Chapter 57
Oathsworn
ZIE
Dahan-dahan kong inimulat ang mga mata ko kung saan agad na sumalubong sa akin ang isang mataas at napakagandang ceiling na pamilyar sa akin. Patapak na pagtapak pa lang ng paa ko rito kanina ay mabilis akong nawalan ng malay. Siguro dahil na rin ito sa pagod ng aking katawan at utak.
Malalim na ang gabi at hindi nakabukas ang ilaw ng buong kwarto ngunit naaaninag ko pa rin ang kagandahan nito dahil na rin sa pagpasok ng liwanag ng bilog na buwan sa malalaking bintana mula sa labas. Ilang sandali pa ang lumipas ng mapansin ko na may mainit na kamay na nakahawak sa akin.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ang kanyang maikling mala-gintong buhok. Ang bilugan nitong mukha ay mas lalo pang naging maaliwalas dahil na rin sa liwanag ng buwan. Tulog na tulog din itong nakasampa sa gilid ng aking kama. Mababakas din ang pagod sa kanyang mukha.
Marahan kong hinimas-himas ang kanyang ulo at pinasadahan ang kanyang malambot na buhok.
"Maraming salamat... Maraming salamat..." nakangiti kong bulong dahil ayaw kong magising siya mula sa mahimbing niyang pagkakatulog.
Dahan-dahan akong tumayo upang hindi niya maramdaman ang anumang kilos ko. Suot ko pa rin ang damit na ginamit ko sa selebrasyon kanina sa Old Silkwood. Huminga na lamang ako ng malalim at marahang binuhat si Grace at pinahiga sa kama. Hindi ko maiwasan na pagmasdan ang kanyang maaliwalas na mukha.
Ilang sandali ang lumipas at nakapagpalit na rin ako ng damit. Mabilis akong lumabas ng kwarto at may mga taong kailangan magpaliwanag sa akin ngayon. At hindi nga ako nagkakamali, bagsak ang itsura nilang lahat na para bang ngayon lang sila nakapagpahinga.
Nakangangang humihilik sina Ki at Tom na nakahiga na sa carpet at magkayakap. Habang tulo laway pa sina Mika at Dex habang nakaupo sa sofa na para bang nakatulog na lamang ang mga ito roon. Si Juno naman ay tahimik lang nakaupo sa carpet habang nakasandal ang kanyang likod sa sofa.
Mukhang katulad din sila ni Grace na parang ilang araw ng walang tulog. Tanaw ko ang ilang kasambahay na nag-aayos ng hapagkainan. Hindi na ata nila inistorbo ang mahimbing na tulog ng limang ito kaya hindi na nakaakyat pa sa mga available na guest rooms ng Palasyo ng Presidente.
"Itong mga 'to talaga, pagod na hindi pa umakyat sa itaas." natatawang saad ko habang naglalakad papunta sa dining area.
Sinalubong ako roon ng ilang importanteng tao sa gobyerno ng bansa. Ang mga punong ministro ng kagawaran, ilang pinuno ng mga departamento at ilang matataas na opisyal ng sandatahang lakas. Nakaupo ang mga itong sabay-sabay na kumakain at nagtatawanan pa.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ko. Paano nila nagagawang kumain ng masasarap na ulam sa ganitong oras? Magkakaroon na po ng malaking gyera dahil sa batong nasasaakin ngayon. Kalmadong-kalmado silang nag-uusap at nagtatawanan. Bumuntong hininga na lamang ako at pinagmasdan ang lalaking naka-upo sa kabisera.
Ngayon ko lang muling nakita ang matandang ito, sa halos ilang buwan kong pananatili sa mundong ito. Bakas sa kanyang mukha ang pagod at ang malalim nitong mga mata na animo'y ilang araw ng puyat at walang matinong tulog. Ito ang pangalawang beses magkaka-usap kaming dalawa.
Sa tinatagal-tagal kong pananatili sa dorm ng Academy ay hindi na ako nagkaroon pa ng anumang koneksyon sa matandang ito. Wala rin naman kasi akong pakialam noon kung hindi kami magka-usap ko magkita man lang. Sinasakyan ko lang naman ang trip niya na mag-aral ako sa Bloodstone Academy.
