni Aii nang makalabas kaming dalawa sa sasakyan habang tinititigan ang pader na iyon.
"Anong gagawin natin rito?" nagtatakang tanong ko habang marahan na kinakagat ang aking pang-ibabang labi dahil nasa harap ko na ang New Silkwood.
Muli siyang ngumiti "Huwag kang mag-alala, malalaman mo rin."
"Ba't hindi mo na sabihin ngayon?" pagsusuwestiyon ko naman.
Kinamot niya ang kanyang batok "Ito kasi ang isa sa pinakamagandang tourist spot dito sa aming bansa. Maraming turista mula sa iba't-ibang bahagi ng mundo ang nagtutungo rito. Nais ka namin dalhin dito dahil alam namin na labis kang matutuwa kapag nakita mo ang tanawin sa likod ng pader na iyan."pagliwanag niya.
Tumango na lamang ako at hindi nagsalita. Maraming pumapasok sa isipan ko ngayon, mukhang sinusukbok ng lalaking ito ang pasensya at talino ko. Siguro ganoon na niya lang ako minamaliit pwes nagkakamali siya ng kinalaban niya. Akala niya siguro ay kakagat ako sa kanilang patibong, hinding-hindi mangyayari iyon.
Ilang minuto ang lumipas at nakarating na rin kami sa harap ng malaking pader na naghihiwalay sa aming mga bansa. Napahinga ako ng malalim habang pinagmamasdan ang malalaking tipak ng hugis parisukat na bato na ipinagpatong-patong. Malaki at malapad ang mga bato na mas hamak na katuldok lang ang tao kapag ipinagkumpara.
Pinag-aralan na namin ito noon sa aming History class, itong border na ito ay ang nagsisilbing daan patungo sa Old Silkwood. At ang border na ito ang pinakamahigpit na binabantayan ng mga sundalo ng Old Silkwood. Sa kasamaang palad, sila ang kasalukuyang may hawak rito.
Kinausap lamang ng magkakambal ang ilang sundalo roon na armado hindi ng mga ordinaryong armas lamang, kundi mga magic tools na mas nakakapatay ng mabilis. Napasinghap na lamang ako ng hangin habang dahan-dahan kaming pumapasok sa loob ng pader na iyon.
Makipot ang daan dahil parang inukit at kinawkaw ang loob ng pader na ito. Para bang sadya ang pagkakabutas nito. Mainit at maalikabok sa loob, bahagya naman na pumapasok ang sinag ng araw sa ilang siwang sa mga bato na nagsisilbing liwanag sa loob. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang mangilan-ngilang turista na nag-iikot.
"Ito ang pinakamahigpit na lugar na iyong mapupuntahan sa buong buhay mo. Kung akala mo mahigpit sa ating Palasyo, walang-wala iyon sa seguridad dito. Sa pagkakaalala ko, binabantayan ito ng halos isang daan libong sundalo na marunong gumamit ng mahika at armas." paliwanag ni Aii habang umamaakyat kami sa inukit na hagdan dahil lalabas daw kami sa pinakatuktok nito kung saan makikita ko raw ang pinakamagandang tanawin.
Bahagya akong binangga ni Ark sa likod ng unahan kami nitong umakyat sa hagdan. Lumingon muna sa akin ito ng nakakunot ang noo bago muling magpatuloy sa pag-akyat.
