Chapter 34

1.2K 65 9
                                    

Jayden Sullivan
MULING isinuot ni Jayden ang baseball cap bago lumabas ng isang pam-publikong ospital sa Lipa City, Batangas. Hinawakan niya ang braso na may benda. Iyon ang tinamaan ng bala kahapon nang paputukan siya ni Ethan Maxwell.
Napatigil sa paglalakad si Jayden nang mapatapat sa isang TV at nakita sa balita ang mukha niya bilang wanted criminal. Ikinuyom niya ang mga kamao. Hindi siya puwedeng magtagal sa lugar na ito.
Nakayukong nagpatuloy sa paglalakad si Jayden hanggang sa makarating sa sakayan ng jeep patungong San Juan, Batangas. Iniwan niya na ang ginamit na motor kahapon para hindi masundan ng kahit na sino.
Pagkarating sa bayan ng San Juan, Batangas ay sumakay uli siya ng isa pang jeep papunta sa Laiya. Sa isang tagong lugar doon siya pansamantalang nagtatago.
Mahaba-haba rin ang nilakad niya patungo sa lumang bahay doon kung saan siya tumutuloy. Ang bahay na iyon ay pag-aari pa ng kanyang legal father na si RJ Sullivan. Silang dalawa lang ang nakakaalam na may binili itong lupa doon at ipinatayong bahay.
Binuksan ni Jayden ang bahay, tinanggal ang suot na cap pagkapasok sa loob. Gawa iyon sa semento. Walang malapit na kapitbahay. Gubat din ang nakapalibot doon.
Inilapag niya sa isang mesa ang dalang plastic bag na may lamang pagkain bago inilipat ang tingin sa single bed kung saan nakaupo si Lauren Jacinto. Nakakadena ang mga kamay nito sa harapan, ganoon din ang mga paa. Ang dulo ng kadena ay nakakabit sa headboard at paanan ng kama.
Magulo ang buhok ng babae, nakasuot ng t-shirt at shorts niya na ipinagamit dito. Nakakalat naman sa kama ang mga bote ng tubig na iniwan niya para dito, ganoon din ang balat ng mga pagkain.
Binuksan ni Jayden ang plastic bag at inilabas doon ang mga pagkaing dala para kay Lauren. Lumapit siya sa kamang kinauupuan ng babae. “Kumain ka na,” wika niya.
Hindi kumilos si Lauren, nakatingin ito sa bahid ng dugo sa kanyang damit. “P-pumatay ka na naman?” tanong nito. “N-napakasama mo.”
Puno ng kalamigang tiningnan niya ang babae pero hindi ito sinagot. Tumalikod si Jayden, naupo sa upuan at nagsimulang kumain.
“P-pakawalan mo na ako...” narinig niyang pagmamakaawa ni Lauren. “P-pa-parang-awa mo na, Jayden.”
Ipinagpatuloy ni Jayden ang pagkain, hindi tumitingin dito. “Kung ayaw mong mamatay sa gutom, kumain ka na lang.”
“Mamatay?” sarkastikong sabi ni Lauren. “Bakit hindi mo na lang ako pinatay, Jayden?! Bakit hindi mo na lang ako patayin katulad ng ginawa mo sa mga naging biktima mo?!”
Tumigil siya sa pagkain. Jayden looked at Lauren with coldness in his eyes. Dapat niya na bang patayin ang babaeng ito? Ilang buwan na rin siyang nagtatago kasama ito...
Napahawak si Jayden sa ulo kung saan napukpok ni Lauren ng kahoy. Naroroon sila sa bungalow na pag-aari niya sa isang kagubatan sa Zambales. Ngumisi siya bago tumayo, inabot ang hatchet na nasa sahig at lumabas ng bungalow patungo sa madilim na kagubatan.
Akala siguro ng babae ay makakatakas ito sa kanya. Alam na alam ni Jayden ang lahat ng pasikot-sikot sa kagubatang ito. Nagsimula na siyang tumakbo, naririnig niya ang kaluskos ng mga dahon kaya madaling natutunton kung saan ang direksyon ng pagtakbo ni Lauren.
Hindi naman nagtagal ay nakita niya na itong pasalubong sa kanya. Kitang-kita ni Jayden ang takot na bumahid sa mukha ni Lauren pagkakita sa kanya. Pabagsak na napaupo sa lupa ang dalaga, napahagulhol na ng iyak.
Humakbang siya palapit kay Lauren. “I will destroy this world... this sinful world,” malamig na wika ni Jayden bago itinaas ang hawak na hatchet. Walang makakapigil sa kanya sa misyong iyon.
Ipinikit ni Lauren ang mga mata. Jayden could see acceptance in her face. Na para bang tanggap na nitong dito na matatapos ang buhay. Hinigpitan ni Jayden ang pagkakahawak sa hatchet. He should kill her now. Alam na nito ang tungkol sa kanya.
Hinawakan niya ang cross pendant ng kanyang kuwintas na suot. He should destroy everyone who would ruin his calling. Kailangan niya itong patayin. Pero hindi maintindihan ni Jayden kung bakit kusang bumaba ang kanyang kamay na may hawak na hatchet, ibinagsak iyon sa lupa.
Sa halip ay kinuha niya ang panyo na may pampatulog sa back pocket ng pantalon at itinakip iyon sa parteng ilong ni Lauren. Nagpumiglas ang babae pero unti-unti na ring nanghina at nawalan ng malay.
Pinangko ni Jayden ang dalaga at naglakad pabalik sa bungalow. Inilapag niya ito sa sahig bago pinakatitigan ng mahabang sandali. Marami pa siyang katanungan na gustong masagot. Isa na doon ang kung paano nito kaagad nasabing siya si Destroyer dahil lang sa pagkakita sa suot niyang kuwintas. Walang ibang nakakakita niyon kundi ang mga biktima niya.
Nalipat ang tingin ni Jayden sa mga paa ni Lauren na puno ng sugat, dumudugo na. Naglakad siya patungo sa mesa na kinalalagyan ng mga gamit sa pagpatay at kumuha ng mga kadena doon.
Ikinadena niya ang mga kamay at paa ni Lauren. Siguradong hindi na nito matatanggal iyon. Naupo si Jayden sa isang upuan habang nakatingin sa wala pa ring malay na babae. Siguradong hahanapin sila ng team nina Jemimah. Malalaman ng mga ito ang lihim niya. Kailangan niya nang magsimulang magtago...
Tumayo siya, humakbang palapit sa kama. Bumahid na naman ang takot sa mukha ni Lauren. Naupo si Jayden sa gilid ng kama, hinaplos ang magulong buhok nito. “Gusto mo bang patayin na kita?” tanong niya.
Inilayo ni Lauren ang sarili sa kanya, umiiyak na naman. “Napakasama mo!” Tiningnan siya nito ng masama. “Pinagkatiwalaan ka namin. Pinagkatiwalaan kita!”
Humugot ng malalim na hininga si Jayden, hinawakan ang mga kadena ni Lauren para ma-check na hindi makakawala ang dalaga. “Wala kang karapatang sisihin ako, Lauren,” wika niya. “Kasalanan niyo 'yon. Kasalanan mo na nagtiwala ka sa akin.”
Tumayo na siya at naglakad pabalik sa mesa. Jayden could hear the sound of moving chains. Siguradong nagpupumilit na naman makawala ni Lauren, sinasaktan ang sarili.
Niingon niya ang dalaga, tumigil ito. “Matagal na akong may gustong itanong sa'yo. Paano mo nasabi kaagad na ako si Destroyer? Dahil lang sa kuwintas na ito?” Hinawakan ni Jayden ang krus na pendant ng kanyang kuwintas.
“Iyan ba ang dahilan kaya hindi mo pa rin ako pinapatay hanggang ngayon?” ganting tanong ni Lauren.
“Walang nakakaalam ng tungkol dito maliban sa mga biktima ko,” aniya, hindi ito sinagot. “Alam ko rin na nagpunta ka sa isang psychiatrist para hanapin ang pangalan ko. Matagal mo na akong iniimbestigahan, tama ba? Hindi ka isang simpleng newscaster na interesado lang sa Destroyer Case. Who are you, really, Lauren?”
“Alam mo ba ang lahat ng 'yan dahil sinusundan mo ako? Dahil ako na ang sunod na target mo?” Umismid si Lauren. “Wala akong sasabihin sa'yo.”
Nag-igtingan ang mga panga ni Jayden pero hindi na ito pinilit. Muli siyang naupo para ipagpatuloy ang pagkain. Oo, si Lauren Jacinto nga ang sunod na target niya. Dapat ay matagal niya nang ipinakita sa mundo ang sunod na obra ni Destroyer.
“B-bakit mo pinili ang buhay na 'to, Jayden?” narinig pa niyang tanong ni Lauren. “Bakit pinili mong maging halimaw? Why did you choose to hate this world?”
Ikinuyom ni Jayden ang mga kamay. “Because this world had forsaken me. This world has fallen. Justice has to come.”
“Justice?” Hindi makapaniwalang ulit ni Lauren. “Ginagawa mo ang lahat ng ito dahil iniisip mong para sa katarungan? Justice is not blind, Jayden. It is not mindless revenge on the world. At hindi mo malilinis ang mundong ito sa pamamaraan mo. Puwede ka pang magbago, Jayden. You can still erase that hate in your heart.”
“At ano?” tanong ni Jayden.
“Learn how to love, Jayden. To forgive,” sagot ni Lauren, may pagmamakaawa sa boses nito. “Maraming magagandang mga bagay ang makikita mo kapag inalis mo ang galit sa puso mo. Kapag nagsimula kang magmahal ng mga tao.”
“Pagmamahal?” Umismid si Jayden. “Walang tunay na pagmamahal sa mundong ito, Lauren. Lahat nawawala. Maraming tao ang namamatay dahil sa pag-ibig na 'yan.” Puno ng kalamigang tiningnan niya ang dalaga. “Ikaw? Magpapakamatay ka ba dahil sa pag-ibig na 'yan?”
“Oo,” matatag na sagot ni Lauren. “At hindi ako magsisisi kung mamamatay ako dahil sa mga taong mahalaga sa akin, sa mga taong mahal ko.”
Tumayo si Jayden, hindi na tinapos ang pagkain. “Hindi ko talaga kayo maintindihan.” Naupo siya sa pahabang couch para mahiga. Doon siya natutulog para mabantayan ang dalaga at hindi ito makatakas.
“Hindi dahil hindi mo maintindihan ang isang bagay ay mali na iyon at hindi mo na dapat paniwalaan,” pagpupumilit pa ni Lauren. “Nakakapagsalita ka ng ganyan dahil hindi mo alam gamitin ang puso mo, Jayden. All that matters to someone like is what’s going on in your mind. Maraming mga bagay na alam ng puso na hinding-hindi maiintindihan ng utak.”
Nakatitig lamang si Jayden sa kisame. Hindi niya gustong intindihin ang lahat ng sinasabi ng babae.
“It’s funny how pathetic you are,” puno ng pang-uuyam na sabi pa ni Lauren. “I hate you so much.”
“Wala akong pakialam kung kinamumuhian mo ako,” seryosong sabi niya. “Kinamumuhian ko rin naman ang sarili ko.” Ipinikit ni Jayden ang mga mata. Pagod na siya at gustong magpahinga.
Pero ilang sandali lang ay narinig niya na naman ang tunog ng mga kadena. Iminulat ni Jayden ang mga mata at tiningnan ang dalaga. Muling tumigil si Lauren, naglumikot ang mga mata.
“B-banyo,” mahinang sabi nito.
Bumuntong-hininga si Jayden bago tumayo at nilapitan si Lauren. Tinanggal niya ang lock sa kadena ng mga kamay at paa ng dalaga. “Bilisan mo,” utos niya.
Bumaba si Lauren sa kama, bahagya pang nawalan ng balanse pero agad ding naglakad patungo sa banyo. “Maliligo rin ako,” sabi pa nito at pabalibag na isinara ang pinto.
Lumakad si Jayden patungo sa silyang malapit sa banyo at doon naupo. Hindi naman makakatakas si Lauren mula doon, sinigurado niya iyon. Napangiwi siya, napahawak sa kanang braso nang maramdaman ang pananakit niyon.
Tumayo si Jayden at kumuha ng isang sando sa cabinet, isinuot iyon. Kumuha rin siya ng mga damit na puwedeng isuot ni Lauren. Ilang sandali lang ay narinig niya na ang bahagyang pagbukas ng pinto. Inabot ni Jayden sa kamay ng dalaga ang mga damit.
Hinintay niya itong makalabas ng banyo bago tumalikod at lumakad patungo sa kama para muling ikadena ang dalaga. Marahas na napaharap si Jayden kay Lauren nang maramdaman ang paghaplos sa kanan niyang braso.
Ibinaba ni Lauren ang isang kamay pero ang tingin ay nasa braso niyang may benda. “W-what did you do, Jayden?” mahinang tanong nito.
Hindi ito sinagot ni Jayden. Inabot niya ang kamay ni Lauren at sapilitang pinasampa sa ibabaw ng kama. She was silent as he chained her hands and feet.
“P-puwede mo namang sabihin sa akin kung bakit ka nagkakaganito, Jayden,” pamimilit pa ng dalaga. Nang tingnan niya ito ay may mga luha na sa mga mata. “M-makikinig ako.”
Umayos ng tayo si Jayden, matalim na tiningnan ang dalaga. “Lahat tayo ay may mga bagay na hindi gustong ipaalam sa iba. May mga bagay na mas magandang hindi mo na lang alamin. Your curiosity brought you here, Lauren. Hindi magtatagal ay kailangan na kitang patayin.”
Tinalikuran niya na ang babae. Hindi na gustong makipag-usap ni Jayden dito. Bumalik siya sa couch at kinuha ang cell phone na nasa bulsa. Hindi puwedeng palagi siyang magtago kasama ito. In order to run well, he needed to let go of his baggage.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon