E P I L O G U E
"Ahhh... ang sakit ng lalamunan kooooo." wala sa sariling saad ko habang hinihimas-himas ang aking tuyot na tuyot na lalamunan.
Nagpaalam na ako sa mga co-voice actors ko na kailangan ko nang umalis at hindi na ako makakasama pa sa kanilang lunch dahil tinawagan ako ng aking ka-grupo sa research para sa ilang paalala ng aming mga profs. Marami pa akong gagawin kaya wala akong oras.
Matindi kasi ang eksena kanina sa recording namin ng tagalog dub ng isang anime na sikat na sikat ngayon dahil sa napakaganda nitong animations. At naibigay sa akin ang role ng pagiging bida kaya todo bigay ako kanina dahil iyon din ang aming first day recording.
May kataasan na ang sikat ng araw dahil magtatanghali na, kanina pa akong alas-siete sa recording studio. Sinalpak ko na lang ang aking airpods habang nakikinig ng Taylor Swift music at nagpatuloy sa paglalakad palabas ng area upang makasakay ako ng jeep papuntang university.
Ilang minuto ang lumipas ay nakasakay na rin ako ng jeep kaya dali-dali kong kinuha sa bulsa ng aking pantalon ang isang strawberry cream flavored lollipop na hanggang ngayon ay paborito ko pa rin. Kaya hindi maiwasan na pagtinginan ako ng mga tao dahil may binata pang kumakain ng lollipop.
"Jusmiyo talagang mga kabataan ngayon ang hihilig sa matamis." imbyernang wika ng isang matandang babae na naka-upo sa kabilang bahagi ng jeep.
Tumango ang katabi nitong matandang lalaki "Oo nga, kalalaking tao mahilig sumubo. Bakla siguro 'yan." pang-uuyam na sagot nito.
Pinanliitan ko ng mga mata ang dalawang hukluban habang pinagtitinginan ako ng mga ito. Parang pamilyar itong mga kumag na 'to, sila rin ata itong mga tanders na nanglait sa akin noon dahil sa malaking peklat sa aking bulag na kaliwang mata. Kung sinuswerte ka nga naman.
Ngumisi ako at tinanggal ang lollipop sa aking bibig "Hoy kayong dalawa, ang tatanda niyo na ang chismoso niyo pa. Hindi niyo na lang intindihin niyang natitirang oras niyo sa mundo kung anu-ano pa pinag-uusapan niyo. Mamamatay na lang kayo't lahat-lahat ganyan pa mga ugali niyo. Paano kayo mapupunta sa langit niyan?" pang-aasar na litanya ko sa kanila.
Nagtawanan lamang ang iba pang pasahero na nakasakay pati ang driver. Gulat na gulat naman akong pinagmasdan ng dalawang matandang hukluban na para bang akala nila hindi ko maririnig ang mga sinabi nila kanina. Laitin na nila ang itsura ko, huwag lang ang lollipop na nasa bibig ko.
Ilang minuto pa ay bumaba ako sa fast food chain kung saan ako nag-paparttime job. Naroon kasi ang aking mga malilinis na uniporme at ayaw ko nang bumalik pa sa bahay. Mabait naman ang branch manager namin dito kaya pinapayagan niya akong mag-imbak ng mga gamit ko sa aking locker.
Bumungad sa akin ang napakaraming tao at ang ilang crew na hindi magkandaugaga sa pag-aasikaso ng mga customers. Hindi na ako napansin pa ng mga kasama ko dahil busy na busy ang mga ito. Agad akong pumasok sa employees entrance kung saan bumungad sa akin ni Bella, isa sa mga katrabaho ko.
Tulad ko, si Bella ay isa rin part timer dito sa fast food chain. Sikat talaga ang lugar na 'to dahil ilang lakad lang ay nasa entrada na ako ng university kaya dito ko rin napagdesisyunan na mag-parttime dahil maganda ang kanilang pamamahala sa mga employees at mababait ang mga boss.
Nakayuko itong nakatayo sa gilid ng men's locker room at nang magtama ang paningin naming dalawa animo'y nabuhayan ito ng dugo. Simula nang umamin ito ng kanyang feelings sa akin noong nakaraang taon, talagang pinilit ko ang aking sarili na iwasan ito dahil hindi ko kayang ibalik sa kanya iyon.
