Tony Gonzalvo
“COME IN,” utos ni Tony sa kumakatok sa opisina niya sa loob ng Philippine Army Headquarters. Tumingala siya mula sa mga binabasang reports at nakita si Antonio Morales, ito ang sumunod sa kanya sa rango dito sa Army. “Antonio.”
Sumaludo sa kanya si Antonio. “Pinatawag niyo raw ako, General?”
Tumango-tango si Tony. “Gusto kong pag-usapan ang nangyaring encounter sa Mindanao noong isang linggo.” Tumayo siya para lumipat ng upo sa couch. “Have a seat.”
Naupo sa tapat niya si Antonio at nagsimula na silang mag-usap. Antonio Morales was a very intelligent man. Napakaseryoso rin nito sa trabaho. Kapag natapos ang oras niya sa pagseserbisyo bilang General dito, sana ay si Morales ang pumalit sa kanya.
Napatigil sila sa pag-uusap nang makarinig ng katok sa pinto. Tumayo si Antonio para ito na ang magbukas. Nagulat si Tony nang makitang pumasok sa loob ang asawang si Diana.
Sandaling sumulyap si Diana kay Antonio bago lumakad palapit sa kanya. “Tony,” malambing na banggit nito sa kanyang pangalan. Inilapag ng asawa sa mesa ang isang paper bag. “Nagdala ako ng lunch para sa'yo. Naabala ba kita?” Muli itong tumingin kay Antonio na nanatiling nakatayo sa pinto.
“Hindi naman, tapos na rin kaming mag-usap ni Antonio.” Tinanguan ni Tony si Antonio para ipahiwatig na puwede na itong umalis. Nang makaalis ang lalaki, muli niyang hinarap ang asawa. “Ginulat mo naman ako.”
Mahinang tumawa si Diana. “Namiss lang kita kaya naisipan kong bumisita na dito. Ilang araw ka ring hindi umuuwi sa bahay, mag-isa lang ako.”
Nahihimigan ni Tony ang lungkot sa boses ng asawa. Hindi niya gustong palaging iwan itong mag-isa pero ngayon na napakaraming nangyayari sa bansa at kailangan ang tulong ng militar, wala na siyang ibang mapapagpilian.
“Pasensiya ka na, Diana.” Inabot ni Tony ang isang kamay nito para halikan ang likod ng palad. “Pangako, kapag natapos na ang panahon ng pagseserbisyo ko bilang General, uubusin ko na lang ang lahat ng oras ko sa'yo.”
Ngumiti naman na si Diana. “Pangako 'yan, ha?”
Tumango si Tony. Kaunting panahon na lang at matutupad niya na ang pangakong iyon. Hindi na madalas mag-iisa ang asawa niya. Matutuloy na rin ang plano nilang mag-ampon para kahit sa paraang iyon ay makabuo siya ng sariling pamilya...
ISINUBSOB ni Tony ang mukha sa dalawang kamay habang hinihintay na tumunog ang telepono. Pangalawang araw na ngayong hindi umuuwi ang asawa niyang si Diana. Pagkabalik niya sa isang misyon sa Mindanao, wala na ang asawa. Hindi rin ito tumatawag o nagpadala ng mensahe kaya humingi na siya ng tulong sa mga awtoridad para mapahanap ito.
Pero hanggang ngayon, wala pa rin silang matinong tawag na natatanggap. Maging sa media ay humingi na rin siya ng tulong. But nothing. Hindi siya iniwan ni Diana, sigurado si Tony. Hindi iyon gagawin ng asawa. Marami pa silang plano. Marami pang pangarap.
Napapitlag si Tony nang marinig ang malakas na tunog ng telepono. Mabilis niya iyong inabot, sinagot. Isa iyon sa mga detectives sa NBI na kakilala niya. “Nahanap niyo na ba siya?” bungad na tanong ni Tony.
Ilang sandaling hindi nagsalita ang nasa kabilang linya bago narinig ang pagbuntong-hininga nito. “I’m sorry, General Gonzalvo. She’s dead. We found her body in a—”
Hindi na napakinggan ni Tony ang sunod na sinabi nito dahil naibagsak ang cradle ng telepono. Marahas niyang ini-iling ang ulo. Hindi. Hindi siya naniniwalang patay na si Diana. Hindi puwedeng mangyari iyon.
Hindi na alam ni Tony kung gaano katagal na nakatulala lang siya sa kawalan. Bumalik lang siya sa reyalidad nang makarinig ng katok sa front door. Sinubukan niyang tumayo kahit parang bibigay na ang mga tuhod. Baka si Diana iyon. Baka nagkamali lang ang mga pulis. Baka bumalik na ang asawa.
Pero pagbukas ni Tony ng pinto ay mga pulis ang naroroon. Sumaludo ang mga ito sa kanya, may kalungkutan sa mga mukha. Marahang ini-iling ni Tony ang ulo. Hindi niya gustong maniwala. Hindi pa patay si Diana...
NGAYON lang naramdaman ni Tony ang ganitong klase ng panghihina habang naglalakad papasok sa loob ng autopsy room kung saan dinala ang sinasabing katawan ng asawa niyang si Diana.
Magalang na bumati sa kanya ang Head Medical Examiner na naroroon. Lumakad ito patungo sa isang autopsy table. “Sigurado po ba kayo na gusto niyong makita, General Gonzalvo?” tanong nito.
Ikinuyom ni Tony ang mga kamay, pinipigilan ang magpakita ng kahinaan. Tumango siya at tinanggal na ng examiner ang puting kumot na nakataklob sa bangkay na nasa mesa.
Nanlaki ang mga mata ni Tony nang makita ang bangkay ng asawang si Diana. It was chopped into six pieces – her two arms, two legs, her body and head. Mabilis na tumalikod si Tony, natutop ang sariling bibig para pigilan ang mapasuka.
Pakiramdam niya ay may dumurog sa kanyang puso ng mga sandaling iyon. Kilalang-kilala niya ang mukha ng asawa. Tumulo na ang mga luha ni Tony, hindi na napigilan ang magpakita ng kahinaan. Humakbang siya palayo para ituon ang isang kamay sa malapit na dingding. His knees were weak.
Mahabang sandaling pilit na kinakalma ni Tony ang sarili hanggang sa nanginginig na siya dahil sa matinding galit. “S-sino?” mariing wika niya. “Sino ang gumawa nito kay Diana?!”
Galit na galit niyang tiningnan ang mga taong naroroon. “Sino ang hayup na gumawa nito sa kanya?!” Dahil sa galit ni Tony, pinagbabasag niya ang mga gamit na naroroon, nagwala.
Mabilis na lumapit sa kanya ang ilang mga pulis para pigilan siya, hilahin palabas ng autopsy room. Patuloy pa rin sa pagwawala si Tony. Hindi gustong tanggapin ng puso niya ang lahat pero alam ng isipan na wala na si Diana. Iniwan na siya ng asawa. Kinuha na ang nag-iisang bagay na pinahahalagahan niya ng sobra sa mundong ito...
NAKATITIG lamang si Tony sa puntod ng asawang si Diana, hindi alam kung ilang oras na ang lumipas matapos ang libing nito. Nagsi-alisan na rin ang mga nakiramay. Inalis lang ni Tony ang tingin sa puntod nang makarinig ng yabag papalapit. Nakita niya ang isang lalaki na tumabi sa kanya.
Bahagyang tumango ang lalaki, nagpakilala. “Ako si Inspector Marco Pulo.” Ipinakita nito sa kanya ang NBI badge nito. “Ako ang nag-iimbestiga sa pagkamatay ng inyong asawa, General.”
Pinakatitigan ni Tony ang lalaki. Mukhang isang simpleng Inspector lang ito sa NBI, ngumunguya pa ng bubble gum at parang walang pakialam kahit na isang general sa Philippine Army ang kaharap.
“Sino... ang pumatay sa kanya?” tanong ni Tony, puno ng kalamigan ang boses.
“It’s the Destroyer, Sir,” sagot ni Marco. Umismid ang lalaki. “One of the dangerous serial killers in this country now.”
Destroyer. Wala siyang gaanong alam tungkol sa serial killer na si Destroyer pero dahil kilala ito kaya naririnig niya. Nag-igting ang mga panga ni Tony. Isang serial killer ang pumatay sa kanyang asawa? Bakit?
“Gusto sana namin kayong makausap para sa ilang katanungan tungkol sa inyong asawa,” wika pa ni Marco.
Napatingin si Tony sa isa pang lalaki na lumapit sa kanila. Magulo ang buhok nito na mukhang kagigising lamang. Sumaludo ang lalaki sa kanya.
“Investigator Jordan Maxwell,” pagpapakilala ng lalaki.
“Matagal niyo na bang hawak ang kaso ng Destroyer na 'yan?” mariing tanong ni Tony. “Bakit hindi pa rin siya nahuhuli? Bakit hinayaan n'yong makapatay pa siya?!”
Napakamot sa ulo si Jordan. “Hindi madali ang pag-iimbestiga ng isang serial killing case, General. This is not a war where you know who your enemies are. Hindi isang simpleng killer ang Destroyer na ito.”
Ilang beses na humugot ng malalim na hininga si Tony para kalmahin ang sarili. “Paano niyo nalaman na ng serial killer na ito ang pumatay kay Diana?”
“Maliban sa pareho ang paraan ng pagpatay sa kanya at sa mga naunang biktima, mayroon ding iniwang ebidensya si Destroyer,” sagot ni Jordan. “Pero alam niyong hindi namin puwedeng ilabas ang mga iyon kahit kanino. Kahit sa inyo.”
Pinakatitigan niya si Jordan Maxwell, puno ng kaseryusohan ang asul na mga mata nito. Humakbang si Tony palapit sa lalaki. “Gaano ka kaseryoso sa imbestigasyong ito, Investigator Maxwell?”
Tumaas ang isang gilid ng labi ni Jordan. “Gagawin ko ang lahat para mahuli ang halimaw na ito. This Destroyer should be stopped no matter it takes. Hindi ko gustong magbulag-bulagan at hayaang magpatuloy ang halimaw na iyon.”
There was no wavering in the man’s eyes. At dahil doon ay nakapag-desisyon na si Tony. He would give up his position in the military to be with this man’s team. Siya mismo ang hahanap sa halimaw na nagnakaw sa kasiyahan niya...
TUMAYO si Tony nang makita ang pagpasok ng dalawa sa miyembro ng team niya sa NBI na sina Marco Pulo at Jordan Maxwell sa loob ng opisina niya sa NBI Headquarters. Sumaludo ang mga ito sa kanya.
Kinamayan ni Tony si Marco. “Congratulations on your promotion,” pagbati niya. Kanina ay na-promote si Marco Pulo bilang Senior Inspector. Inilipat niya ang tingin kay Jordan. “You deserve one too.”
Umiling si Jordan. “Hindi ko kailangan ng promotion, Tony, alam mo 'yan.” Nagkibit-balikat pa ito.
Ngumiti si Tony, naupo sa isang couch. Mahigit isang taon nang patay ang asawa niyang si Diana. Mahigit isang taon na rin nang mag-resign siya bilang General ng Philippine Army at magtrabaho sa NBI bilang Deputy Director ng Special Investigative Services. Sa loob ng panahong iyon, pinag-aralan niyang mabuti ang Destroyer Case.
Hindi nga madali ang kasong iyon. This serial killer, Destroyer, was an intelligent one. Wala ni isang ebidensya sa lahat ng crime scenes ang makakapagturo sa identity nito. As of now he had killed thirty people. Ang kanyang asawa ang huli. Hindi nila alam kung may plano pa uling pumatay ang halimaw na iyon.
Sa loob ng mga panahong nakasama niya sina Marco at Jordan, nakilala niya na rin ang mga ito. Mahusay si Marco sa mga misyon na kailangan ng pakikipaglaban. Kaya madalas ay sa mga raids ito naipapadala. Jordan was different. Jordan preferred doing the investigating stuffs. At mahusay ito doon.
Jordan Maxwell was really a dedicated investigator. Maraming mga murder cases ang naresolba dahil sa pag-iimbestiga nito. But he never bragged about that.
“How’s the Destroyer Case?” tanong ni Tony makalipas ang ilang sandali.
Naupo si Jordan sa isang couch. “Tahimik pa rin siya hanggang ngayon. Hindi ako sigurado kung huli na ba ang sa asawa mo. Or he’s just trying to cool things down.”
Posibleng dahilan din iyon. Simula nang mapatay si Diana, naging usap-usapan na si Destroyer. Medias kept on saying that the authorities couldn’t do anything to stop this monstrosity.
Hindi pa rin nawawala ang galit at sakit sa puso ni Tony pero pinilit niyang magpakatatag. Hindi niya gustong lumaban na mahina.
“Hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang duda ko na mataas ang katungkulan ni Destroyer sa society na ito,” pagpapatuloy ni Jordan. “He can be inside this agency or the other government agencies. He is still watching us lalo na ngayon na mas nabigyan ng atensyon ng NBI ang kasong ito dahil sa pagpasok niyo.”
“Hindi ba kayo natatakot?” mayamaya ay narinig nilang tanong ni Marco.
Tumingin si Tony sa lalaki, nakakunot-noo. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig niya ang ganoong tanong mula kay Marco.
Sumulyap si Marco kay Jordan. “Sa serial killer na 'yan.” Ibinalik nito ang tingin sa kanya. “Hindi siguro nasabi sa inyo ni Jordan na nakakatanggap siya ng mga death threats ngayon.”
“Death threats?” ulit ni Tony, nagulat.
Bumuntong-hininga si Jordan. “Those were just text messages. Sinubukan kong ipa-trace ang number pero walang nangyari.”
“What kind of messages?”
“That he’s going to kill someone I love. That he is the Destroyer.”
Ikinuyom ni Tony ang mga kamay. “Sinabi mo dapat sa akin, Jordan! Hindi basta-basta binabalewala ang mga pambabantang iyan! Simula ngayon bibigyan ko na ng police protection ang pamilya mo at—”
“Hindi mo na kailangang gawin 'yon, Tony,” pagtanggi ni Jordan. “Madadagdagan ang pag-aalala ng pamilya ko kapag nakita nilang may sumusunod na mga pulis sa bawat kilos namin.”
Naiinis na napabuntong-hininga si Tony. Wala naman siyang magagawa kung ayaw nito. Pinaalalahanan niya na lang sina Jordan at Marco na mag-ingat.
Ilang sandali pa siguro silang nag-usap-usap bago nakarinig ng pagkatok sa pinto. Tumayo si Marco para buksan iyon. Lahat sila ay nagulat nang makita si Antonio Morales, ang pumalit sa kanyang General ng Philippine Army. Sumaludo si Marco Pulo dito. Si Jordan naman ay nanatiling nakaupo, bahagya lang na tumango.
Tumayo si Tony para makipag-kamay kay Antonio. “Napabisita ka.”
“Meeting, Sir,” magalang na sagot ni Antonio. “Naisipan ko na ring dumaan. Hindi naman siguro ako nakaabala.”
Umiling si Tony. “You don’t need to be formal with me, Morales. General ka na ng Army.” Tinapik-tapik niya ang balikat nito. “I’m proud of you.”
“Hindi ko maaabot 'to kung hindi rin dahil sa recommendations niyo.” Ngumiti si Antonio. Nalipat ang tingin nito kay Jordan nang tumayo ang lalaki.
Inakbayan ni Jordan si Antonio. “Akala ko wala ka nang balak magpakita dahil General ka na.”
Nagtawanan ang dalawa. Alam ni Tony na matagal ng magkaibigan sina Jordan Maxwell at Antonio Morales. Hinayaan niya na lamang na mag-usap-usap ang mga ito at nagpaalam para sandaling lumabas.
Dumeretso si Tony sa kinapaparadahan ng kanyang sasakyan at pumasok sa loob. He opened the window before lighting up a cigarette. Nagsimula lang siyang manigarilyo simula nang namatay si Diana.
Inabot ni Tony ang isang brown envelope sa passenger’s seat, binuksan iyon. Naroroon ang mga copies ng evidences na nakita noon sa crime scene ng asawa. Palagi niya iyong dala simula nang ibigay sa kanya nina Jordan noon. Inilabas ni Tony ang isang papel na naroroon. It was a photocopy of a letter left by the Destroyer...
“Ano 'yan?” tanong ni Tony kay Jordan Maxwell, tinutukoy niya ang isang sampling bag na inilapag ng lalaki sa table. Sa loob niyon ay isang lukot na papel, may bahid ng dugo.
“Sulat iyan mula kay Destroyer na iniwan sa tabi ng bangkay ng asawa mo,” sagot ni Jordan.
Binasa ni Tony ang nakasulat doon.
She wanted to dance. So I danced with her. She didn’t know I am a devil.
- DESTROYER
Ikinuyom ni Tony ang mga kamao. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin niyon. Ibinalik niya ang tingin kay Jordan nang muli itong magsalita.
“Nakita mo na ba ang autopsy report ni Diana?” tanong nito.
Umiling si Tony. Hindi niya pa nababasa ang autopsy report dahil hindi pa gustong malaman kung paano ito namatay.
“You should see it. Kung gusto mong mahuli ang kriminal na pumatay sa asawa mo, dapat mong isantabi ang galit at sakit.”
Pinakatitigan ni Tony si Jordan Maxwell, puno ng kaseryusohan ang mukha nito. Wala ring pakialam ang lalaki kung mas mataas ang katungkulan niya dito. Inilipat ni Tony ang tingin sa isang folder na nakapatong sa mesa – ang autopsy report ng asawa niyang si Diana.
Humugot siya ng malalim na hininga para alisin ang lahat ng pag-aalinlangan bago kinuha ang folder, binasa ang nilalaman niyon. Pakiramdam ni Tony ay tumigil sa pagtibok ang puso niya nang mabasa ang isang parte ng report.
Diana Gonzalvo was eight weeks pregnant.
His knees wobbled. Napahawak si Tony sa mesa para pigilan ang sariling mapaupo ng tuluyan sa sahig. Naibagsak niya na rin ang folder na hawak. How could that be possible? Paanong nabuntis si Diana? Imposible dahil baog siya. Ilang doktor na ang tumingin sa kanya at iisa lang ang sinabi ng mga ito. Hindi siya posibleng magkaroon ng anak.
“May problema ba?” narinig niyang tanong ni Jordan.
Mahigpit na ikinuyom ni Tony ang mga kamao. Walang ibang nakakaalam tungkol sa disability niya maliban sa kanilang dalawa ni Diana, at sa mga doktor na tumingin. Ikinakahiya niya iyon. At hindi pa siya handang sabihin ang katotohanang baog siya.
Lalo na ngayon. Buntis si Diana bago ito namatay. Siguradong hindi siya ang ama ng dinadalang iyon ng asawa. Tumingin si Tony kay Jordan, malamig ang mga mata. “Wala,” sagot niya...
Hinithit ni Tony ang hawak na sigarilyo habang nakatitig sa copy ng autopsy report ng asawa. Hanggang ngayon, hindi niya pa rin sinasabi kahit kanino ang tungkol sa lihim na iyon. Hindi niya alam kung paano sasabihin nang hindi napapahiya.
Gusto niyang magalit kay Diana. Gusto niya itong hukayin sa libingan at itanong kung bakit pinagtaksilan siya pagkatapos ay iniwan ng ganoon na lang?! Pero hindi niya masisisi si Diana kung ninais nitong magkaroon ng anak. Siya ang walang-kuwentang asawa na hindi ito mabigyan ng anak, ni hindi rin nabigyan ng oras at naprotektahan.
Isinubsob ni Tony ang mukha sa manibela. Alam niya na ang mga target ni Destroyer ay mga taong sa tingin nito ay nagkakasala. Alam ba nito ang ginawa ni Diana? Kaya pinatay nito ang kanyang asawa?
Gustong malaman ni Tony ang lahat. Kaya patuloy siyang mag-iimbestiga. Kailangan niyang mahanap si Destroyer para masagot ang mga katanungan sa kanyang isipan...
PERO hindi inaasahan ni Tony na bigla siyang matatanggal na Deputy Director ng Special Investigative Services sa NBI para ilipat na Chairman ng bagong tatag na ahensya – ang SCIU.
“This is not fair,” mahina pero galit na wika ni Tony. “Hindi ko alam kung bakit nila ako inilipat dito. Para ano? Para maalis sa akin ang kaso ni Destroyer?”
“Hindi ko rin maintindihan,” ani Jordan. “Ang pumalit sa puwesto mo ngayon, parang wala siyang pakialam sa Destroyer Case. He keeps on giving us different assignments. Isa pa, bakit hindi nila inilipat dito ang Destroyer Case? If this agency is built for special crimes?”
Humugot ng malalim na hininga si Tony. “Kinausap ko ang Director ng NBI, sinabi niya na puwede naman daw magtulungan ang SCIU at NBI sa pagreresolba ng kaso ni Destroyer. Mahirap daw na basta na lang i-surrender ang mga matatagal ng kasong hawak nila, kasama na doon ang Destroyer Case.”
“Magtulungan.” Tumango-tango si Jordan. Ilang sandali lang ay ngumiti na ito. “Huwag kang mag-alala, Tony. Hindi ko naman ititigil ang pag-iimbestiga sa Destroyer Case. Nagsimula na ako. Hinding-hindi na ako mapapatigil ng kahit na sino.”
Pinakatitigan ni Tony si Jordan. He was indeed a dedicated man. “Mag-iingat ka lang, Jordan,” paalala niya. “Posible na may kinalaman si Destroyer sa nangyari sa akin ngayon. Gagawin niya rin ang lahat para hindi ma-imbestigahan ang kaso niya.”
Tumango si Jordan, bahagyang ngumiti. “Hindi ako natatakot sa kanya. Gusto kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng asawa mo, maging ng ibang mga nabiktima ni Destroyer.”
“Huwag kang mahihiyang humingi ng tulong sa akin, Jordan,” aniya. “Alam mong gagawin ko rin ang lahat para mahuli ang halimaw na iyon. Kahit anong paraan.”
Nagpasalamat si Jordan sa kanya bago nagpaalam. Sinundan lang ito ng tingin ni Tony. Hindi lang isang miyembro ng dating team niya ang turing ni Tony kay Jordan Maxwell, naging kaibigan niya na rin ito.
Pagkasara ng pinto ng opisina ay inilipat ni Tony ang tingin sa patas ng mga folders sa mesa. Hindi niya naisip na iyon na ang huling pagkakataong makakausap si Jordan Maxwell...
INI-ANGAT ni Tony ang tingin kay Senior Inspector Jemimah na nakatingin lamang sa kanya. Mapait siyang ngumiti. “Hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na mahuhuli si Destroyer para masagot ang mga tanong sa isip ko. Pero nang namatay si Jordan Maxwell dahil sa pag-iimbestiga niya, naisip ko na mapapahamak ang lahat ng mga taong gustong mahuli si Destroyer. Hindi ko na gustong mawalan pa kaya hangga’t maaari ay ginawa kong sekreto ang imbestigasyon ko.”
Tumayo si Tony, lumakad patungo sa isang metal cabinet. Kinuha niya sa loob ng drawer ang isang folder. “Naisip mo na target ni Destroyer ang asawa kong si Diana,” pagpapatuloy niya. Humarap siya kay Jemimah. “Paulit-ulit kong itinatanong sa isipan ko kung bakit siya.”
Kumunot ang noo ni Jemimah nang iabot niya ang folder dito. May pagtataka rin sa mukha nina Douglas at Lizette. Oras na para sabihin niya sa iba ang pinakatatagong lihim. Itinago niya ito noon kina Jordan at pinagsisisihan iyon ni Tony.
“Alam niyo na umaakto si Destroyer na parang Diyos,” wika ni Tony. “Iniisip niya na kailangan niyang linisin ang mundong ito, patayin ang mga sa tingin niya ay makasalanan. Nabasa niyo sa autopsy ni Diana na walong linggo siyang nagdadalang-tao nang mapatay.” Sandaling huminto si Tony. “Nasa folder na 'yan ang results ko noon. Makakapagpatunay na wala... a-akong kakayahang magka-anak.”
Bumahid ang pagkagulat sa mukha ng mga taong naroroon. Mahabang sandaling nabalot ng matinding katahimikan ang paligid.
“H-hindi ko anak ang... ang dinadala ni Diana noong bago siya... namatay.” Iniyuko ni Tony ang ulo para hindi makita ng mga ito ang sakit na nararamdaman. “H-hindi ko alam kung kanino.”
“Iniisip niyo ba na iyon ang dahilan kaya pinatay ni Destroyer ang asawa niyo?” tanong ni Jemimah. “Na alam ni Destroyer ang ginawa niya?”
“Hindi ko alam,” mahinang sagot ni Tony. “Pero wala nang ibang dahilan akong maisip para maging target ni Destroyer si Diana.”
Tumango-tango si Jemimah bago tiningnan ang laman ng folder na hawak.
“Si Ethan Maxwell,” mayamaya ay sambit ni Tony sa pangalan ng asawa ni Jemimah, ng anak na lalaki ni Jordan Maxwell. “Buhay pa siya, tama?”
Tumingin sa kanya si Jemimah pero walang sinabing kahit ano. Alam ni Tony na hindi kaagad magtitiwala ang babae sa kanya. Trust was very hard to give. Lalo na at hindi nila alam kung sino ang kaaway.
“Alam kong katulad din siya ni Jordan, he won’t give up easily.” Ngumiti si Tony. “Nagtitiwala ako na mabibigyan niya ng hustisya ang lahat.”
Napatingin sila sa kinatatayuan ni Lizette nang tumikhim ito. “Wala pa ba kayong pinagsususpetsahan?”
Hinayaan ni Tony na si Jemimah ang sumagot doon.
“Jayden Sullivan,” wika ni Jemimah. “Isa siyang journalist. Ang kapatid niyang si Gilbert Sullivan ay isa sa mga biktima ni Destroyer. Nagkaroon kami ng hinala nang makita ang reports ng kaso ni Gilbert. Wala doong witnesses. Pero sinabi sa amin noon ni Jayden na naroroon siya sa mismong bahay nila nang mapatay ang kapatid niya. Then we looked into Jayden Sullivan’s information. Nalaman namin na dinala siya sa isang orphanage after his brother’s death pero walang nakakaalam kung saan siya natagpuan, kung kailan.” Humugot muna ito ng malalim na hininga. “Based on profiling Jayden Sullivan’s childhood photos, he could be a psychopath.”
Tumango-tango si Lizette. “And then? Paano niyo nasabing posibleng siya si Destroyer?”
“The very day na kumuha kami ng search warrant para sa bahay ni Jayden, nawawala na siya. Nawawala rin si Lauren Jacinto, ang newscaster na kasama namin sa paghahanap kay Destroyer. Magkakilala silang dalawa.”
“Pinuntahan din namin ang bahay ni Jayden Sullivan,” singit naman ni Douglas. “There we found photos of everyone in our team. Mayroon ding envelope kung saan nakalagay ang mga pictures ni Lauren Jacinto. Mga larawang siguradong kinuhanan na hindi alam ni Lauren. At nakita rin namin ang mga larawan ni Kristina Lopez, ang pinakahuling nabiktima ni Destroyer.”
“Those photos suggest that Jayden was following Kristina,” ani Jemimah. “Sa iba’t ibang bars, sa mismong residence ng biktima, maging ang mga lalaking nakasama niya. Those are enough for an arrest warrant against Sullivan.”
“But he’s missing,” ani Lizette. “With another possible victim.”
Nakita ni Tony ang pagyuko ni Jemimah. Alam niya na naging parte na rin ng team ng mga ito si Lauren Jacinto. Malaki rin ang naitulong ni Jacinto in terms of media play. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nawawala ito ngayon.
Tumikhim si Tony para kunin ang atensyon ng mga ito. “Binasa ko ang ilang information na dinala ni Douglas tungkol dito kay Jayden Sullivan. I still have my suspicions na siya nga si Destroyer. Yes, posibleng siya ang pumatay kay Kristina Perez, ang may hawak ngayon kay Lauren Jacinto. Pero hindi tayo sigurado na siya nga ang serial killer na hinahanap natin.”
Nakatitig lamang ang mga ito sa kanya. Siguradong ganoon din ang iniisip ni Jemimah.
“Twenty-one years ago simula nang unang pumatay si Destroyer,” pagpapatuloy ni Tony. “Jayden Sullivan is thirty-one years old now. Ibig sabihin, sampung taong gulang pa lang siya nang magsimulang pumatay?”
“It’s not impossible,” ani Lizette. “Sa ibang mga bansa ay may mga batang serial killers na rin.”
Bumuntong-hininga si Tony. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam pa rin ng pagdududa. O ayaw niya lang tanggapin na isang batang katulad ni Jayden Sullivan ang gumawa ng ganitong mga kasamaan.
Humarap si Lizette kay Jemimah. “I’ll try to look more information about this Jayden Sullivan. I’m used to digging up the past.” Inabot nito kay Jemimah ang isang business card. “I’ll do everything to be of help on this case.”
“Just be careful, all of you,” paalala ni Tony sa mga ito. “Destroyer is very dangerous. He is a threat to our personal safety. Kaya hangga’t maaari ay mag-iingat kayo.”
Inilipat ni Tony ang tingin kay Douglas. Bahagya lang tumango ang lalaki. Hindi niya gustong idamay ang kahit sino sa imbestigasyong ito, ang ipahamak ang mga taong itinuring na ring parang anak. Pero masaya si Tony dahil mukhang nakatagpo naman ng mga kaibigan si Douglas dahil dito. Hinihiling niya na matapos na ang lahat. Na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang asawang si Diana, at kaibigang si Jordan Maxwell.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet
Misterio / SuspensoA famous actress had been murdered inside her own place. And the killer hanged himself beside the body. Muling nabuksan ang kasong iyon at naatang sa team ni Jemimah nang makita ang kagunayan sa panibagong murder na naganap sa mismong headquarters n...