Chapter 4

1K 50 1
                                    

Antonio Subiera
TINAPAK-TAPAKAN ni Antonio ang tiles sa gitnang parte ng simbahan para maging flat iyon. Pinagpagan niya ang mga kamay. Ibinaon niya doon ang bangkay ni Father Jude at mga kalansay ni Eva habang wala pang ibang tao. Wala siyang nararamdamang pagsisisi sa ginawang pagpatay sa pari. Iyon ang tama. Kailangan nitong pagbayaran ang lahat ng kasamaang ginawa.
Lumabas siya ng simbahan at naupo sa gilid niyon habang kumakain ng tinapay. Napatigil si Antonio sa pagkain nang may pumaradang isang magandang sasakyan sa tabi. Bumaba doon ang babae na marahil ay nasa fifties na nito.
Tumayo si Antonio nang lumapit ang babae. “May kailangan ba kayo?” tanong niya. Sandali niyang pinagmasdan ang magandang kasuotan ng babae. Mukhang mayaman ito.
Ngumiti ang babae. “Kilala mo ba ang pari sa simbahang ito? Nandito ba siya ngayon?”
Umiling siya. “Nagpunta siya ng Maynila, hindi pa bumabalik,” pagsisinungaling niya.
Tumango-tango ang babae. “Magbibigay sana ako ng donasyon dahil napadaan na rin naman ako.” Pinasadahan nito ng tingin ang kanyang kabuuan. “Dito ka ba nakatira, hijo?”
“Oo, pero gusto ko nang umalis.” Sinulyapan ni Antonio ang sasakyan ng babae. “Marami ka bang pera? Puwede ba akong sumama sa'yo?”
Napatawa ang babae. “Ano naman ang gagawin mo kapag sumama ka sa akin?”
“Hindi ko alam. Magtatrabaho ako para... para magkaroon ako ng maayos na buhay. Pero wala akong alam. Hindi ako pinag-aral ni Father.” Hinigpitan ni Antonio ang pagkakahawak sa Bibliya na nasa isang kamay. “Pero marami akong alam sa Bibliya.”
Sandaling nakatitig lang sa kanya ang babae bago ito tumango-tango. “Puwede naman kitang patirahin sa bahay ko kung gusto mo. Kailangan ko rin ng makakatulong. Gusto mo na bang sumama ngayon sa akin?”
Sunod-sunod ang pagtango ni Antonio. Wala na siyang pakialam kung saang lugar man mapunta basta makalayo sa impyernong ito.
Pumasok sa loob ng sasakyan ang babae at sumunod siya. Namangha pa si Antonio dahil sa kakaibang lamig doon. Umandar na ang sasakyan at nakamasid lamang siya sa bintana. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakalayo siya sa simbahang iyon.
Napatingin si Antonio sa babae nang maramdaman ang paghaplos ng isang kamay nito sa kanyang hita. Ngumiti ang babae. “Ano'ng pangalan mo?”
“Antonio Subiera.”
“Ako nga pala si Maricar Morales,” pagpapakilala ng babae. Bahagya pang tumaas ang kamay ng babae, malapit na sa kanyang ari. “You’re a fine boy. Ibibigay ko sa'yo ang kahit na ano basta paligayahin mo lang ako sa bawat araw.”
Ibinaba ni Antonio ang tingin sa kamay nito. Paligayahin? Siguro ay tinutukoy nito ang hiniling sa kanya ni Eva noon. Ibibigay nito sa kanya ang lahat kapalit ang pagpapaligaya dito?
Tumango si Antonio. Marami siyang kailangan para mabuhay sa mundong ito. Gagawin niya ang lahat para makuha ang mga iyon...
MAHIGIT pitong taon na ang lumipas mula nang makaalis si Antonio sa impyernong kanyang pinagmulan. Since then he had been a lover for Maricar Morales. Napalitan na rin ang kanyang pangalan at isinunod sa apelyido ng babae.
Sa loob lamang ng maikling panahon na iyon ay nakahabol siya sa pag-aaral. Isa na siya ngayong college student. At lahat ng iyon ay dahil sa kanyang pagsisikap at angking katalinuhan. He was always at the top of his class.
Bumuntong-hininga si Antonio habang nakaupo sa isang upuan ng simbahang kinaroroonan. Katatapos lang ng isang misa. Inilipat niya ang tingin sa mga kamay na may benda. Hindi niya iyon inaalis para hindi makita ng iba ang marka ng sugat na nanggaling sa pagkakapako niya noon.
Hindi pa rin nakakalimutan ni Antonio ang lahat ng kasamaang ginawa sa kanya. Hindi niya pa rin nakakalimutan ang paghihirap na pinagdaanan. Balang-araw, maniningil siya sa mundong ito. Ipapakita niya sa mga tao, maging sa Diyos na hindi tumulong sa kanya, na siya ay dapat katakutan.
“Amen.”
Napalingon si Antonio sa tabi nang marinig ang boses na iyon ng isang babae. Nakaupo sa kanyang tabi ang isang babae na siguro ay mas bata lamang ng kaunti sa kanya.
Napatingin sa kanya ang babae, nagsalubong ang kanilang mga mata. Napakaganda nito. Ito na yata ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa buong buhay.
Mabilis na iniyuko ni Antonio ang ulo. Hindi. Hindi siya puwedeng tumingin sa ibang babae. Nangako siya kay Maricar na ito lamang ang titingnan. Hindi siya maaaring gumawa ng kasalanan.
Tumayo si Antonio at lumabas na ng simbahan. Pero napatigil siya sa paghakbang nang marinig ang boses ng babae mula sa likod.
“Sandali!”
Nilingon niya ito na tumigil sa kanyang harapan. Inabot sa kanya ng babae ang kanyang Bibliya. “Naiwan mo sa upuan,” sabi ng babae, ngumiti.
Mas lalong nagningning ang mga mata ng babae dahil sa ngiti na iyon. Kinuha ni Antonio ang kanyang Bibliya. “Salamat.”
“Wala 'yon.” Sinulyapan nito ang Bibliya na hawak niya. “Mukhang napakatagal na ng Bible na 'yan, ah? Importante ba 'yan sa'yo?”
Tumango siya.
“Matagal ka na sa simbahan na ito? Minsan lang kasi ako nakakakita ng mga lalaking ka-edad mo na pumupunta dito.” Tumawa ang babae. “Pasensiya na kung naparami na ang nasabi ko. Puwede ko bang itanong kung ano'ng pangalan mo?”
Saglit siyang nag-alangan pero sumagot din naman. “Antonio.”
“Ako nga pala si Candice.” Inilahad nito ang kamay. “It’s nice to meet you, Antonio. Sana maging magkaibigan tayo.”
Nag-aalangang tinanggap ni Antonio ang kamay ng babae, napakalambot niyon. Hindi niya sana gustong bitawan pero mabilis nang nahila ni Candice. Nagpaalam na ito at muling bumalik sa simbahan...
SIMULA noon ay madalas nang nakakasama ni Antonio si Candice. Itinuturing siya nitong kaibigan kahit hindi naman niya alam kung ano ang tunay na ibig sabihin ng salitang iyon. Pero gusto ni Antonio na makasama ang babae. Nakikinig lang siya sa mga kuwento nito at mga pangarap.
Hindi alam ni Antonio kung bakit nakikipaglapit siya dito. Pero alam niya na gusto niya ang babae. He wanted to possess her. Gusto niyang makuha ito. Pero nag-aalangan siya na matakot si Candice kapag biglang sinunggaban. Kailangan niyang kalmahin ang sarili.
Her kindness. Her smile. The light in her eyes. Iyon ang mga katangian na hindi niya nakikita sa ibang taong nakasama noon. That was why he wanted to own the woman. Para malaman kung ano ang mga damdaming ibibigay nito sa isang katulad niya.
Nakaupo sila ngayon sa loob ng isang abandonadong warehouse sa Antipolo habang kumakain ng cookies na ginawa mismo ni Candice. Ikinukuwento sa kanya ng babae ang tungkol sa mga nangyari sa school na pinapasukan nito.
Nakatitig lamang si Antonio sa kagandahan ng babae. Gusto niya itong angkinin ngayon mismo. How could someone be this beautiful? Gusto niyang makita ang itsura nito kapag inaangkin niya.
Napatigil siya sa pag-iisip nang makarinig ng mga motorsiklong pumasok sa loob ng warehouse. Tumigil ang mga ito at bumaba ang anim na lalaki. Sigurado na mga gangster ang mga ito.
“Pare, may chicks dito, oh,” sigaw ng isa, lumapit sa kanila. “Tamang-tama lang na panghimagas.”
Tumayo sila ni Candice. Lumapit sa kanya ang babae, makikita na ang takot sa mukha nito.
Humakbang palapit sa kanila ang anim na lalaki, nakangisi. “Pahiram naman kami sa chicks mo, 'tol,” sabi ng isang lalaki. Tinangka nitong lapitan si Candice pero iniharang ni Antonio ang katawan.
Nagtawanan ang mga lalaki. “Madamot, pare. Ano'ng gagawin natin dito?”
“Madali lang namang hawakan ang lalaking 'yan habang tinitikman natin ang kasama niya,” suhestiyon ng isa. Lumapit ito sa kanya at malakas na inundayan ng suntok ang kanyang sikmura.
Ikinuyom ni Antonio ang mga kamay. Marami ang mga ito. Hindi niya kayang labanan ang ganoon kadaming mga lalaki. Kung mayroon lamang siyang makikitang armas na puwedeng gamitin para mapatay ang mga ito.
Lumapit ang isa pang lalaki kay Candice at marahas na hinawakan ang braso ng babae. Napaiyak na sa takot si Candice.
“Huwag niyo siyang hawakan!” sigaw ni Antonio, galit na galit. Hindi siya papayag na may makaangkin kay Candice. Kanya lamang ang babae!
Isang suntok na naman ang tinanggap ni Antonio. “Matapang ka, ha?” Akmang susuntukin uli siya nito nang marinig nila ang malakas na kalabog.
Lahat sila ay napatingin sa isang lalaki na sinipa ang mga motor na nakaparada, may hawak-hawak itong baseball bat.
“Sa wakas nahanap ko rin ang kuta ninyong mga hayup kayo!” Mabilis na tumakbo ang bagong dating na lalaki at hinampas sa parteng binti ang unang gangster na nalapitan.
Malakas na napamura ang lalaki. Sumugod naman ang dalawa pang lalaki pero agad din iyong napatumba ng taong tumutulong sa kanila.
Ang tatlo pang gangster ay mabilis na tumakbo patungo sa isang motor para tumakas. Maging ang tatlong napatumba ng lalaki ay nagkakandarapang tumakbo papalayo.
“Walang hiya ka, Maxwell!” narinig pa niyang sigaw ng huling gangster na lumabas. “Pagbabayaran mo ito!”
Sumipol lamang ang lalaking nasa harapan na nila. “Hindi mo na 'yan magagawa,” anito. “Nag-aabang na ang mga pulis sa inyo sa labas.” Tumawa ito bago tumingin sa kanila.
Sinubukang tumayo ni Antonio, hawak-hawak ang sariling tiyan. Sandali niyang pinakatitigan ang lalaking nagligtas sa kanila. Binitawan nito ang hawak na baseball bat bago nagpagpag ng kamay.
“Pasensiya na kayo sa mga gangster na 'yon,” umiiling na sabi ng lalaki. “Ilang linggo ko na silang sinusundan, dito lang pala sila nagtatago.”
Lumapit sa kanya ang lalaki at tinapik ang balikat niya. “Ayos ka lang ba, pare?” tanong nito bago ngumiti. Ang unang napansin ni Antonio ay ang asul na mga mata nito.
Inilipat ng lalaki ang tingin kay Candice na nakatingin lamang sa kanila, may takot pa rin sa mukha nito. “Girlfriend mo ba siya?” tanong ng lalaki. “Hindi magandang sa mga ganitong lugar kayo tumatambay. Marami pang kasamahan ang mga taong 'yon kaya mag-ingat kayo.”
Nakasunod lang ang tingin ni Antonio sa lalaki nang humakbang ito palapit kay Candice. Marahang ginulo ng lalaki ang buhok ng babae. “Huwag ka nang matakot. Mag-ingat kayong dalawa, ha?”
Nakatitig lang si Candice sa lalaki bago ito nagsalita. “M-mag-kaibigan lang kami ni... ni Antonio,” sabi nito.
“Oh.” Sumulyap sa kanya ang lalaki, tumango-tango. “Ingatan mo pa rin 'tong kaibigan mo, pare. Maganda pa naman siya.” Muli itong ngumiti. “Aalis na ako. Pumunta kayo sa ospital kung may sugat kayo, okay?”
Nagsimula nang humakbang palabas ng warehouse ang lalaki. Nakita ni Antonio nang tumakbo si Candice para habulin ang lalaki, pinigilan ito sa braso.
Nakakunot-noong lumingon ang lalaki kay Candice. “May kailangan ka pa, Miss?”
“S-salamat,” nahihiyang sabi ni Candice. “A-ako nga pala si Candice.”
Tuluyan nang humarap ang lalaki kay Candice, maluwang itong napangiti. “Ako si Jordan. Jordan Maxwell.”
Hindi maalis ni Antonio ang tingin sa dalawa. Malinaw niyang nakikita ang kakaibang kasiyahan sa mukha ni Candice habang nakatingin sa lalaking iyon na nagngangalang Jordan Maxwell. She was looking at him like he was her savior.
And that was the very first time Antonio felt envy in his heart. Jordan Maxwell. Kinamumuhian niya na ngayon pa lang ang lalaking ito...

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon