Joshua Sann
BINATI ni Joshua sina Ethan at Jemimah bago naupo sa isang silya. Sinulyapan niya ang isang babae na kasama ng mga ito. Ipinakilala ito ni Jemimah bilang Lizette Salcedo.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa SCIU, maging kay Chairman Gonzalvo,” wika niya. “Nakarating sa amin na posibleng kasama si Sullivan sa insidente. Ibig sabihin ay magkakilala rin sila ng serial killer na hinahanap niyo. Katulad ng koneksyon nila ni Hector Quintallan.”
“How’s NBI?” tanong ni Ethan.
“They’re also in chaos. Mas hinigpitan na rin ang security nila.” Bumuntong-hininga si Joshua. “Nagkakagulo ang media dahil sa pagkamatay ni Chairman Gonzalvo. Nagulat din ang mga board ng SCIU. Siguradong pinag-uusapan na nila ngayon kung sino ang papalit sa puwesto.”
“Hindi ba ang Director ang sunod sa kanya?” tanong ni Lizette. “The Director will be in command now.”
Tumango si Ethan. “Sa ngayon. Hangga’t walang naa-appoint na chairman.”
Pinakatitigan ni Joshua si Ethan Maxwell. He still had his calm look. How could this man be so calm despite everything? Pareho lang talaga ito sa ama nitong si Jordan Maxwell. Pagdating sa trabaho ay seryoso at propesyonal.
“Ano nga pala ang gusto mong sabihin sa amin, Joshua?” tanong ni Jemimah.
Ipinatong ni Joshua sa mesa ang folder na hawak. “Ito ang ibinigay sa akin ni Ethan na summary ng investigation niyo.” Binuklat niya iyon sa isang pahina at itinuro ang isang larawan. “Nakalagay dito na may nakita kayong USB flashdrive. Iniwan ni Jordan. But there is a password. Nabuksan niyo na ba?”
Kumunot ang noo ni Ethan. “Hindi pa. Bakit mo natanong?”
Sandaling pinakatitigan ni Joshua ang flashdrive na nasa larawan. “Ibinigay ko ang flashdrive na ito kay Jordan noong kauna-unahang birthday niya na nakilala ko siya. Wala akong maisip na regalo, ito lang ang napag-ipunan ko noon. But this is just a simple flashdrive back then.”
“Posibleng ipinaayos ni papa ang flashdrive na 'yan sa States. It was highly encrypted with a password. Sabi ng tumingin sa flash drive na 'yan, it cannot be hacked. Our hacker tried but failed.”
“Password,” usal ni Joshua.
“Isang try lang ng password ang puwedeng gawin,” sabi naman ni Jemimah. “Kapag mali, mala-lock ang file na nasa loob. At puwede uling sumubok pagkatapos ng isang taon. Kapag sinubukang i-hack ay posibleng mawala ang mga laman niyon.”
Napangiti si Joshua. Hindi na iyon kagulat-gulat kay Jordan Maxwell. Wala ni isa ang nakaalam sa nangyari imbestigasyon nito noon dahil mahusay itong magtago.
“Bakit mo natanong?” seryosong tanong ni Ethan.
Sumeryoso na rin si Joshua. “Naisip ko lang na... baka hawak ko ang password na kailangan niyo.”
Makikita ang pagkagulat sa mukha ng mga ito. Inilipat ni Joshua ang mga kamay sa butones ng suot niyang polo, isa-isang binuksan iyon.
“A-ano'ng ginagawa mo?” narinig pa niyang tanong ni Lizette.
Hindi pinansin ni Joshua ang babae at ipinagpatuloy ang paghuhubad sa polo na suot. Tumayo siya at tumalikod sa mga ito para ipakita ang tattoo sa likuran. Mga numero iyon – 040114.
“This tattoo...” panimula ni Joshua. “Si Jordan ang kasama ko noon para magpagawa nito. Sa kanya nanggaling ang mga numerong 'yan. Nang tinanong ko kung ano ang halaga ng mga numerong ito, sinabi niyang ito ang araw ng kaarawan ng mga mahal niya...”
Binilisan ni Joshua ang paglakad para makahabol kay Jordan Maxwell na papunta sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. “Uuwi ka na agad, Jordan?” tanong niya. Naroroon sila sa headquarters ng Philippine National Police kung saan siya nagte-training. Nagulat siya nang bumisita doon si Jordan para mangumusta. Ilang araw niya rin itong hindi nakita dahil naging abala sa trabaho.
“May pupuntahan pa ako,” nakangiting sagot ni Jordan. “Kinumusta ko lang ang kalagayan mo dito.”
“Saan ka pupunta?”
“Naisipan kong magpalagay ng tattoo,” natatawang sabi ni Jordan. “May mga importanteng bagay akong gustong ipanatili sa katawan ko.”
“Tattoo? Puwede ba akong sumama? Gusto ko rin no'n.”
Tumawa si Jordan. “Sigurado ka?”
“Oo naman. Isa ako sa mahuhusay sa training namin dito,” pagmamalaki pa ni Joshua. “Hindi ako iiyak sa tusok ng karayom.”
Umiling si Jordan pero hinayaan na rin naman siyang sumama. Masayang pumasok sa loob ng sasakyan si Joshua. Simula nang iligtas siya ni Jordan at bigyan ng bagong buhay, hindi na nawala ang kasiyahang nararamdan ni Joshua. Tinitingnan niya ito na parang isang ama. Kaya nakahanda siyang gawin ang lahat para matulungan ito kung kinakailangan.
“Saan ka magpapa-tattoo?” tanong ni Joshua. “Gusto ko sa likod. Iyong malaki.”
“Sa kaliwang dibdib ko lang,” sagot ni Jordan. “Maliit lang. Ano ba ang gusto mong ipa-tattoo?”
Sandaling nag-isip si Joshua. “Wala akong maisip. Ikaw na lang ang magbigay. Gusto ko iyong importante din sa'yo since you are my savior.”
Umiling si Jordan. “I am not your savior, Joshua. Ginawa ko lang ang kailangan kong gawin bilang investigator, bilang nagtatrabaho sa awtoridad.”
Nagkibit-balikat lang si Joshua.
“Ipapa-tattoo ko ang pangalan ng pamilya ko,” sabi ni Jordan. “Candice. Ethan. Anna.” Tumingin ito sa kanya. “040114. Gusto mo bang iyan ang ipalagay sa'yo?”
“040114?” ulit ni Joshua, nagsalubong ang mga kilay. “Importante ba sa'yo 'yan?”
Tumango si Jordan. “Iyan ang araw ng mga birthdays ng mahahalagang tao sa buhay ko. Madalas 'yan din ang gamit kong password.”
“Pati sa bank account?” pagbibiro niya.
Nagtawanan sila. Kitang-kita ni Joshua ang kasiyahan sa mukha ni Jordan. Gusto niyang palaging makitang masaya ito. Nitong nakaraang mga linggo kasi ay napapansin niya na nagpapakasubsob lang sa trabaho ang lalaki – sa pag-iimbestiga sa Destroyer Case.
Ilang oras din ang itinagal nila sa tattoo parlor bago nakalabas. “Ihahatid na kita pauwi,” sabi ni Jordan.
Tumango si Joshua. “Hindi ba malapit nang bumalik mula sa misyon niya ang panganay mo? Hindi ko pa siya nakikilala.”
“Ipapakilala kita sa Pasko. Gusto mo bang sa bahay na mag-celebrate ng Christmas ngayong taon?”
Gulat na napatingin si Joshua sa lalaki, hindi inaasahan ang alok na 'yon. “K-kung ayos lang sa inyo,” nahihiyang sabi niya.
“Tatawagan kita.”
Hindi mapigilan ni Joshua ang makaramdam ng pagkasabik. Matagal niya nang gustong mag-celebrate ng Pasko kasama ang ibang tao. Isang masayang celebration.
“Jordan,” tawag niya sa lalaki na nagmamaneho.
Lumingon ito sa kanya.
“Magiging top ako sa klase namin,” dugtong niya. “Sisiguraduhin kong magiging isang mahusay na investigator din akong katulad mo. Para matulungan kita sa iba pang mga kaso.”
Tumango-tango si Jordan. “Aasahan ko 'yan...”
Pero lahat ng sinabi ni Jordan Maxwell ay hindi na natupad dahil noong Paskong iyon ay nilisan na ng lalaki ang mundong ito...
Humugot ng malalim na hininga si Joshua bago muling humarap kina Ethan. “Tama ba, Ethan?” tanong niya habang isinusuot uli ang polo.
“July 04, my mother’s birthday. March 01, my birthday. October 14, Anna’s birthday,” sabi ni Ethan. “Nakita ko noon ang ipinagawang tattoo ni papa sa dibdib niya. Our names, right?”
Tumango si Joshua. “Hindi ko alam kung iyan nga ang password na kailangan niyo. Sinabi ko lang dahil baka makatulong.”
Mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid bago narinig ang pagsasalita ni Ethan. “Mukhang mas malapit ka kay papa kaysa sa akin.”
“You’re in the Special Forces,” ani Joshua. “Madalas kang nasa misyon. Naiintindihan naman 'yon ng papa mo, Ethan. He was proud of you.”
May makikita nang kalungkutan sa asul na mga mata ni Ethan Maxwell. Ilang saglit lang ay tumingin na ito sa kanya. “Kakausapin ko si Marco tungkol dito.” Inilipat nito ang tingin kay Jemimah. “Siguro ay mabuting sumama ka sa hideout namin ngayon. Doon kami magdedesisyon kung gagamitin ang password na 'yan.”
Tumango si Joshua. Gusto niyang makatulong sa mga ito kahit sa simpleng paraan. Gusto niyang makatulong na mahanap ang pumatay kay Jordan Maxwell at matapos ang imbestigasyong matagal nitong pinaglaanan ng panahon.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet
Misterio / SuspensoA famous actress had been murdered inside her own place. And the killer hanged himself beside the body. Muling nabuksan ang kasong iyon at naatang sa team ni Jemimah nang makita ang kagunayan sa panibagong murder na naganap sa mismong headquarters n...