Lizette Salcedo
NAGULAT si Lizette nang makita kung sino ang kasama nina Douglas at Mitchel nang makipagkita ang mga ito sa rendesvouz place nila sa Mindoro. “Kevin,” usal niya sa pangalan ng lalaki.
Mukhang nagulat din si Kevin Pascua pagkakita sa kanya. “Lizette.” Umiling ito. “Hindi ko ine-expect na ikaw pala ang tinutukoy nila.”
“Magkakilala kayo?” tanong ni Mitchel Ramos, pinaglipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Kevin.
“Ilang taon din kaming nagkasama noon sa Philippine Army,” sagot ni Lizette, bumaling kay Mitchel. “Sa Intelligence Unit. Hindi ko inaasahan na interesado ka rin pala sa mga ganitong bagay, Kevin.”
Lizette remembered Kevin as someone who was more into action. Kaya madalas ay sa mga raids ito sumasama, o sa pagpapalano ng misyon sa iba’t ibang engkuwentro ng militar. This was the first time she saw him doing investigative works.
Nagkibit-balikat lang si Kevin bilang sagot. Hindi pa rin talaga ito nagbabago. Still the man with few words. Pero alam ni Lizette kung gaano ito katalino. Isa si Kevin Pascua sa mga militar sa Philippine Army na may mataas na IQ. Mahusay din ito sa pakikipaglaban.
“Magsimula na tayo,” mayamaya ay wika ni Douglas. “Kailangan ko ring makabalik sa Cavite ngayong gabi.”
Sandaling tiningnan ni Lizette si Douglas bago naglakad sa nakaparadang sasakyang nirentahan niya kahapon. Hindi na nakasama ngayon si Mae dahil sa trabaho nito. Maliban kasi sa pagiging blogger, nagtatrabaho rin itong isang college professor.
Si Douglas na ang nag-volunteer na magmaneho kaya silang dalawa ni Mitchel ang nakaupo sa backseat ng sasakyan. Sinabi niya kay Douglas kung saan dadaan para makapunta sa high school na pinasukan noon ni Jayden Sullivan.
“Ano'ng mayroon sa inyong dalawa ni Douglas?” narinig niyang pabulong na tanong ni Mitchel.
Gulat na napatingin si Lizette sa lalaki. “A-ano'ng ibig mong... sabihin?” ganting bulong niya, sumulyap pa sa driver’s seat para alamin kung napapakinig sila. Seryoso naman si Douglas na nagmamaneho.
Umismid si Mitchel. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses kang sumulyap sa kanya mula nang makarating kami dito. There was something in your eyes. Longing, to be exact. Love? May gusto ka ba kay Douglas?”
Naramdaman ni Lizette ang pamumula ng mukha. “W-w-wala.” Inilipat niya ang tingin sa bintana at hindi pinansin ang lalaki. Naalala niyang profiler nga pala si Mitchel Ramos. Dapat ay naging maingat siya sa presensiya nito.
Inabot ni Lizette ang pendant ng suot na kuwintas. Si Douglas ang nagbigay ng kuwintas na iyon noon. Magkasabay silang inampon ni Tony Gonzalvo. Sa loob ng ilang taon ay naging malapit silang dalawa ni Douglas hanggang sa maghiwalay dahil mas pinili ni Douglas na magpunta sa States para doon ipagpatuloy ang police training nito. Siya naman ay dito nag-training sa Pilipinas.
Sa loob ng mga panahon na magkasama sila ni Douglas, hindi lang basta isang nakatatandang kapatid o kaibigan ang turing ni Lizette dito. Yes, this profiler was right. She liked Douglas more than a friend. She also confessed her feeling for Douglas a few times but got rejected. Paulit-ulit lang na sinabi ng lalaki na kapatid lang ang turing nito sa kanya.
Si Douglas ang dahilan kaya nagpunta siya sa States para doon magtrabaho. Pero isang taon lang ay lumipad naman pabalik dito sa Pilipinas ang lalaki. He must be avoiding her that much. Pero makulit pa rin ang puso ni Lizette, hanggang ngayon ay si Douglas pa rin ang ginugusto niyon.
Pagkatigil ng sasakyan sa tapat ng isang school, tahimik lang na bumaba si Lizette. Hindi tinitingnan ang mga lalaking kasama. Maraming estudyante doon kaya tumuloy sila sa Faculty Room kung saan naroroon ang isang teacher na dati niyang nakausap tungkol sa nangyaring sunog dito noon.
Tumikhim si Lizette. “Siya nga pala si Marta Estardo. Isa siya sa mga head teachers dito. Siya rin ang naging homeroom teacher ni Jayden Sullivan noong maganap ang sunog sa school na 'to.” Isa-isa niya ring pinakilala ang mga kasama.
“Puwede ba namin kayong makausap ng pribado?” tanong ni Mitchel, iginala ang tingin sa mga teachers na nasa loob ng faculty room na pasulyap-sulyap sa kanila.
Tumango si Marta at sinabing puwede sila sa loob ng isang classroom na wala pang gumagamit. Saglit lang naman ay nakarating na sila doon.
“Hindi kami nandito para magtanong ng tungkol sa nangyaring sunog noon,” panimula ni Mitchel. “That’s for me,” nakangiti itong sumulyap sa kanila bago ibinalik ang tingin kay Marta. “I came here to ask about this person.”
Tiningnan ni Mitchel si Douglas. Inilabas ng huli ang isang larawan sa suot nitong pantalon. It was an old photo of a boy – Jayden Sullivan. Kuha marahil iyon sa isang yearbook dahil mukhang nasa high school pa si Jayden.
“His name is Jayden Sullivan,” wika ni Douglas. “Naalala niyo siguro siya dahil nakausap na kayo ni Lizette minsan tungkol sa sunog na nangyari sa school na ito noon.” Sumulyap sa kanya ang lalaki.
Sandaling pinakatitigan ni Marta ang larawan bago tumango-tango. “Naaalala ko siya. Ilang beses ko ring sinaway ang batang iyan noon dahil sa hilig niyang maglaro ng posporo.” Umiling ito. “Dahil din doon kaya nangyari ang sunog na iyon.”
“Kayo ang homeroom teacher niya noon, 'di ba?” tanong ni Mitchel. “How was Jayden Sullivan back then? Nananakit ba siya ng ibang tao?”
Kumunot ang noo ni Marta, umiling-iling. “Wala akong maalalang nanakit siya ng ibang tao, Sir.” Sandali itong huminto para mag-isip o alalahanin ang nakaraan. “Naalala ko na napakatahimik niyang bata. Ni minsan hindi siya nakihalubilo sa ibang mga kaklase niya noon kahit pa groupings or projects. Jayden tends to do things on his own.”
“Nakakausap niyo ba siya?” tanong pa ni Mitchel. “May nababanggit ba siyang problema sa bahay nila?”
“Transferee lang siya dito noon. Sa pagkakatanda ko patay na ang mga magulang ni Jayden Sullivan noong pumasok siya dito. Iyon ay base sa kuwento niya. Hindi ko pa nakikita ang kapatid niya na ikinukuwentong guardian niya. Sinusubukan kong kausapin noon si Jayden pero wala naman siyang sinasabing problema. Napapansin ko lang na palagi siyang ginagabi sa pag-uwi na para bang ayaw niyang umuwi.”
Napatingin si Lizette kay Mitchel, seryoso lang naman ang mukha ng lalaki habang nakatitig sa kausap. Siguradong iniisip din nito kung ano'ng dahilan at hindi kaagad umuuwi si Jayden sa bahay ng mga ito noon.
“How about this victim in that fire?” tanong ni Kevin makalipas ang ilang sandali. “Kaklase ni Jayden Sullivan ang namatay na 'yon, tama?”
Bumuntong-hininga si Marta. “Oo,” tumango-tango pa ito. “Hindi ko makakalimutan ang insidenteng iyon dahil isa siya sa mga naging estudyante ko.”
“We heard that victim was a bully,” ani Mitchel. “Binubully niya ba si Jayden noon? Kung naaalala niyo?”
Nakatitig lamang si Marta sa sahig sa loob ng mahabang sandali, tila ibinabalik ang sarili sa nakaraan. “Isa si Jayden sa mga binubully niya noon. Volleyball player kasi si Manuel noon, at sikat din dito sa school na 'to.” Ini-angat ni Marta ang tingin sa kanila. “Iniisip niyo ba na may foul play sa pagkamatay ni Manuel noon?”
“Hindi namin sinabi 'yon,” ani Mitchel. “You also suspect that there was something wrong at that time, right, Mrs. Estardo?”
Iniiwas ni Marta ang tingin. “Walang patunay na tama ang hinala ko kaya nanahimik na lang ako. Pero nakita ko noon si Jayden na lumabas sa storage room kung saan nakita ang bangkay ni Manuel.” Humugot ng malalim na hininga ang babae. “Seeing that child’s eyes at that time was the scariest thing I’ve seen. Para bang wala na siyang buhay.”
Mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid. Nang muling magsalita si Mitchel ay nagpasalamat na ito kay Marta. Dahil wala na rin naman silang katanungan ay sumunod na lang kay Mitchel nang lumakad ito palayo.
Sunod na itinuro ni Lizette ang daan patungo sa bahay ng napag-alaman nilang ama ni Jayden Sullivan. Wala ni isang nagsalita sa kanila hanggang sa makarating sa bahay ni Nicolas Macalintal.
Isang dalagitang babae ang nagbukas sa kanila ng pinto. Nagpakilala itong anak ni Nicolas. “Papa!” sigaw ng dalagita. “May naghahanap sa'yo.”
Saglit lang naman ay nasa harap na nila si Nicolas Macalintal. Nicolas was in his fifties pero mukhang malakas pa rin. Sa pagkakaalam ni Lizette, isa itong magsasaka. Iyon na ang ibinuhay nito sa sariling pamilya.
Bumahid ang pagkainis sa mukha ni Nicolas nang makita siya. “Sinabi ko nang hindi ko gustong makipag—”
“I am Police Officer Douglas Ilagan from SCIU,” putol ni Douglas dito, kinuha ang police badge sa suot na pantalon. “Nandito kami para sana magtanong ng ilang katanungan tungkol kay Jayden Sullivan.”
“Just a few questions, Sir,” singit ni Mitchel. “Hindi mo naman gustong sa police station ka pa namin interogahin, 'di ba? Siguradong magtataka ang pamilya mo, maging ang mga kapitbahay niyo.”
Nag-igtingan ang mga panga ni Nicolas. Humugot muna ito ng malalim na hininga bago sila inanyayahang pumasok sa loob ng bahay. Inutusan din nito ang dalawang anak na naroroon na lumabas sandali.
“Magsimula na kayo,” mapait na wika ni Nicolas.
Tumingin sa kanya si Mitchel na para bang sinasabing siya ang dapat magsimula dahil sa kanya nanggaling ang impormasyon tungkol dito. Tumikhim si Lizette, ibinaling ang atensyon kay Nicolas.
“May mga nagsabi sa akin sa lugar na ito na ikaw daw ang tunay na ama ni Jayden Sullivan.” Kinuha ni Lizette sa notepad na hawak ang nakasipit na picture ni Jayden. “Kilala mo ba siya?”
Nakatitig lang si Nicolas sa larawan sa loob ng ilang sandali. It was a latest picture of Jayden. Inilipat ng lalaki ang tingin sa isa pang larawan na ipinatong naman ni Douglas sa mesitang nasa harap nila – ang larawan ni Jayden noong nasa high school pa lamang ito.
“Matagal ko na siyang hindi nakita,” seryosong sabi ni Nicolas, hindi inaalis ang tingin sa larawan. “Simula nang... nang mamatay ang kapatid niya.”
“Inaamin mo na ikaw nga ang tunay niyang ama?” tanong naman ni Kevin.
Tumango si Nicolas. “Hindi naman iyon lihim, lalo na sa lugar na ito.” Malungkot na tumingin sa kanila ang lalaki. “Ako nga ang biological father niya. Pero hanggang doon lang 'yon.”
“You had an affair with his mother,” wika ni Mitchel. Hindi iyon tanong. “At mas pinili ng ina niya na ipagamit kay Jayden ang apelyidong Sullivan.”
Yumuko si Nicolas. “H-hindi ko sinasadyang... g-gawin 'yon noon. K-kaibigan ko sila. Sina Geraldine at RJ.” Tinutukoy nito ang pangalan ng mga magulang ni Jayden. Legal parents. “H-hindi ko gustong gaguhin si RJ pero... pero lasing ako noon at... at...” Ipinikit ni Nicolas ang mga mata, ilang sandaling kinalma ang sarili.
Nang magmulat ito ay tumingin na sa kanila. “Napakaganda ni Geraldine. Walang lalaking makakatanggi sa kanya.”
“Alam ba nitong si RJ Sullivan na hindi niya anak si Jayden?” tanong ni Lizette.
Tumango si Nicolas. “OFW si RJ. Isang taon siyang nawala at nagbunga na ang ilang beses na nangyari sa amin ni Geraldine. Maraming nakakaalam sa lugar na ito noon dahil... dahil madalas nagpupunta sa bahay namin si Geraldine.”
“Ano'ng reaksiyon ni RJ?” tanong naman ni Mitchel.
“Nagalit siya, siyempre. Humingi ako ng tawad at pinatawad niya naman ako. Tinanggap niya si Jayden bilang sarili niyang anak pero hindi ako puwedeng lumapit uli sa kanila.”
“Hindi mo man lang nakausap kahit minsan si Jayden?” Hindi napigilang itanong ni Lizette.
Sumilay na ang isang ngiti sa mga labi ni Nicolas. “Nakakausap ko siya. Simula nang pumasok siya sa eskuwelahan ay ako ang naghahatid-sundo sa kanya ng palihim. G-gusto ko lang makasama ang anak ko kahit sandali... kahit hindi niya alam ang totoong relasyon namin.”
“Hindi niya ba talaga alam?” singit na tanong ni Mitchel.
Tumingin si Nicolas kay Mitchel pagkatapos ay agad ding nagyuko ng ulo. Mahabang sandali itong hindi nagsalita, nakatitig sa sahig. “S-sinabi ko sa kanya ang... ang totoo noong nasa elementarya na siya,” pag-amin nito. “H-hindi ako nakapagpigil. Gusto kong makilala niyang ako ang ama niya, hindi si RJ.”
“Ano'ng naging reaksiyon ni Jayden?” curious na tanong ni Lizette.
Bumahid na ang kalungkutan sa mga mata ni Nicolas. “Simula noon, hindi na niya gustong makipagkita sa akin.”
“Alam mo ba kung nasasaktan siya sa bahay ng mga Sullivan noon?” tanong pa ni Mitchel. “Ni RJ?”
Umiling si Nicolas. “Kitang-kita ko kung paano itinuring na parang tunay na anak ni RJ si Jayden. Palaging ikinukuwento ni Jayden ang mga ginagawa, binibili ni RJ para sa kanya. Iyon ang dahilan kaya nakaramdam ako ng inggit. Anak ko siya pero hindi ko man lang maiparamdam ng maayos.”
“Hindi mo na uli nakausap si Jayden simula nang malaman niya ang totoo?”
Tumingin si Nicolas kay Lizette. “Hindi na. Kaya tinanggap ko na lang ang lahat. Bumuo ako ng sarili kong pamilya. Kinalimutan ko na sila.”
“Wala ka na talagang alam kung ano'ng nangyari kay Jayden simula noon?” tanong ni Mitchel. “Kahit na ano?”
“Wala,” umiiling na sagot ni Nicolas. “Nabalitaan kong namatay si RJ, sumunod ang ina niyang si Geraldine. Pero hanggang doon na lang 'yon. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Nakakasalubong ko si Jayden pero umaakto siyang hindi ako kilala. Galit siya sa akin. Hindi ko na gustong ipilit ang sarili ko sa kanya.”
“Kailan mo siya huling nakita?”
“Hindi ko na maalala,” bulong ni Nicolas. “Noong napatay ang kapatid niyang si Gilbert, sinubukan kong hanapin si Jayden para alamin kung ligtas siya. Pero sinabi ng mga pulis na walang ibang tao doon kundi si Gilbert. Simula noon hindi ko nakita si Jayden. Kung hindi kayo dumating para itanong ang tungkol sa kanya, patuloy kong iisipin na patay na siya.”
Ilang sandaling katahimikan ang dumaan. Hanggang sa basagin iyon ni Mitchel. “Salamat sa lahat.” Tumayo ito. “Pasensiya na rin sa abala.”
Tumayo na rin silang lahat pero hindi pa nakakahakbang nang marinig ang muling pagsasalita ni Mitchel.
“Mayroon ba kayong pictures ni Jayden noong bata pa siya? Noong nakikipagkita pa siya sa inyo?”
Sandaling nag-isip si Nicolas bago ito tumayo. “Hahanapin ko lang. Ang alam ko'y may mga ilang larawan akong nakatago.”
Medyo may katagalan ding nawala ang lalaki, tanging naririnig lang nila ay mga kalabog sa isang kuwarto. Nang bumalik si Nicolas, may dala na itong isang maliit na photo album. Inabot nito iyon kay Mitchel.
“Kaunti lang ang mga 'yan,” ani Nicolas. “Pictures na kinuha namin tuwing may handaan o event sa school ni Jayden noon.”
Nagpasalamat si Mitchel dito. Palabas na sila ng pinto nang muling magsalita si Nicolas.
“Hindi ko alam kung bakit kayo naging interesado kay Jayden pero sana nasa maayos siyang kalagayan. Hindi ko na hihilingin na makipagkita siya sa akin kahit sandali. Alam kong galit siya.”
Nakaramdam ng kalungkutan si Lizette. Kung alam lang ni Nicolas na isang suspect sa serial killing case ang anak nito. Pero hindi nila maaaring sabihin.
Walang salitaang namagitan sa kanilang lahat hanggang sa makabalik sa loob ng sasakyan. Tiningnan ni Lizette si Mitchel na nakatitig lang sa labas ng bintana, hawak-hawak ang photo album.
“Bakit gusto mong makita ang mga pictures na 'yan?” tanong niya.
Tumingin sa kanya si Mitchel. “Pag-aaralan ko kung ano'ng klase ng bata si Jayden Sullivan gamit ang mga larawang ito. I might have made a mistake when I first profiled his high school photos.”
Kumunot ang noo ni Lizette pero hindi na rin nagtanong. Ipinikit niya na lang ang mga mata para saglit na magpahinga. Mayamaya ay babalik na sila ng Maynila. Gusto niya pa sanang makasama si Douglas, makausap ito ng hindi tungkol sa trabaho.
Tumigil muna sila sa isang restaurant para maghapunan bago bumiyahe pabalik ng Maynila. Sinadya ni Lizette na magpahuli ng labas sa sasakyan para maiwan kasama ni Douglas.
Nang lumabas sa driver’s side ang lalaki, lumabas din siya. “D-Douglas...” pigil ni Lizette dito.
Tumingin sa kanya si Douglas, hinintay siyang magpatuloy.
Ngumiti si Lizette. “Hindi pa kita nakukumusta. It’s been a while. How are you?”
“As you can see, sobrang busy sa misyon ko.” Sandali siyang pinakatitigang ni Douglas. “Why are you here, Lizette? Interesado ka ba talaga sa Destroyer Case?”
“Oo naman,” sagot niya. “Gusto ko ring mahuli ang mailap na serial killer na ito. You know I’m interested in these kinds of cases. Hindi ko gustong may kasong hindi nareresolba kaya nga puro cold cases ang hinawakan ko noon sa States.”
Tumango-tango lang naman si Douglas. Tatalikod na sana ang binata nang muli siyang magsalita.
“G-gusto rin kitang makita uli,” nauutal na sabi ni Lizette, yumuko nang bumaling sa kanya ang binata.
Humakbang palapit sa kanya si Douglas at naramdaman na lang ni Lizette ang pagdantay ng isang kamay ng binata sa kanyang ulo, marahang ginulo ang kanyang buhok.
“I’m glad to see you again, Lizette,” wika nito.
Napatingin siya dito, ngumiti. Magsasalita pa sana si Lizette nang magpatuloy si Douglas.
“I hope you stay here until my wedding.”
Hindi naitago ni Lizette ang pagkagulat. Wedding? May plano nang magpakasal si Douglas? Mabilis niyang iniyuko ang ulo para hindi nito makita ang sakit na bumabalot sa buong pagkatao.
“Hindi ko naisama si Karine dito ngayon pero sana makilala mo siya,” dugtong pa ng binata, higit na dinadagdagan ang sakit na kanyang nararamdaman. “Tatapusin ko lang ang misyon na ito para mapakasalan ko na siya.”
Ikinuyom ni Lizette ang mga kamay. Sa loob ng ilang taong pananatili ni Douglas sa bansang ito, mayroon na kaagad na nakakuha sa puso nitong matagal niyang ginustong maangkin?
“Let’s go inside and eat,” wika ni Douglas bago lumakad palayo.
Nanatili lang na nakatayo si Lizette doon, nakatulala. Gusto niyang umiyak para maalis ang paninikip ng dibdib pero pinigilan ang sarili. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga, kinakalma ang sarili. Mas mabuti na ito para matigil na ang walang katuturang damdamin para kay Douglas. Dapat niya nang kalimutan iyon. Simula pa naman noon ay wala nang katugon ang nararamdaman niya para dito. Ang puso niya lang ang talagang mapilit.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet
Mistério / SuspenseA famous actress had been murdered inside her own place. And the killer hanged himself beside the body. Muling nabuksan ang kasong iyon at naatang sa team ni Jemimah nang makita ang kagunayan sa panibagong murder na naganap sa mismong headquarters n...