Chapter 70
Daylight
ZIE
"You did a great job, Apo." nakangiting saad sa akin ni Lolo Alastor matapos kong bumaba mula sa aking kanina pang pagkakalutang sa ere.
Kahit na duguan na ang katawan nito ay mahigpit niya akong niyakap. Naramdaman ko na lang din ang aking sarili na niyayakap siya. Hindi ako isang affectionate na tao, lalo na't dahil ito sa mga naging karanasan ko. Pero naniniwala ako na deserved niya ang yakap na ito.
Huminga ako ng malalim nang kumalas ako ng pagkakayakap sa kanya. Muli kong pinagmasdan ang Bloodstone at pansamantalang itinago ito kaya muling nang bumalik ang aking dating itsura. Bumalik na rin sa dati ang pag-kakaayos ng kulay ng aking mga mata.
Akmang kakamustahin ko pa sana si Lolo Alastor nang may malakas na dumamba sa aking likod. Bahagya akong natawa nang tatlo kaming sumubsob sa semento. Yakap-yakap ako ni Ki at Tom habang marahas na ginugulo ang aking kulay itim na buhok.
"Sinasabi ko na nga ba't kayang-kaya mong talunin ang mga 'yon!" natatawang sabi ni Ki habang mahigpit pa rin akong niyayakap.
Patuloy naman si Tom sa paggulo ng aking buhok "Oo nga! Ikaw talaga ang karapat-dapat na mangalaga sa Bloodstone! Ngayon ko lang nasaksihan na ganoon pala kalakas ang kapangyarihan na taglay niyan." kalmadong dagdag pa nito.
Nilingon ko naman si Mika at Dex na nakangiti rin sa akin. Ganoon din sina Rep, Ice at Shai. Si Juno naman ay tipid lang ang reaksyon habang si Zephyr ay hindi pa rin makatingin sa akin ng diretso. Habang si Grace naman ay mangiyak-ngiyak na pinagmamasdan ako.
Hindi ko maiwasan na bahagyang kumirot ang aking puso habang pinagmamasdan ang kanilang mga ngiti sa labi. Dito na nagtatapos ang aking misyon sa mundong ito. Ngayon desidido na ako sa gagawin ko, kailangan ko nang tapusin ang mga naiwang pangarap ko.
Dali-dali naman kaming na-teleport tungo sa Palasyo ng Presidente. Doon naghihintay ang ilang healthworkers na tumingin sa kalagayan namin. Kasama rin doon ang mga kaibigan ko. Kaya tatawa-tawa pa kaming pinagkukwentuhan ang mga nangyari kanina.
Napakabilis ng oras na parang kanina lang ay naghahanda kami ng aming kanya-kanyang istratehiya para sa nalalapit na digmaan na ito. Ngayon labis na nagagalak ang puso ko na tapos na ang misyon ko sa mundong ito. Oras na upang ituwid kong muli ang pamumuhay ko.
Matapos kaming masuri ay pinagpahinga muna ang karamihan sa amin. Halos hindi naman magkandaugaga ang mga kasambahay at ang mga body guards na nagkalat sa loob ng Palasyo ng Presidente. Ang ibang opisyal naman ay kumakain na sa hapag-kainan habang namamahinga sa kanyang kwarto si Lolo Alastor.
"Una na muna ako sa itaas, kakausapin ko lang ang Lolo ko." pormal na pagpapaalam ko sa mga kaibigan ko na lupasay na nakahilata sa sala habang nanonood ng movies.
Hindi ko na hinintay pa ang sagot nila at dali-dali akong nagtungo sa itaas upang kamustahin ang lagay ng aking Lolo Alastor. Iba na talaga sa pakiramdam kapag may pamilyang alam kong nagmamahal sa akin. Kahit sa kakaunting oras ko lamang na nakasama siya ay naramdaman ko naman iyon sa kanya.
Agad akong pumasok doon at hindi na kumakot pa. Kitang-kita ko ang kanyang silhouette mula sa terrace ng kanyang kwarto dahil sa napakalaking buwan. Hindi niya siguro naramdaman ang pagpasok ko kaya nagulat siya nang tabihan ko siya sa pagmumuni-muni niya sa labas.
Habang hawak ang kanyang tasa na may mainit na kape ay nakangiti naman akong pinagmamasdan nito. Hindi naman ako nagsalita at tinitigan ang magandang buwan na nasa harap ko na pinalamutian ng makikinang na bituin. Bahagyang tinatangay ng pang-madaling araw na hangin ang buhok ko pakaliwa.
