CHAPTER 60

66 3 0
                                    

Biyernes, ika-13 ng Enero, 1956

           Nagsisimula nang dumilim ang paligid dahil lumalalim na ang gabi. Hindi pa nakukuntento si Angelita sa kaniyang mga natapos gawin.

Napatay na niya Si Vicente at ang asawa nito. Maging si Marcelino at ang mga tauhan nito ay napatay niya na rin sa brutal na paraan. Ngunit kahit ganun ay nanggagalaiti pa rin siya sa galit.

Gusto niya pang pumatay at makakita ng mga nagdurusang tao dahil sa tingin niya ay kulang pa ang lahat ng iyon kumpara sa pagkamatay ng kaniyang asawa.

"Magdurusa kayong lahat sa impiyerno! Habang buhay na kabayaran ang kailangan niyong bayaran!"

Pinagsisipa niya ang lahat ng gamit na kaniyang nakikita. Malala ang kaniyang puot sa lahat ng bagay at tila wala na siyang kontrol sa kung ano ang ginagawa niya. Talagang nilamon na siya ng galit.

Mag-isa na lang siya sa mansyong tinitirhan niya. Lahat ng manggagawa dito ay nagsialisan na dahil ayaw ng mga ito na madamay sa gulo ni Angelita.

Matapos niyang sirain ang mga paso at plorera ay napaupo siya sa sahig. Bigla siyang napaiyak.

"Sige! Lahat kayo! Iwanan niyo na ako!" Sigaw niya.

Sinambunutan niya ang kaniyang sarili. Mukhang nawawala na siya sa tamang pag-iisip.

Humangad siya at inalala niya kung gaano kasigla ang buong mansyon na ngayon ay tila tirahan na ng isang mangkukulam.

Pumasok sa isip niya ang mga masasayang mukha ng kanilang manggagawa maging ang masayang mukha ng kaniyang asawa. Napahagulhol siya at mas lalong tumindi ang kaniyang pag-iyak.

"Lahat nalang kayo iniwan ako! Dahil ba sa naging mangkukulam ako!? Hindi ko naman kayo sinaktan ah!? Gusto ko lang naman makapaghiganti sa mga pumatay sa asawa ko!"

Tumayo siya at muling nagsira ng mga kagamitan. Nasasaktan siya sa tuwing maaalala niya ang masasaya niyang alaala.

"Iniwan na nga ako ng asawa ko pati ba naman kayo!? Mga wala kayong hiya! Hindi niyo ko minahal bilang isang amo! Pera lang pala ang kailangan niyo sakin!"

"Pahirapan mo rin sila!"

Napatawa siya sa gitna ng kaniyang pag-iyak. Sinambunutan niyang muli ang kaniyang buhok sapagkat parang may bumubulong sa kaniya.

"Pahirapan mo rin sila!"

Napasigaw siya nang muling bumulong ang nakakainis na boses, "Hindi! Ahhh!"

Naglakad-lakad siya sa buong mansyon at dinala siya ng kaniyang mga paa sa maid's quarter kung saan naninirahan dati ang kanilang mga katulong.

Pinihit niya ang seradura ng pinto. Maalikabok na ang silid at wala na ring gamit na naroon. Tanging ang higaan nalang at iba pang kagamitan para sa paglilinis ng bahay.

Nagpatuloy na tumulo ang kaniyang mga luha. Mapait siyang napangiti nang maalala niya si Manang Rosetes—ang mayor doma ng mansyong ito.

Bumalik ang mga alaala niyang kasama ang Mayor Doma. Pumasok siya sa kwarto at pinalibot ang paningin.

"Mag-isa nalang ako."

Umupo siya sa higaan ng isang katulong. Napayuko siya habang umiiyak. Kay pait ng dinanas ni Angelita. Lahat na ata ng taong malapit sa kaniya ay iniwan rin siya.

Nalingat siya nang makita ang isang kwaderno sa tabi ng isang walis. Nanlalabo ang kaniyang mga mata dahil sa luha kaya pinahid niya iyon.

Kinuha niya ang nasabing kwaderno. May pagkaluma na ito at maalikabok na rin. Pinunasan niya ang pabalat nito at wala siyang nakitang sulat kaya binuksan niya ang unang pahina.

Kunot-noo niyang binasa iyon, "Mga sulat para kay Angelita?" Nilipat niya ang pahina at nakasulat doon ang isang liham.

Mahal kong Angelita,
          Sobra akong nasasaktan dahil sa sinapit ni Ginoong Josefino. Sobra akong nasasaktan sa malaki mong pagbabago. Halos isang dekada na rin kitang kasama at inalagaan. Alam ko na ang lahat ng tungkol sayo. Sobra akong napamahal sayo dahil sa kabaitan mo. Tinuring kitang anak kahit katulong mo lang ako. Tinrato mo kaming kapamilya. Naging masaya ako kahit malayo ako sa totoo kong pamilya dahil sayo.

Patuloy ang pagpahid niya sa kaniyang mga luha habang binabasa ang mga nakasulat sa pahina. Nang matapos ay inilipat niya itong muli.

           Angelita, hindi ko kayang makita na nagkakaganyan ka. Hindi ko kayang tignan ka na unti-unting nilalamon ng galit at puot. Pinilit kong pigilan ka sa mga gusto mong gawin pero hindi ko nagawa. Patawarin mo ako Angelita, hindi talaga kita gustong iwan. Masakit saakin iyon pero kailangan ko. May pamilya din ako na kailangang buhayin. Patawarin mo ako kung hanggang sa huli hindi kita masasamahan. Patawarin mo ako Angelita.  Sa pag-alis kong 'to, gusto kong makamit mo ang gusto mong hustisya para kay Josefino. Sana mapatawad ka ng Diyos sa mga ginawa mo. Ipagdadasal kita Angelita. Ipagdadasal ko na sana magising ka sa katotohanan na masama ang ginagawa mo. Patawarin mo ako Angelita. Mahal na mahal kita Ineng.

            Nagmamahal, Ang inyong Mayor Doma, Nanay Rosetes

Niyakap niya ang kwaderno matapos niyang maisa-isa ang mga pahina nito. Inalala niya ang lahat ng mga pagkakataong pinipigilan siya ni Nay Rosetes sa mga balak niyang masama pero hindi siya nakinig. Napagtanto niya ang lahat ng mga kasamaang kaniyang ginawa.

"Hindi ako 'to! Hindi ako masama! Hindi ko magagawang pumatay ng tao! Anong nangyayari sa'yo Angelita!?"

Natauhan siya. Tumayo siya dala-dala ang kwaderno. Umiiyak siya. Hindi niya lubos maisip ang mga kasamaang nagawa niya.

Napagtanto niya na nilamon siya ng galit at hinayaan niya ang sarili niyang sakupin ng kasamaan.

"Napakasama ko. Bakit ka ganyan Angelita?!"

Nakakita siya ng isang rosaryo sa sahig. Pinulot niya iyon at itinali sa kaniyang kamay.

"Patawarin niyo ako Panginoon. Diyos ko. Malaki ang kasalanan ko sa inyo. Kulang pa ang buhay ko para bayaran ang lahat ng mga nagawa ko."

Nagtungo siya sa kanilang likod bahay at naghukay doon ng malaking hukay. Buo na ang kaniyang desisyon. Ito nalang ang naiisip niyang paraan upang mabayaran ang lahat ng kaniyang kasalanan.

Umulan ng napakalakas. Napalunok siya habang yakap ang bungo ng asawa kasama ang kwaderno na galing kay Nay Rosetes.

Itinapat niya ang sarili sa hukay. Tumingala siya sa langit at humingi ng tawad sa kaniyang isipan.

"Paalam na mapaglarong mundo." Saad niya bago sinaksak ang sarili.

Sumirit ang kaniyang dugo. Saktong tumilapon ang kaniyang katawan sa kaniyang hinukay. Hanggang sa mawalan siya ng hininga ay yakap-yakap niya ang ulo ng kaniyang asawa maging ang kwaderno ni Nay Rosetes.

Head [Revising Soon]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon