Chapter 42

1.3K 66 2
                                    

Jemimah Remington-Maxwell
“ISANG malaking kawalan para sa SCIU ang biglaang pagkawala ni Tony Gonzalvo,” pagsisimula ni Jomar Dagala – isa sa mga board members ng SCIU. Ito rin ang spokesperson ng ahensya. Ang mga board members ng ahensya ang kasama ng Chairman sa pagdedesisyon sa bawat kasong hahawakan. They give opinions, judgments on every move of the agency. They were the people who votes for what they think is best for everyone.
Ngayong araw ay ipinatawag silang lahat para sa isang announcement. Kahapon ay nailibing na si Tony Gonzalvo. Mahirap para kina Jemimah ang nangyari pero hindi dapat iyon maging dahilan para bumagal ang imbestigasyon nila.
Maraming media ang present doon. Nakatayo sina Jemimah sa harap ng SCIU Headquarters kung saan nagkakaroon ng press conference. May sira pa ang building pero hindi iyon hadlang para ituloy ang lahat ng imbestigasyon. Nandoon ang lahat ng board members, si Chief Babor at Director Morales, maging ang lahat ng teams sa SCIU.
Nagpatuloy si Jomar Dagala. “Nagpatawag kami ng press conference para ipaalam ang kalagayan ng SCIU. Katulad ng mga lumalabas sa media, pinatay si Tony Gonzalvo sa loob ng kanyang opisina noong mismong gabi na nagkakagulo sa lugar na ito dahil sa isang suicide bomber. Iniimbestigahan namin ang pagkamatay ni Tony Gonzalvo. Wala pa kaming maibibigay na impormasyon sa ngayon.”
“Sino ang papalit sa kanyang puwesto?” tanong ng isa sa mga reporters na naroroon.
“That’s also the reason for this press conference,” ani Jomar. “Naturally, ang Director ang pansamantala naming pauupuin sa posisyon ng Chairman sa ganitong sitwasyon. Pero nakatanggap kami ng sulat at tawag mula sa Office of the President kahapon.” Itinaas nito ang isang papel na sulat mula sa Presidente ng Pilipinas. “This is about the appointment of the new temporary Chairman for SCIU.”
Narinig nila ang bulung-bulungan ng mga taong naroroon.
Tumikhim muna si Jomar bago binasa ang nakasulat sa papel na hawak. “I, the President of the Philippines, am very much saddened at the news of Chairman Tony Gonzalvo’s death. But we cannot mourn forever. The Special Criminal Investigation Unit (SCIU) needs a new leader to look over all the special cases there. That’s why I am appointing Marco Macalalad Pulo as the replacement for Tony Gonzalvo as the temporary Chairman of SCIU. This will be temporary until all of the high profile serial murder cases are resolved, including the Destroyer Serial Murder Case. I am appointing him as my capacity as the Chief Executive of the country. Signed by the President of the Philippines.”
Hindi na nagulat si Jemimah sa narinig. Nabanggit sa kanila noon ni Marco na isinama siya ni Tony sa Malacañang para makausap ang presidente ng bansa tungkol sa magiging pansamantalang kapalit nito kung sakaling biglang mawala. SCIU was under the jurisdiction of the president kaya puwede itong mag-appoint ng pansamantalang replacement ng agency head.
Lahat ng mga naroroon ay kakikitaan ng pagkagulat dahil sa hindi inaasahang anunsiyo. Pero nagpalakpakan ang mga ito nang tawagin ang pangalan ni Marco Pulo. Lumapit si Marco sa kinatatayuan ng spokesperson para magbigay ng speech. Nakasuot ang lalaki ng three-piece suit. Ngayon lang nakita ni Jemimah si Marco na naka-pormal.
Tumikhim muna si Marco bago nagsalita. “Magandang hapon sa inyong lahat. I’m Marco Pulo, ang magiging temporary replacement ni Tony Gonzalvo bilang Chairman ng SCIU. Alam ko na hindi kapani-paniwala ang lahat ng ito. Maging ako ay hindi rin makapaniwala na magiging head ng isang malaking government agency dito sa bansa pansamantala.”
“Kailan niyo lang nalaman na kayo ang papalit sa posisyon ni Chairman Gonzalvo?” tanong ng isang reporter.
“Nalaman ko lang nang padalhan makatanggap ako ng sulat mula sa presidente na ako nga ang pansamantalang uupo sa posisyon ni Tony.” Hindi nawawala ang kaseryusohan sa mukha ni Marco. “Minsan kong nakausap si Tony at sinabi niyang nakakatanggap siya ng death threats mula sa isang mapanganib na serial killer. Isa akong retired Senior Inspector sa PNP. I know I do not deserve this position. But as someone whom Tony and the president trusted, I will do my very best to close all the high profile serial killing cases we have right now. Pansamantala lang akong uupo sa posisyong ito para iayos ang mga naiwang trabaho ni Tony.”
“Anong klase ng high profile case ang tinutukoy niyo?” tanong naman ng isa pang reporter.
Sandaling iginala ni Marco ang tingin sa paligid. “The Crow Overtaker Serial Murder Case. And The Destroyer Serial Murder Case. Mayroon kaming ebidensya na makakapagpatunay na posibleng magkakilala ang dalawang serial killers na iyan. The Destroyer Serial Murder Case is a high profile case under NBI. Nagkaroon kami ng meeting kanina ng NBI Director at pumayag na siyang i-transfer sa SCIU ang kaso. I will be leading the investigation on that case with my team.” Tumaas ang isang gilid ng mga labi ni Marco para sa isang ngisi. “May mga ebidensya kami na makakapagsabing mapanganib si Destroyer at kailangang mas mapagtuunan ng pansin.”
“Will the investigation become public?”
“No.” Umiling pa si Marco. “Not yet. Hindi lang basta simpleng serial killer si Destroyer. Mayroon siyang thirty-three victims. This killer had avoided the authorities for years. Nagawa niya ring pigilan ang imbestigasyon sa kaso niya sa pamamagitan ng pag-bribe sa dating direktor ng NBI. It’s about time to fight with this monster. And as long as I’m sitting in this position, I will do my very best to prevent more casualties, more victims. I will ensure the safety of the people from these monsters.”
Ilang katanungan pa ang sinagot ni Marco Pulo bago tinapos ang press conference. Sinubukan ni Jemimah na lapitan ang lalaki pero dahil maraming mga media ang pilit kumukuha ng scoop ay nagdesisyong pumasok na lamang sa loob ng headquarters.
“That was a shock,” narinig niyang sabi ni Paul nang makapasok sila sa loob ng opisina nila doon. “The President appointed him.”
Naupo si Mitchel sa isang silya. “Alam mo ba ang tungkol dito, Jemimah?”
Tumango si Jemimah. “Kinausap kami noon ni Marco. Sinabi niyang nakipagkita siya kay Tony at dinala siya sa Malacañang para kausapin ang presidente. Marco said Tony did everything to convince the president. He even begged. Hindi iyon madali. Pero mabuti na lang at nakapasa rin si Marco sa COA. Isa siyang dating Senior Inspector, marami siyang mga misyon na nagtagumpay. Dapat ay mapo-promote na rin siya noon sa mas mataas na rango kung hindi siya nag-resign.”
“Alam na ni Tony na mamamatay siya kaya ginawa ang lahat ng ito,” sabi ni Mitchel. “Kung iba ang nakaupo ngayon sa posisyon niya, imposibleng mapagtuunan ng pansin ang Destroyer Case.”
“Dahil sa investigation ni Jordan Maxwell kaya pumayag ang NBI Director na i-transfer sa SCIU ang kaso,” sabi pa ni Jemimah. “Ipinakita iyon ni Marco kanina sa meeting nila. Kailangan niyang gawin iyon para makita na hindi basta isang simpleng serial killing case ang Destroyer Case. And that it will endanger more people if not handled properly.”
