Chapter 52
Twin Shadows
ZIE
"Antok na antok pa ako..." hikab ko habang nag-iinat ng katawan at pinagmamasdan ang magandang tanawin ng mga puno sa aking bintana. Bahagyang umiihip ang malamig na pang-umagang hangin at unti-unti na rin tumataas ang maliwanag na sikat ng araw.
Para lang akong nasa probinsya. Ito na ang ikalawang araw ko sa Palasyong ito, matapos ang pagkikita namin ni Maeiv kahapon hindi ko na muling nakita ang mag-asawa dahil busy raw ito sa mga ginagawa para bansa. Wala naman akong ibang ginawa kahapon, kung hindi magmukmok sa loob ng kwarto ay nagbabasa ng mangilan-ngilan libro na matatagpuan sa kwarto ko.
Habang nag-aayos ako ng aking sarili ay ipinalaaman sa akin ng mga kasambahay na magkakaroon ng magarbong almusal ang buong Palasyo dahil napaka-importanteng taong narito ngayo. Ipinag-utos raw ng Reyna na maging maganda ang unang almusal ko kasama ang buong kamag-anakan nila. Nalaman ko rin kahapon na may mga pinsan pa pala ang magkakapatid dito.
Lumabas na ako ng kwarto nang matiyak ko ng maayos ang itsura ko. Alas-otso raw kailangan na namin na nakaupo na hapag-kainan. Nang makarating ako roon ay nandoon na ang magkakapatid. Kung si Shureii ang naka-upo noon sa kabisera ng lamesa ay hindi na, sina Maeiv at ang asawa nitong si Gideon ang naka-upo doon ngayon.
"Magandang umaga po sa inyo, Mahal na Reyna Maeiv at Haring Gideon." magalang at nakayukong pagbati ko sa mag-asawa bago umupo sa espasyong para sa akin.
Tumango naman itong si Gideon na mahahalata mo na hindi interesado sa akin dahil hindi man lang lumapat ang paningin nito sa akin. Wala rin naman akong pakialam sa matandang hukluban na 'yan, kung kay Maeiv kaya ko pang makipagplastikan baka rito kay Gideon lumabas ang mga nakatagong sungay ko.
Si Maeiv naman ay ngumiti sa akin "Magandang umaga rin sa'yo Mahal kong Apo? Kamusta ang una mong gabi sa ating Palasyo? Naging maayos ba ang pagtulog mo?" malumanay na pagtatanong niya sa akin.
"Maganda naman po ang aking umaga Mahal na Reyna at huwag po kayong mag-alala dahil nakatulog po ako ng matiwasay kahapon." pagkukunyari kong sagot sa kanya.
Sa totoo lang, hindi talaga ako halos nakatulog kagabi dahil bukod sa namamahay itong katawan ko ay patuloy pa rin akong binabagabag ng mga sinabi ng matandang ito kahapon ng magkakilala kami. Hindi pa rin maalis sa isipan ko pagbanggit niya sa kulay ng mga mata ko, ng aking Ama rito at ni Lolo Alastor.
"Maupo ka na Apo, pagpasensyahan mo na at hindi makakasama ngayon agahan ang tiyuhin at tiyahin mo. Tanging ang mga pinsan mo lang at kami ang naririto. Magsisimula na rin tayo kapag dumating na ang tatlo pang hinihintay natin." nakangiting dagdag pa ni Maeiv.
Tumango na lamang ako at hindi na sumagot. Pinagbuhatan pa ako ng alipin nila ng upuan. Napahinga ako ng malalim at pinagmamasdan ang napakaraming putahe sa aking harap. Iba't-ibang klase ng ulam at mga desserts pati na rin ang red wine. Sa kabila ng masasarap na almusal sa aming harap ay ang nakakamatay na katahimikan.
Kahapon habang kasabay ako ang magkakapatid sa hapag-kainan na ito ay hindi sila maubusan ng sari-sariling kwento. Talagang maingay sila habang kumakain dito ngunit iba ngayon. Wala ni isa sa kanila ang nagsasalita, tahimik ang mga ito at nakaayos ng mga upo. Ganoon din si Gideon tahimik lang itong pinagmamasdan ang paligid habang si Maeiv ay pangiti-ngiti lang.
Katulad ng ginawa ko kahapon, hindi rin ako umiimik sa kanila. Tahimik lang din ang sinusulyapan ang mga pagkain na nakahain sa harap ko. Hindi nila alam na kanina ko pa gustong lantakan ang mga ito. Bigla tuloy akong nagutom dahil ang babango ng mga pagkain dito.
