Chapter 56
Autonomy
ZIE
Dahan-dahan akong napamulat habang nakatapat sa aking mukha ang maliwanag na ilaw. Marami akong pamilyar na boses na naririnig ngunit hindi pa ito nag-reregister sa utak ko. Bigla ko rin naramdaman ang kakaibang sakit ng aking ulo at batok. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ang buong katawan ko.
Akmang tatayo na sana ako sa malamig na matigas na katreng hinihigaan ko ng hindi ko maigalaw ang aking buong katawan. Ilang segundo pa at unti-unti ng luminaw sa akin ang paligid. Nasa aking gilid si Maeiv, kausap ang isang babaeng na naka-suot ng laboratory gown.
"Mukhang gising na ang Apo ko, handang-handa na sa kanyang tadhana ngayon. Huwag kang mag-alala, hindi magiging masakit ang gagawin natin proseso." nakangising saad nito sa akin habang hinahaplos ng kanyang malamig na kamay ang aking pisngi.
Mabilis kong nilingon ang aking kamay at paa, kasalukuyang may itim na enerhiyang gumagapos rito. Pati ang leeg ko ay hindi rin nakaligtas ay mayroon din isang itim na animo'y lubid. Muli kong tinanaw ang paligid, nakangiti akong pinagmamasdan ng magkakapatid kasama ang Ama nito na para bang tuwang-tuwa sa itsura ko ngayon.
Hindi rin nakaligtas sa aking paningin si Aii na nakangisi sa akin, itong kumag na ito ang humampas ng malakas sa batok ko kaya agad akong nawalan ng malay kanina. Ngayon unti-unti ng pumapasok sa aking isipan ang mga nangyari. Binanggit nitong Maeiv na ako raw ang kasalukuyang tagapagmana ng Bloodstone, ang batong makapangyarihan.
Ayaw kong maniwala sa mga pinagsasabi ng matandang ito hangga't hindi ko ito nakikita ng harap-harapan. Sa kabilang banda ay hindi ko rin maipagkakaila ang pattern ng mga tagapagmana nito. Ipinamana ito ni Aldan sa kanyang Anak na lalaki na si Alastor. Ipinamana naman ni Alastor ito sa Anak niyang si Zzrot. At kung totoo ang hinala ko, ipinamana ng aking biological father na si Zzrot sa akin ang Bloodstone.
Inilapit ni Maeiv ang kanyang mukha sa akin "Sa mga susunod na minuto ay mapapasaakin na ang batong dapat ipapamana nararapat na mapasakamay ko. Kung hindi dahil sa hinayupak mong Lolo, matagal ko na sanang pagmamay-ari ito." malamig na wika nito at dali-dali akong sinampal sa kanang pisngi.
Agad na kumawala sa aking bibig ang impit na hiwak mula sa malakas niyang pagkakasampal sa akin. Pakiramdam ko ay matatanggal ang aking buong mukha sa pagkakasampal niyang iyon. Agad na bumulwak sa aking loob ng aking bibig ang mainit-init na dugo. Feeling ko naalog ng todo ang utak ko.
Ngunit imbes na ipakita sa kanya na nasaktan ako o nagulat sa ginawa niya ay ningisian ko ito. Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob upang asarin ang matandang hukluban na ito. Ipinapakita na niya sa akin ang tunay niyang kulay at pag-uugali. Ngayon alam ko na hindi totoo ang kabaitan na ipinakita ng mga kumag na ito sa akin.
Expected ko naman na mangyayari ang lahat ng ito. Alam kong darating din ang araw na paghuhukom ko sa Palasyong ito. Ang hindi ko lang inasahan ay ang rebelasyon na nalaman ko kanina na ako raw ang tagapagmana ng Bloodstone kahit hindi ko pa naman ito nakita sa tanan ng buong buhay ko. At ngayon gusto niyang kunin ito mula sa akin.
"At ang lakas ng loob mong ngisian ang Mahal na Reyna?" inis na wika sa akin ni Aii.
Walang gana ko itong pinagmasdan. Sinasabi ko na nga ba't may kakaiba sa lalaking ito. Hindi na ako magtataka kung palaging tama ang intuition at gut feeling ko. Kasing peke ng mukha niya ang pag-uugali niya. Ngayon lumalabas na talaga ang kulay ng mga budhi nila.