Napatingin sila sa pinto ng opisina nang may kumatok doon. Pumasok ang isang security na nagbabantay kanina kay Marco. “Pinapatawag kayo ni Chairman Marco sa opisina niya.”
Sumunod lang naman sina Jemimah dito hanggang sa makarating sa Office of the Chairman. Naroroon din sa loob sina Chief Babor at Director Morales. Sumaludo siya sa mga ito.
Naupo si Marco sa swivel chair. “Hindi ko gustong maupo dito pagkatapos ng nangyari kay Tony,” pagsisimula nito. “Pero wala na akong magagawa. Kailangan mabigyan ng katarungan ang pagkamatay niya.” Humugot muna ito ng malalim na hininga bago nagpatuloy. “Lahat ng related sa Destroyer Case ay idederetso sa akin. The NBI promised to give all their investigation reports about that case.”
“I suggest that the Cold Eyes Team should handle that case, Chairman,” sabi ni Chief Babor. “They are the best in this agency.” Tumingin ito kay Director Morales. “Si Director Morales mismo ang bumuo sa kanila.”
“I think Marco knew them already,” sabi ni Director Morales. “Maging ako ay sila rin ang ire-rekomenda.”
Tumango-tango si Marco. “Iyon naman talaga ang plano ko. At gusto ko ring idagdag ang isa pang taong siguradong makakatulong sa imbestigasyon.”
Napatingin sila sa pinto nang makarinig ng katok. Bumukas iyon. Nagulat si Jemimah nang makita ang pagpasok ni Ethan sa loob ng opisina.
Tumayo si Marco, lumapit kay Ethan at hinawakan ito sa balikat. “Ethan Maxwell will be the lead investigator on this case. Pumayag na siyang mag-trabaho para sa SCIU.”
Hindi alam ni Jemimah ang tungkol doon. She was shocked and happy at the same time. Magtatrabaho na sila sa iisang ahensya ni Ethan. At hindi na magiging patago ang imbestigasyon nila.
“Chief Babor, you will still take care of the Crow Overtaker case with this team,” pagpapatuloy ni Marco. “We will pursue both of these serial killers. Use everything to find them.”
Tumango si Chief Babor bago kinamayan si Marco. “Kailangan ko pang harapin ang mga team leaders para makausap sila. Congratulations, Marco. I look forward on working with you... again.”
Alam ni Jemimah na kakilala ni Marco Pulo si Alfonso Babor. She felt like SCIU had been covered now. Pero siyempre, hindi pa rin sila dapat magtiwala na ligtas na ang ahensyang ito sa mga kalaban.
Pagkalabas ni Chief Babor ay si Director Morales naman ang lumapit kay Marco. “Marco, matagal din tayong hindi nagkita. I also look forward on working with you, Chairman. Sabihin mo lang sa akin kung ano ang maitutulong ko.”
Ngumiti si Marco. “Pasensiya ka na kung mas pinili kong magtago at subukang ipagpatuloy at protektahan ang mga naiwan ni Jordan. Gagawin ko ang lahat para maging maayos ang trabaho ko dito.”
Tumango si Antonio bago inilipat ang tingin kay Ethan. Tinapik nito sa balikat ang lalaki. “Masaya ko na makita ka uli, Ethan. Akala ko hindi ka na magpapakita sa akin pagkatapos ng inakala naming pagkamatay mo. I’m also glad that you decided to work here. Nandito lang ako para tulungan kayo ng team niyo.”
Pagkalabas ni Director Morales ay napasandal na sa mesa si Marco. “Hindi ko pa rin inaasahan ang lahat ng ito,” anito, tila pagod na pagod. “Hindi ko matanggap na patay na si Tony at iniwan sa akin ang lahat ng ito.”
“I know you can do this, Marco,” sabi ni Ethan. “You’ve done well by bringing the Destroyer Case here in SCIU. Kailangan lang nating ipagpatuloy ang imbestigasyon ni Papa.”
Tumingin sa kanila si Marco. “Hindi madali na mailagay ako sa posisyong ito. Mayroong kondisyon ang presidente nang makausap namin siya. Gusto niyang masiguradong mahuhuli si Destroyer at mapipigilan ang iba pang casualties. May tiwala ako sa team ninyo, Ethan. Lahat ng naabot natin ngayon ay dahil sa inyo at sa imbestigasyon ni Jordan. I’m just a back-up. I’ll promise to give you all the securities I can manage in this position.”
Nagpasalamat si Ethan dito. Iyon nga ang kailangan nila ngayon – security.
“Pupuntahan namin ngayon ni Ethan ang Heaven’s Door Orphanage sa Bulacan,” mayamaya ay imporma ni Jemimah. “May nakuha rin si Frank na mga pangalan na posibleng kakilala ni Olga Philia. We’ll try to talk to those people.”
Tumango si Marco. “Si Douglas na lang muna ang patutulungin ko sa mga kailangang asikasuhin dito. Magpapadala rin ako ng request sa Philippine Army na tulungan tayo sa manhunt kay Jayden Sullivan. Ipaguutos ko rin na tawagan ang lahat ng police deparments sa bansa para tumulong doon.”
“I hope they can bring him and Lauren Jacinto safe,” sabi pa ni Jemimah.
“Susubukan ko, Senior Inspector,” sagot ni Marco. “Pero hindi ko maipapangako, lalo na kapag nagmatigas si Sullivan.”
Wala na namang nasabi si Jemimah. May kamay na bakal si Marco Pulo. Noon pa lang ay isa na itong pulis na dedicated sa trabaho. Minsan na niyang nakasama sa mga raids si Marco. Mas importante para dito ang buhay ng mga kasamahan kaysa sa kriminal na hinuhuli.
“SINABI mo dapat sa akin ang desisyon mong 'yon,” nagtatampong sabi ni Jemimah nang makalabas sila ng sasakyan ni Ethan matapos itong pumarada sa tapat ng gate ng Heaven’s Door Orphanage. “Na magtatrabaho ka sa SCIU.”
Mahinang tumawa ang asawa. “Sorry.” Inabot ni Ethan ang isa niyang kamay, pinagsiklop ang kanilang mga palad. “Kanina lang ako pumayag nang tawagan ni Marco. I thought this will help. Mas maganda na ang nakakasama mo ako sa pagpasok sa trabaho.”
Higit na lumapit si Jemimah sa asawa. “It’s okay. Masaya ako na makakasama na kita lagi sa trabaho. At hindi mo na kailangang magtago.”
“Pansamantala lang din naman ito,” ani Ethan. “Pag-alis ni Marco, aalis na rin tayo.”
Tumango siya. Iginala nila ang paningin sa paligid. Isang malaking bakal na gate ang nasa harapan nila, matatanaw doon ang isang building – ang orphanage. Halatang matagal nang hindi nagagamit iyon dahil sa mga lumot na bumabalot sa building.
Marami ring mga damo, dahon sa lupa dahil sa mga punong nakapaligid. The gate creaked when they opened it. Sinubukan nilang buksan ang pinto ng orphanage at nagulat pa nang magbukas iyon. Pumasok sila sa loob.
Maluwang ang loob ng orphanage. May mga naiwang furniture pa doon na napuno na ng alikabok. “This place is creepy,” usal ni Jemimah, hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ng asawa.
“Hindi mabili ang property na ito dahil hindi alam kung sino ang may hawak sa titulo,” ani Ethan. “Ang nakakapagtaka ay ang nakita ni Theia na bayad pa rin ang tax para sa buong lupaing ito. And it’s still under the name of Philia.”
Sino ang may hawak ngayon sa titulo ng lupa? Ang gumagamit pa rin sa pangalan ni Olga Philia, nakakalusot sa gobyerno? Si Destroyer lang ang pumapasok sa isip ni Jemimah. Katulad ng sinabi ni Jordan Maxwell. This killer must be someone rich and powerful. Maraming nagagawa ang mayroong pera at kapangyarihan.
Pagkatapos malibot ang buong orphanage ay lumabas naman sila ni Ethan para maglakad-lakad sa malawak na lupain ni Olga Philia. It was indeed a very huge piece of land. Magubat din ang parteng iyon.
“A perfect place to hide,” sabi ni Ethan. “Kung sakaling dito nga dinadala ni Destroyer ang mga batang ginagawa niyang puppets, walang maghihinalang kahit sino. Napakalayo nito sa bayan, sa ibang tao. This is also a private property.”
“Ikinukulong ni Destroyer ang mga batang iyon para i-brainwash,” umiiling na sabi ni Jemimah.
Napatigil sila sa paghakbang nang makita ang isang sementadong bahay sa gitna ng gubat na iyon. Napapalibutan ang bahay ng barbed wire fence na para bang ikinukulong ang nakatira doon.
Lumapit si Ethan sa isang metal na gate. He tried picking the lock with a pin from his pocket. Palaging may dalang ganoon ang asawa. Inilabas muna nito ang baril bago binuksan ang gate. Ganoon din ang ginawa ni Jemimah.
Carefully, they entered the premise. Napakatahimik doon. Mga huni lang ng ibon, mga lagaslas ng dahon sa hangin ang naririnig. Matataas na rin ang damo sa paligid. Tumigil sila sa paghakbang nang mapatapat sa pinto ng hindi kalakihang bahay.
Pinihit ni Ethan ang seradura. It was locked. Sumulyap sa kanya ang asawa bago kumatok sa pinto. “Police,” sabi nito.
Walang sagot. Humugot muna ng malalim na hininga si Ethan bago muling binuksan ang pinto gamit ang pin. Nakatutok lamang ang baril ni Jemimah sa tapat ng pinto habang binubuksan iyon ng asawa. The door creaked open. Nagulat pa sila nang biglang may lumipad na ibon mula sa loob.
“Damn it,” hindi napigilang mura ni Jemimah. She almost fired her gun.
“Sa likod lang kita,” utos ni Ethan, humakbang papasok sa loob.
Sumunod lang si Jemimah dito. Madilim doon kaya inilabas ni Ethan ang flashlight na dala nito. Wala ni isang bintana sa loob ng bahay. It was like a prison.
Nakita ni Ethan ang switch ng mga ilaw at pinindot iyon. Surprisingly, the light bulbs opened. Ibig sabihin ay may nagbabayad pa sa kuryente ng lugar na ito. Posible rin na may pumupunta pa dito.
Maraming nakakalat na diyaryo sa sahig. May mga furniture din doon na sira-sira na.
Binuksan ni Ethan ang isang kuwarto at nagulat sila sa nakita. May anim na kama doon. Pero ang kagulat-gulat ay ang mga nakakabit na krus sa dingding, may mga nakasulat ding mga salita sa dingding:
Destroy.
Kill.
Vengeance.
Peace of this world.
I will come and judge everyone.
I will be greater than God.
I am God.
Lumapit si Jemimah sa isang kama na puno ng punit-punit na papel. Kinuha niya ang isang pilas at napag-alamang mula iyon sa pahina ng Holy Bible.
What was this place? Inilabas ni Jemimah ang camera para kuhanan ng picture ang buong kuwarto.
“This is his den,” narinig niyang sabi ni Ethan na nakatayo sa tapat ng isang kahoy na cabinet. “The Destroyer’s Den.”
Lumapit si Jemimah sa kinatatayuan ng asawa at tiningnan ang binuksan nitong drawer. Puno iyon ng mga lumang larawan ng iba’t ibang tao. Nakilala niya ang mga iyon – mga biktima ng Destroyer Case.
Dito dinadala ni Destroyer ang mga batang ginagawa nitong puppets. Dito nito nililinlang ang mga ito. Tine-train na maging halimaw. But what was the meaning of all the religious stuffs in here? What was the meaning of all these cross figures on the wall?
Anong klase ng tao ba talaga si Destroyer? Maliban sa ideya na gusto nitong higitan ang Diyos katulad ng ginusto ng anghel na si Lucifer noon kaya ito nahulog mula sa langit. Ano ang dahilan at nagkaganito si Destroyer?
Pagkatapos malibot ang buong bahay ay muling lumabas sina Jemimah. Hindi pa gaanong malayo ang nalalakad nila nang mapansin na may isang bangin sa lugar na iyon. Sa ilalim niyon ay isang ilog na may rumaragasang tubig. This place was also dangerous.
“I think this is enough for now,” sabi ni Ethan. “Magpapa-request ako na mabantayan ng mga pulis ang buong lugar na ito. Hindi natin alam kung babalik dito si Destroyer kaya mabuti na ang makasigurado.”
Tumango si Jemimah. “Puntahan muna natin si Dolores Isaig. Sinabi ni Frank na kakilala siya ni Olga Philia, magkaklase raw ang mga ito sa kolehiyo noon at madalas na may pictures na magkasama. Nandito lang din sa Bulacan ang bahay niya.”
Muling hinawakan ni Ethan ang kamay niya at naglakad na sila pabalik sa kanyang sasakyan. Hindi ganoon katagal ang naging byahe nila hanggang sa makarating sa bahay ni Dolores Isaig.
“Olga Philia,” sambit ni Dolores habang nakaupo sila sa sala nito. Nasa fifties na nito ang babae. “Kilala ko nga siya. Magkaibigan kaming dalawa simula pa high school. Magkasosyo rin kami sa isang negosyo pero nalugi na iyon nang mamatay si Olga. Bakit?”
“Siya ang may-ari ng Heaven’s Door Orphanage na nandito rin sa Bulacan, 'di ba?” tanong ni Jemimah. “Nang atakihin siya sa puso ay hindi na rin nakita ang titulo ng lupang kinatitirikan niyon kaya hindi mabili ng gobyerno. Alam mo ba kung may iba siyang kapamilya na posibleng may hawak sa titulo?”
Bumahid ang pagtataka sa mukha ni Dolores, pinaglipat nito ang tingin sa kanilang dalawa ni Ethan. “Nagkakamali kayo,” sabi nito. “Hindi inatake sa puso si Olga. Mahigit twenty-two years na siguro siyang patay.”
Nagulat sina Jemimah. Hindi iyon ang nakalagay sa records nito sa government agencies. Nakalagay doon na namatay si Olga Philia ten years ago dahil sa heart attack.
“Paano mo nalaman 'yon?” seryosong tanong ni Ethan.
“Magkalapit lang ang bahay namin noon ni Olga dito rin sa Bulacan. Ipinagbili ko lang ang bahay at lupa namin doon dahil kailangan ko ng pera.” Sandaling huminto si Dolores, inaalala ang nangyari noon. “Nakitang patay si Olga sa bahay niya, puno ng saksak ang katawan. Wala siyang ibang kamag-anak o kaibigan. Ang mahalaga lang kasi kay Olga noon ay ang pagpapayaman. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa imbestigasyon, kung ninakawan ba siya o pinatay lang.”
“May alam ka ba tungkol sa Heaven’s Door Orphanage?” tanong naman ni Jemimah.
Umiling si Dolores. “Walang nababanggit si Olga noon na orphanage na pinapatakbo niya. Pero alam ko na kay Olga ang lupang kinatitirikan niyon. Minsan akong napadaan sa lugar na 'yon. Hindi ba matagal nang nabili iyon?”
“Sino'ng nakabili?”
“Hindi ko alam.” Bumuntong-hininga si Dolores. “Narinig ko lang. Wala akong alam sa nangyari sa mga negosyo ni Olga. Parang lahat ay naglaho na parang bula nang mamatay siya.”
Sandaling napaisip si Jemimah. “Sinabi mo na matagal mo nang kilala si Olga Philia. Wala ka bang alam kung may kapamilya siya, kamag-anak? Mga taong malalapit sa kanya na nakikita mo?”
“Ang alam ko may anak siya,” tugon ni Dolores. “Minsan kong nakikita ang isang batang babae noon sa bahay niya na nakasilip sa bintana. Nakausap ko siya at sinabi niyang anak nga siya ni Olga.”
“Walang naka-rehistrong anak si Olga Philia sa profile niya,” sabi ni Ethan.
“Tinanong ko rin kay Olga ang tungkol sa batang 'yon,” dugtong ni Dolores. “Sinabi nga niya na hindi ito naka-rehistrong anak niya. Hindi na ako nagtanong dahil parang ayaw niyang pag-usapan. Hindi niya rin ipinapakilala ang batang 'yon sa iba na para bang ikinahihiya niya.” Umiling ito. “Hindi ko na rin nakita ang batang 'yon simula nang namatay si Olga.”
Kinuha ni Jemimah ang cell phone para hanapin doon ang picture ni Divina Dorado noong nasa high school ito. Mabuti na lang at nakakuha ng mga ganoong pictures si Frank.
“Ito ba ang batang tinutukoy niyo?” tanong ni Jemimah, ipinakita sa babae ang picture. “She was a little bit older here.”
Pinakatitigan ni Dolores ang larawan sa loob ng ilang sandali bago ito ngumiti. “Siya nga. Tanda ko pa ang nunal niya sa tungki ng ilong. Napakagandang bata, may pagkakahawig sila ni Olga. Alam niyo ba kung nasaan na ang batang 'yan?”
“She’s dead.”
Nagulat si Dolores pero tumango-tango rin. “Napakaikli talaga ng buhay sa mundong ito.”
“Alam mo ba kung nahuli ang pumatay kay Olga Philia noon?” tanong ni Ethan makalipas ang ilang sandali.
“Hindi. Wala akong narinig. Wala rin namang pamilya si Olga na tututok sa imbestigasyon ng pagkamatay niya. Mas marami pa ang interesado sa kung saan mapupunta ang mga kayamanan niya.” Mahinang napatawa si Dolores. “I guess her lawyers took care of it. O baka ipinamana sa anak niya. Hindi ko alam.”
“Ano'ng klase ng tao si Olga Philia, Dolores?” naisipang itanong ni Jemimah.
Sandaling nakatitig lang sa kawalan ang babae bago sumagot. “Napakatahimik niyang tao. Naging kaibigan ko siya dahil ako ang lumalapit sa kanya noon. Katulad ng sinabi ko, mas mahalaga sa kanya ang pera at kayamanan. Hindi ko alam kung nasaan ang pamilya niya noon. She never talked about her private life or her other businesses.” Yumuko si Dolores. “Ngayon na itinanong niyo 'yan. Hindi ko alam kung kilala ko ba talaga siya. Sinasabi ko lang ang mga nakita ko sa kanya noon.”
Nagpasalamat si Jemimah dito bago nagpaalam. Pagkabalik nila sa loob ng sasakyan ay napahawak siya sa ulo. Hindi niya mapaniwalaan ang lahat ng narinig. “Olga Philia’s information was tampered,” aniya. “Siguradong ganoon din ang investigation sa pagkamatay niya kaya hindi natin nakita.”
“Posibleng si Destroyer ang pumatay kay Olga Philia,” seryosong sabi ni Ethan. “At kinuha niya si Divina Dorado para gawing kauna-unahang puppet. It’s also possible that all the money and properties of Olga was transferred to Divina, legally or illegally. Kaya naging madali lang para sa kanya ang makapagtayo ng maraming businesses. Kaya nakuha ni Destroyer ang lupa na kinatatayuan ng Heaven’s Door Orphanage. Posible na na kay Destroyer ang titulo ng lupang iyon dahil patay na rin si Divina.”
Everything made sense now. Si Divina Dorado ang kauna-unahang puppet ni Destroyer. At ginamit nito ang lahat ng kayamanan ni Olga Philia para mabuo ang sariling misyon, para maitayo ang sariling impyerno.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon