Marco Pulo
TUMUWID sa pagkakaupo si Marco nang makita ang pagpasok ni Barbara Santiago sa loob ng isang restaurant kung saan siya nakipagkita rito. Kinamayan niya ang babae. “How are you doing, Barbara?”
“Good, I think.” Ngumiti si Barbara. “Kayo? How’s the team? Siguradong napakahirap sa kanila na magtago.”
Bumuntong-hininga si Marco. “They’re doing fine. Those kids are very hardworking. Kaya dapat lang na makamit na nila ang katahimikan at kapayapaan na nararapat sa kanila.”
“Jordan,” usal ni Barbara. “Dapat noon ay tinulungan na natin siya at hindi hinayaang mag-isa. Alam ko na sobrang lapit niya na sa Destroyer. And everything turned into nothing.”
“Dapat ay pinuntahan ko siya noon,” malungkot na sabi ni Marco. “Tumawag siya sa akin para sabihing may hinala na siya kung sino si Destroyer. Pero noong panahon na 'yon ay may importanteng misyon kaming ginagawa sa NBI. Ang nasa isip ko lang noon ay ma-promote sa mas mataas na rango. Nagpunta dapat ako kay Jordan. Nakinig dapat ako. Pero mas pinili ko ang sarili kong pangarap kaysa sa hiling ng kaibigan ko.”
“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Marco,” ani Barbara. “You have suffered as well. Nakita ko kung gaano ka nasaktan sa pagkawala nina Jordan. Inalagaan mo ang anak niyang si Anna, maging si Ethan ay lihim mong binabantayan. At hanggang ngayon, ginagawa mo pa rin ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay nila.”
Tumingin siya kay Barbara. “Hindi ako titigil hangga’t hindi nahahanap si Destroyer. At naniniwala ako na hindi namatay si Jordan sa wala. He left something behind. Kailangan lang naming mabuksan iyon.”
Tumango-tango ang babae. “Ang mga batang iyon na nasa pangangalaga mo ngayon, hindi sila ang klase ng mga taong sumusuko kaagad. I saw how they work as a team in SCIU. Matatapos din ang lahat ng ito.”
“Sana nga. At sana ay maging ligtas ang lahat.”
“Jayden Sullivan,” sambit ni Barbara makalipas ang ilang saglit. “Sa tingin mo ba ay ang batang iyon ang hinahanap nating halimaw na nagawang makapagtago sa loob ng mahabang panahon? Na nagawang paglaruan ang mga awtoridad. Talunin ang isang katulad ni Jordan?”
Mahabang sandaling nakatitig si Marco sa kawalan. He didn’t know who this Jayden Sullivan was. Maging siya ay nagulat nang biglang sabihin ng team ni Ethan na posibleng ito si Destroyer. At nang halughugin ng mga ito ang bahay ni Sullivan ay nakita nga ang mga larawan ng huling biktima ni Destroyer – si Kristina Lopez.
“Hindi ko alam,” sagot niya. “Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon. It might be a copy-cat. Posibleng gusto lang palabasin ni Jayden ang tunay na Destroyer sa pamamagitan niyon. But there’s no movement. Kapag nakita ng isang serial killer na mayroon siyang copy-cat, gagawa siya ng panibagong krimen para maipakitang siya lang ang nag-iisang killer na gumawa ng ganoong mga obra.”
Humugot ng malalim na hininga si Barbara, nasa mukha na nito ang pag-aalala. “But thankfully, magkakaroon na sila ng security from SCIU. It’s a good thing, too. Mabuti na lang at napapayag ni Alfonso si Jemimah na magtrabaho sa SCIU kahit sandali lang.”
Si Alfonso Babor ang bagong Chief ng SCIU. He trained Alfonso in the police force back then. Nakakasama niya ito noon sa mga misyon nila. Nang umalis si Marco sa serbisyo ay madalas pa rin siyang binibisita ni Alfonso. Nalaman niya na nag-serbisyo ito sa Marines. Siya ang gumawa ng paraan para makuha itong Chief ng SCIU, sa tulong din ni Chairman Gonzalvo.
Pero walang nakakaalam niyon. Si Barbara ang nag-suggest na mas maganda kung makakuha sila ng security mula sa mga agents ng SCIU. But only the Chairman, the Director and the Chief could request for that if needed. Magagawa ng mga itong magpatawag ng SWAT members, Army at maging ang SAF para sa isang misyon.
May kinuha si Barbara sa loob ng bag nito – isang larawan. “I think you need to do a research on this person. A deeper research.”
Tiningnan ni Marco ang larawan, kumunot ang noo. “Bakit?”
Tumitig sa kanya si Barbara at sinimulang ipaliwanag ang dahilan kung bakit ito naghihinala sa taong nasa larawan.
INAYOS ni Marco ang cap na suot habang nakasandal sa isang poste na malapit sa SCIU Headquarters. Ilang minuto pa siyang naghintay hanggang sa pumarada ang isang itim na sasakyan sa harapan niya. Pumasok siya sa loob ng passenger’s seat at binati si Tony Gonzalvo – ang kasalukuyang chairman ng SCIU.
“Thank you for seeing me today, Marco,” wika ni Tony. “Alam ko na malayo pa ang pinanggalingan mo at marami kang kailangang asikasuhin doon.”
“Wala 'yon. Marami rin tayong pinagsamahan noon at pareho lang naman ang misyon natin ngayon.”
Ngumiti si Tony. “Kumusta kayo? Hindi niyo pa rin ba nabubuksan ang flashdrive na iniwan ni Jordan?”
Umiling si Marco. “Hindi agad-agad naming mabubuksan 'yon. We are trying to crack it but it’s highly encrypted. Hindi namin gustong masira ang mga files na naroroon.”
“Hindi niyo ba talaga gustong ipadala sa States? Marami akong kakilala na puwedeng makatulong.”
“No,” tanggi ni Marco. “Hindi gusto ni Ethan na ipahawak sa iba ang flashdrive na iyon. It’s too dangerous.”
Tumango-tango si Tony. “It’s good na tinanggap ng board members ng SCIU na gawing Chief si Alfonso. Having the Chief on my side will be a big help.”
“How about Antonio?” nagtatakang tanong ni Marco. “Hindi ba kayo magkasundo? Hindi mo ba siya mahihingan ng tulong kung sakali?”
Mahinang tumawa si Tony. “Hindi naman sa ganoon. Pero minsan ay may mga ginagawa si Antonio na para sa sarili niya, minsan hindi ko maintindihan ang mga rason. Katulad na lang ng pagbuo niya sa Cold Eyes Team na magiging under his supervision, na deretsong sa kanya magre-report. Pumayag ako dahil iyon ang gusto niya. He’s still the director and I think he was just bored back then. I’ve known Antonio for a long time pero hindi ko pa rin siya maintindihan.”
Tiningnan ni Marco si Tony. Ganoon din naman siya. Matagal niya nang kilala si Antonio Morales, magkakaibigan silang tatlo noon nina Jordan. Pero simula nang nawala si Jordan, naging parang hindi na sila magkakilala ni Antonio. Of course, he had gone a long way. Naging direktor na ito ng isang special agency. At siya ay isang retired police officer lang.
“He seems interested with the Destroyer Case tuwing nababanggit ko sa board members ng SCIU, tuwing hihilingin ko na kunin iyon sa NBI,” pagpapatuloy ni Tony. “Pero minsan ay parang balewala lang iyon sa kanya. Katulad ngayon. He’s not doing anything special in the agency. Siguro malaki rin ang naging epekto sa kanya ng pagkawala ng team na binuo niya.”
“Ano nga pala ang dahilan kaya nakipagkita ka?” pag-iiba niya sa usapan.
“Oh, about that.” Inilipat ni Tony ang tingin sa unahan ng sasakyan. May kinuha itong papel sa loob ng compartment, iniabot sa kanya.
Binasa ni Marco ang nakasulat sa papel.
Gusto mong makipaglaban sa akin? Then I’ll show what I can do. Take good care of yourself, Chairman. Baka malapit mo nang makasama ang asawa mo. – Destroyer
Gulat na napatingin si Marco kay Tony. “A threat? Kailan mo pa 'to nakuha?”
“Ilang linggo na rin ang nakaraan.”
Ikinuyom ni Marco ang kamay. “Bakit ngayon mo lang sinabi? Hindi ito biro. Nakatanggap din noon si Jordan ng threat messages pero binalewala niya. Kaya ano'ng nangyari?”
Tumingin sa kanya si Tony, ngumiti. “Alam ko na kung bakit ganoon ang inakto ni Jordan noon kahit nakakatanggap siya ng threat. He wanted to meet this serial killer. And the only way is to provoke him.”
“Come with me,” sabi ni Marco. “Puwede kang mag-stay sa lugar namin para—”
“Marco,” putol ni Tony sa kanya, seryoso. “I’m dying. Hindi magtatagal ay mawawala na rin ako.”
Kumunot ang noo ni Marco, hindi maintindihan ang sinasabi nito.
Humugot ng malalim na hininga si Tony bago nagpatuloy. “I have lung cancer, Marco. At hindi ko na gustong tumanggap ng kahit anong medication, therapy. Matagal ko nang tinanggap na balang-araw ay mamamatay din ako. Pero bago 'yon gusto kong malaman kung ano ang nangyari noon kay Diana, kung bakit siya naging target ni Destroyer, kung sino ang ama ng dinadala niya. At kung kailangan kong harapin ang halimaw na iyon para malaman ang mga sagot doon, gagawin ko.”
Sobrang higpit ng pagkakakuyom ng mga kamao ni Marco na halos magdugo na iyon. “Plano mong sumuko na lang? Para lang malaman ang mga sagot sa tanong na 'yan?”
Hindi sumagot si Tony, ini-start lang ang sasakyan. Makikita sa mukha nito ang kalungkutan. Simula nang namatay ang asawa nitong si Diana ay tila nawalan na rin ng buhay si Tony. Sa kabila ng lahat ng kayamanan nito ay hindi na kinakitaan ng kasiyahan.
Iniyuko ni Marco ang ulo. “Saan tayo pupunta ngayon?”
“We’ll be meeting the Commander-in-Chief of this country.”
Hindi naitago ni Marco ang pagkagulat, ibinalik ang tingin kay Tony na tanging kaseryusohan lang ang makikita sa mukha. Bakit nila pupuntahan ang presidente ng bansa?
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet
Mistero / ThrillerA famous actress had been murdered inside her own place. And the killer hanged himself beside the body. Muling nabuksan ang kasong iyon at naatang sa team ni Jemimah nang makita ang kagunayan sa panibagong murder na naganap sa mismong headquarters n...