Chapter 47

1.1K 54 2
                                    

Crow Overtaker
LUMABAS si Crow sa sasakyan nang makita ang ilang ulit na pagsaksak ni Andy de Leon sa asawa nitong ilang beses na nagtaksil dito. Ibinagsak ni Andy ang hawak na kutsilyo sa lupa. Naroroon sila sa isang parke kung saan dinala ni Andy ang asawa para patayin sa halip na bigyan ng pera. Walang tao doon dahil malalim na ang gabi.
Ang mag-asawang ito ang panibago niyang mga biktima. Akala siguro ng mga nag-iimbestiga sa kanya na hindi siya makakahanap ng target dahil kinuha ng mga ito ang website niya. Nagkakamali ang mga ito.
“A-ano'ng... a-ano'ng ginawa ko?” narinig niyang tanong ni Andy. Bumagsak ito ng upo sa lupa, nakahawak ang mga kamay sa magkabilang ulo.
Pinakatitigan ni Crow ang babaeng naliligo na sa sariling dugo. “Tama lang ang ginawa mo, Andy,” wika niya. “Ilang beses ka nang pinagtaksilan ng asawa mong ito. Nagpapakahirap ka sa iyong trabaho sa malayong lugar pagkatapos ay ginagamit lang naman pala ng asawa mo ang pera sa mga lalaki niya.”
Kinuha ni Crow ang pocket knife na nasa itim na bag, sinulyapan si Andy na nakayuko pa rin. Nilapitan niya ang babaeng pinatay nito para putulin ang hinliliit, ipinasok niya iyon sa jar na nasa loob ng bag.
Inabot niya ang kutsilyong ginamit ni Andy bago iyon inilagay sa paanan ng lalaki. “Dapat nating tapusin ang mga nagpapahirap sa atin, ang mga kaguluhan sa isipan natin.”
Tumingin sa kanya si Andy, puno ng takot ang mga mata. “P-pinatay ko siya. H-hindi ko napigilan ang sarili ko. M-mamamatay-tao ako!” Inabot nito ang kutsilyo at itinapat sa sariling leeg. “Mamamatay-tao ako!”
Nakatitig lamang si Crow sa lalaki. “Free yourself, Andy. Mawawala ang lahat ng sakit na 'yan kapag—”
Napatigil siya sa pagsasalita nang biglang ibinaba ni Andy ang kutsilyo. Umiling-iling ito. “H-hindi ko g-gustong mamatay. H-hindi ko gustong iwanan ang mga anak namin.” Mabilis itong tumayo, ibinagsak sa lupa ang kutsilyo.
Nag-igtingan ang mga panga ni Crow. “Hindi tamang mag-dalawang-isip ka, Andy. Isa ka nang mamamatay-tao kaya—”
“Ikaw ang may kasalanan nito!” sigaw ng lalaki. “Inutusan mo akong patayin siya!”
Humugot ng malalim na hininga si Crow para kalmahin ang sarili. Pasimple niyang ipinasok ang isang kamay sa itim na bag para kunin ang pocket knife doon.
Pero napansin ni Andy iyon at mabilis siyang nilapitan. Ipinulupot nito ang mga kamay sa kanyang leeg. “Papatayin mo ako! Hayup ka!”
Hinawakan ni Crow ang mga kamay ng lalaking nasa leeg niya, pilit tinatanggal iyon pero dahil mahina siya ay walang nagawa.
Nanlaki ang mga mata ni Andy nang makita ang paghihirap niya. “H-h-hindi ako masamang tao,” nanginginig na sabi nito. Inundayan siya nito ng malakas na suntok sa sikmura.
Bumagsak si Crow sa lupa, namimilipit sa sakit. Kinapkap ni Andy ang bulsa ng pantalon niya para kunin ang susi ng kanyang sasakyan. Gustong lumaban ni Crow pero hindi sumusunod ang katawan.
Sinundan niya ng tingin si Andy na tumakbo patungo sa kinapaparadahan ng kanyang sasakyan para tumakas. Napahawak sa dibdib si Crow, nahihirapan sa paghinga.
Pilit niyang inabot ang itim na bag para kunin doon ang isang bote ng gamot. Kumuha siya ng dalawang piraso ng pills at mabilis na ininom iyon. Bumagsak ng higa si Crow sa lupa at tumitig sa madilim na kalangitan. Wala ni isang bituin doon. Natatakluban din ng ulap ang liwanag ng buwan.
Umismid siya. Ganito kadilim din ang buhay niya noon. Walang liwanag. Walang pag-asa. Kung hindi dumating si Destroyer noon para iligtas siya ay matagal na siyang wala sa mundong ito.
Inilipat ni Crow ang tingin sa tabi. Hindi kalayuan ay naroroon ang bangkay ng asawa ni Andy de Leon. Nakamulat pa ang mga mata nito, bahagyang nakabuka ang bibig na nilabasan na rin ng dugo.
Itinaas niya ang mga kamay. Crow failed this time. Hindi inaasahan ni Crow na may taong magdadalawang-isip na makinig sa kanya.
Maingat na naupo si Crow nang umayos ang pakiramdam niya. Napakahina niya talaga. Tumayo na siya at naglakad palayo sa lugar na iyon. Kailangan niyang hanapin si Andy de Leon at patayin. Hindi siya basta-basta magpapatalo. Ipapakita niya na siya ang pinakamagaling sa lahat ng mga alagad ni Destroyer. Siya lang maiiwan na pagkakatiwalaan nito.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon