Chapter 39

1.3K 64 2
                                    

Jemimah Remington-Maxwell
NAGYUKO ng ulo si Jemimah nang makita ang pagpasok ni Lizette Salcedo sa loob ng Examiner’s Office ng SCIU, napaiyak sa tabi ng bangkay ni Chairman Tony Gonzalvo na nasa ibabaw na ng autopsy table. Kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilan ang mapaiyak na naman.
Hindi makapaniwala sina Jemimah nang makatanggap ng tawag at sinabing natagpuan ang bangkay ni Tony sa loob ng opisina nito, tadtad ng bala ang katawan. Sigurado na pinatay ito kasabay ng gulong nangyari sa labas ng SCIU kagabi.
Putol ang hinliliit ni Tony sa kanang kamay, ibig sabihin ay si Crow Overtaker ang pumatay dito. Ginawa ba iyon ni Crow dahil hindi nagtagumpay si Jobald Alonzo? Pero bakit si Tony? Hindi maintindihan ni Jemimah kung bakit ang Chairman ng SCIU ang tinarget nito.
“Sino ang gumawa nito?!” galit na tanong ni Lizette, tumingin sa kanila, hilam na sa luha ang mukha. “Bakit hindi niyo siya nailigtas?!”
Nanatili si Jemimah na nakayuko. Hindi alam kung ano ang sasabihin.
“Ang SWAT team ang naatasang kumuha sa mga empleyadong nasa loob ng headquarters,” sagot ni Ethan. “Hindi nila alam kung paano nakalusot si Crow.”
“Crow?” sambit ni Lizette. “Siya ba ang serial killer sa bagong kasong hawak niyo? Bakit idinamay niya si Tony? Bakit?!”
“Hindi namin alam, Lizette,” malamig na wika ni Douglas.
Tiningnan ni Jemimah si Douglas. Nakatayo lamang ito sa isang tabi, kanina pang hindi nagsasalita. Wala rin itong ipinakitang emosyon simula nang makita ang bangkay ni Tony. Alam niyang napakasakit para dito ang nangyari. Si Tony Gonzalvo na ang itinuring na ama nina Douglas at Lizette.
Muling napaiyak si Lizette. Napatingin sila kay Barbara Santiago nang marinig ang pagtikhim nito.
“May nakita akong injection would sa gilid ng leeg ni Tony,” panimula ni Barbara. Makikita rin sa mukha ng babae ang kalungkutan. “And there were traces of drugs in his system. Ginagamit iyon para maparalisa ang katawan ng isang tao. Iyon ang dahilan kaya hindi na nakalaban si Tony. He was... shot seven times. Ang balang tumama sa kaliwang dibdib niya ang dahilan ng pagkamatay niya. His pinky finger was cut after.”
Ikinuyom ni Jemimah ang mga kamay. Crow Overtaker. That monster. Gagawin nila ang lahat para mahanap ito at mapagbayad.
Lumapit sa kanila si Barbara para iabot ang isang folder. “Galing ito sa forensics.”
Binuksan ni Jemimah ang folder at nakita doon ang larawan ng mga balang nakuha sa katawan ni Tony, katabi niyon ay ang larawan ng mga balang nakuha naman sa katawan ni Hector Quintallan.
“Sinabi ng forensics na galing sa iisang baril ang mga balang 'yan,” sabi ni Barbara. “Hindi ito simpleng coincidence lamang.”
Inilipat ni Jemimah ang tingin kay Ethan na nasa tabi, nakatingin din sa forensic report. “Jayden,” usal niya.
Nag-igtingan ang mga panga ni Ethan. “Kung si Jayden nga ang bumaril kay Tony, masasagot na ang tanong kung bakit siya pinatay. At ibig sabihin din niyon ay magkakilala si Sullivan at Crow Overtaker.”
“Si Destroyer at si Crow Overtaker,” sambit ni Jemimah. Two deadly serial killers working together? Hindi na dapat gawing simpleng kaso ito. The safety of the people was at stake.
“Wala nang ibang ebidensyang nakuha sa katawan ni Tony,” wika pa ni Barbara. “No fingerprints.”
Ganoon din sa crime scene. Walang ibang fingerprints. Wala ang murder weapon.
“Kailangan nating makausap ang nasa control room ng headquarters,” mayamaya ay narinig nilang sabi ni Douglas. “Hindi ko maintindihan kung bakit hindi gumagana ang mga CCTV nang oras na napatay si Tony.”
Tumingin si Jemimah kay Barbara at nagpasalamat dito. Nilapitan niya si Lizette na nakatitig na lang sa bangkay ni Tony. “I’m sorry,” bulong niya.
Umiling si Lizette. “It is not your fault. Kung si Destroyer ang gumawa nito, siya ang dapat na magbayad. Hinihiling ko lang na sana ay nalaman ni Tony ang sagot sa mga tanong niya kung nakaharap niya nga ang taong pumatay sa asawa niya.”
Inilipat ni Jemimah ang tingin kay Tony Gonzalvo bago sumaludo dito. “Gagawin namin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay mo, Chairman. Hindi kami titigil hangga’t hindi nahuhuli sina Destroyer.”
Palabas na sila nang marinig ang pagsasalita ni Barbara. “The SCIU is facing a crisis right now pero huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Tony’s death won’t be for nothing. Sigurado akong alam niya nang mangyayari ang lahat ng ito.” Ngumiti ang babae. “Si Tony, si Marco, si Jordan. Ang team nila noon sa NBI ang isa sa pinakamahusay na team na nakita ko. Magkakaiba sila pero napakaraming kaso nilang naisara noon. At kahit wala na sina Tony at Jordan, hindi pa rin matatapos ang pagtulong nila.”
Nakikita ni Jemimah ang kaseryusohan sa mukha ni Barbara. Alam niya na matagal na nitong nakasama ang mga taong tinutukoy. At naniniwala siya dito.
Pagkalabas nila ng Examiner’s Office ay dumeretso sa control room ng headquarters. Sarado ang SCIU ngayong araw dahil sa pag-aayos ng mga napinsala kagabi pero nandito ang mga empleyado.
“Sino ang naka-duty dito kagabi?” tanong ni Jemimah.
Lumapit sa kanila ang isang lalaki, may makikitang takot sa mukha nito.
“Ano'ng nangyari? Bakit hindi gumana lahat ng CCTV’s kagabi?”
Napayuko ang lalaki. “N-nagkakagulo na po kagabi. Pumasok ang mga SWAT team para daw makalabas kami. May... may isang miyembro ng SWAT na pumasok dito sa loob ng control room at sinabing kailangan naming i-turn off ang lahat ng computers, maging ang lahat ng CCTV bago lumabas.”
Miyembro ng SWAT Team
“Nakita niyo ba ang itsura niya?” tanong ni Douglas.
Umiling ang lalaki. “Naka-helmet po siya. Hindi rin namin alam kung bakit niya inutos iyon pero dahil sinabi niyang utos iyon ni Chairman Gonzalvo kaya sumunod na lang kami. Natakot din kami kagabi, nataranta. Hindi na kami nakapag-isip ng tama.”
Naiintindihan ni Jemimah ang mga ito. There was a threat of a bomb. At nandito ang mga ito bilang tagabantay lang ng control room.
“Nag-disguise ang killer na isa sa mga SWAT agents,” seryosong wika ni Ethan. “Kaya nakapasok siya dito sa headquarters. Kaya nakapagbigay siya ng utos. Kaya pinagkatiwalaan siya ni Chairman Gonzalvo na papasukin sa loob ng opisina niya.”
“Alinman kina Crow o Jayden ang nag-disguise na 'yon,” ani Jemimah. “Hindi na natin kailangang alamin kung sino. Ang mahalaga ay alam nating magkakilala sila, magkakampi.”
“Find them,” narinig nilang wika ni Lizette, nagmamakaawa. “Huwag niyo hayaang madagdagan na naman ang mga biktima nila.” Tumingin sa kanila ang babae. “Malaki ang tiwala ni Tony sa team ninyo.”
Sinundan lang nila ng tingin si Lizette hanggang sa makalabas ito. Sinabi naman ni Douglas na susundan lang ang babae para kausapin.
Tumingin si Jemimah kay Ethan. “Hindi pa rin ako makapaniwala. They fooled us, Ethan. They fooled everyone. Siguradong ginamit nila si Jobald Alonzo para mapatay si Tony.”
Inabot siya ni Ethan para yakapin ng mahigpit. “This is Destroyer,” bulong nito. “Siya lang ang nakakapanlinlang ng ganito sa mga awtoridad. This is now a battle.”
Tumingala siya sa asawa, nakikita ang galit sa mga mata nito. “Kailangan nang malaman ng publiko ang tungkol dito. The Destroyer and Overtaker needs to be punished. Hindi na dapat tayo magtago sa imbestigasyong ito. Harapan na natin siyang kalabanin.”
Bumuntong-hininga si Ethan, tumango. “Naghihintay sina Mitchel at Theia sa sasakyan. Marami pa tayong kailangang malaman sa nangyaring pagsabog ng bomba kagabi.”
Sumunod lang naman si Jemimah hanggang sa makarating sila sa kanyang Toyota Fortuner. Nakaupo sa backseat sina Mitchel at Theia. May fracture sa kanang binti si Mitchel dahil sa pagsabog kagabi. Hindi naman ito nagpa-confine sa ospital.
Hanggang ngayon ay marami pa ring mga pulis at media na nakapalibot sa building ng SCIU. Mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa buong sasakyan. The death of Chairman Gonzalvo was still a shocking, devastationg news.
Tumikhim si Ethan. “Ipinakita sa akin ni Jemimah ang text mo kagabi, Theia. Hindi pa namin naitatanong ang dahilan niyon dahil sa dami ng nangyari. You said not to shoot Jobald. Why is that?”
Inabot ni Theia ang laptop nito. She pressed a few keys before showing it to them. “Nagmessage uli siya sa website kagabi.”
Binasa ni Jemimah ang nakasulat sa message ni Crow Overtaker.
Hindi niyo gugustuhing patayin si Jobald. Hindi lang ang detonator na hawak niya ang makakapagpasabog sa bomba. The timer of the bomb is connected to his heartbeat. Kapag tumigil ang pagtibok ng puso niya, magsisimula naman ang countdown. At boom!
You think I am that easy? Think again.
Crow Overtaker.
Ikinuyom ni Jemimah ang mga kamay. This serial killer was taunting them. Just like Destroyer. Malaki ang pagkakapareho nina Destroyer at Overtaker. Iyon siguro ang dahilan kaya nagkasundo ang mga itong magtulungan.
“And I also found out the IP address kung saan nanggaling ang mga messages na 'yan ni Crow,” imporma ni Theia, inabot sa kanya ang isang sticky note na may nakasulat na address.
“Kami na ang pupunta ni Jemimah sa address na 'yan,” ani Ethan. “Ihahatid muna namin kayo sa penthouse para makapagpahinga.”
Pinakatitigan ni Jemimah ang sticky note na hawak. Hindi sila sigurado kung dito nga ba nakatira si Crow Overtaker. Pero wala namang mawawala kung pupuntahan nila ang lugar na ito. They needed to leave no stone unturned. Kahit saan pa sila abutin, hahanapin nila ang mga serial killers na pumatay sa kanilang mga kasamahan.
NAKITA ni Jemimah ang pagtataka sa mukha ni Lizette Salcedo habang nakatingin sa sticky note at mga pictures ng isang resthouse. Tumingin ito sa kanila. “Oo, resthouse nga 'to ni Mae sa Laguna. Minsan na akong nakapunta dito. Bakit?”
“Iyan ang lugar na itinuro ng IP address kung saan nanggaling ang mga messages ni Crow Overtaker na ipinadala sa amin,” seryosong sabi ni Ethan.
Bumahid ang pagkagulat sa mga mata ni Lizette. “Crow Overtaker? Ang serial killer na hinahanap niyo?” Naguluhan ito. “Sinasabi niyo ba na si Mae ang Crow na 'yan?”
“Hindi pa namin alam,” sagot ni Jemimah. Kanina ay pinuntahan nila ang address na ibinigay ni Theia at napag-alamang pag-aari ni Mae Latido ang resthouse. Kaibigan ni Lizette Salcedo si Mae kaya agad nila itong kinontak dahil wala sa resthouse, maging sa permanent residence nito si Latido. “Kailangan namin siyang makita at makausap para ma-interoga.”
“Did you look for her?” tanong ni Lizette.
“Walang tao sa resthouse na iyon nang pumunta kami kanina,” sagot ni Jemimah. “Pinuntahan din namin ang permanent residence ni Mae Latido pero wala ring sumasagot doon.”
“Kailan mo siya huling nakita?” tanong ni Ethan.
Sandaling nag-isip si Lizette. “Last week, I think. Binisita ko siya sa bahay niya. Sa university na pinagtatrabahuhan niya, nagpunta na kayo?”
Tumango si Jemimah. “Sinabi ng dean na dalawang araw nang hindi pumapasok sa trabaho si Mae. Sinusubukan din daw nilang tawagan pero hindi makontak.”
Napuno na ng pag-aalala ang mukha ni Lizette. “Wala naman sigurong masamang nangyari sa kanya, 'di ba?”
“Hindi natin alam. Nakakapagtaka na bigla na lang siyang nawala.” Sandaling huminto si Ethan. “Posible kaya na nagtago siya simula nang ma-crack ang website ni Crow Overtaker? Mae Latido is blogger, right? She knows programming as well. Maging sa paggawa ng mga websites.”
Tiningnan ni Lizette si Ethan. “Ibig sabihin ay pinaghihinalaan niyo talaga siya? IP address lang ang ebidensyang nagtuturo sa kanya. Hindi pa sapat iyon.”
“Then where is she?” tanong pa ni Ethan. “Dalawa lang ang posibleng dahilan kung bakit nawawala ang kaibigan mo. Una, nagtatago na siya. Pangalawa, pinatay na siya ng killer na hinahanap natin at ibinabagsak sa kanya ang lahat ng ebidensya.”
Ini-iling ni Lizette ang ulo. “N-no... Kailangan nating mahanap si Mae. Hindi ako naniniwala na siya si Crow Overtaker. Matagal ko na siyang kilala.”
“Matagal din naming kilala si Jayden, Lizette,” wika ni Ethan. “Hindi dahil matagal mo nang kakilala ang isang tao ay alam mo na ang lahat-lahat sa kanya.”
Nanatiling nakayuko si Lizette. Nakaramdam ng pagkaawa si Jemimah para sa babae. Kawawala lang ni Chairman Gonzalvo na itinuring nitong ama, ngayon naman ay ang kaibigan.
Pero tama si Ethan. Dalawa lang ang rason kung bakit nawawala si Mae Latido. Hindi gustong isipin ni Jemimah na ang serial killer na si Crow nga ito. Pero hindi niya rin gustong isipin na patay na ang babae at ginagamit na lang ng killer.
Kung ang pangalawa ang rason. Kailangan nilang kausapin ang lahat ng mga taong malapit kay Mae. Dahil siguradong isa sa mga ito si Crow Overtaker.
Napatingin si Jemimah sa asawa nang tumunog ang cell phone nito. Sinagot ni Ethan ang tumatawag dito.
“Joshua... Nandito kami ngayon sa Maynila.” Nagsalubong ang mga kilay ni Ethan. “Kung importante 'yan, puwede mo kaming puntahan dito ngayon.” Sinabi nito ang pangalan ng restaurant na kinaroroonan nila.
“What is it?” tanong ni Jemimah nang matapos ang tawag.
“Sinabi ni Joshua na gusto niya tayong makausap tungkol sa Destroyer Case. Mukhang nagmamadali siya.”
Bumuntong-hininga si Jemimah. Kung nagmamadali si Joshua, malamang ay importante iyon. Sana ay may makuha na silang panibagong lead.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon