Chapter 5

1.2K 59 1
                                    

Antonio Morales
MAHIGIT tatlong taon na mula nang makilala nina Antonio si Jordan Maxwell. Simula noon ay palagi na silang tatlo ang magkakasama. Sa pagdaan din ng mga araw, mas lalong tumitindi ang inggit ni Antonio para kay Jordan. Lalo na tuwing binabanggit ito ni Candice kahit silang dalawa lamang ang magkasama.
“Alam mo ba na nakapasa na si Jordan sa police training niya?” masayang balita ni Candice habang naglalakad sila. Inihahatid niya ito pauwi sa bahay nito. “He’s great, right? Balang-araw magiging isang mahusay na pulis siya at marami pang tao ang maililigtas niya.”
Tahimik lamang si Antonio na nakikinig. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang paghanga ni Candice kay Jordan Maxwell na ang tanging ginagawa lang naman ay tumulong na mahuli ang masasamang mga tao. Hindi ba dapat ay pinuputol na ng tuluyan ang buhay ng mga masasamang taong iyon?
“Sinabi niya sa akin na gusto niyang makapagbigay ng katarungan sa mga taong nangangailangan niyon,” pagpapatuloy ni Candice. “Minsan nakakasama mo siya, hindi ba? Mukhang masaya si Jordan tuwing magkasama kayo. Sinabi niya na ikaw ang matalik niyang kaibigan. Kinukuwento niya na palagi mo siyang nililibre. Ang yaman talaga ng Tita Maricar mo, ano?”
Tumango si Antonio. Hindi pa rin alam ng mga ito na hindi niya tiyahin si Maricar. Siguradong kamumuhian siya ni Candice kapag nalaman kung ano ang silbi niya para kay Maricar Morales. May sakit na si Maricar kaya hindi na makapaghintay si Antonio na mamatay ito at maangkin niya ang lahat ng kayamanan. Kapag nakita ni Candice ang kayamanang makukuha niya, siguradong siya naman ang pupurihin nito.
Tumigil sila sa tapat ng bahay nito. “Salamat uli sa paghatid, Antonio.” Ngumiti si Candice. “Malapit na ang Pasko, inimbitahan ko si Jordan na dito mag-celebrate sa bahay dahil mag-isa lang din naman siya. Kapag may oras ka, dumaan ka rin, ha? Marami akong iluluto.”
“Ano'ng gusto mong regalo sa Pasko?” tanong ni Antonio. “Ibibigay ko ang kahit ano.”
“Kahit ano,” natatawang sagot ni Candice. “Palagi mo akong binibigyan ng regalo sa lahat ng okasyon at mukhang mga mamahalin pa. Masaya naman ako kahit simpleng pagbati lang. Sige na, umuwi ka na.”
Tumalikod si Antonio. Hahanap siya ng magandang regalo na magugustuhan ni Candice. Kahit gaano pa kamahal ay bibilhin niya. Ipapakita niya sa babae na siya lamang ang dapat nitong tingnan. Na mas marami siyang maibibigay dito kaysa kay Jordan Maxwell...
MABIBILIS ang mga hakbang ni Antonio papunta sa bahay ni Candice nang gabing iyon. Bisperas na ng Pasko at hawak-hawak niya ang regalong ibibigay para sa babae. Pero pagkatapat sa gate ng bahay ni Candice ay nabitawan niya ang regalo dahil sa nakita.
Nasa labas ng pinto ng bahay nito si Candice kasama si Jordan at naghahalikan ang mga ito, magkayakap. Hindi maipaliwanag ni Antonio ang nararamdamang paninikip ng dibdib nang mga sandaling iyon. Galit ba iyon? Sakit? Hindi niya alam. Gustong-gusto niyang lapitan ang dalawa at patayin. Iyon lamang ang tumatakbo sa kanyang isipan.
Tumigil sa paghahalikan ang mga ito. Napatingin sa kinatatayuan niya si Candice, bahagyang lumayo kay Jordan. “Antonio...” Pinunasan nito ang mga labi. “Nandito ka pala.”
Lumapit sa kanya ang babae, tiningnan ang regalong nahulog sa lupa. “Para sa akin ba 'to?” Pinulot iyon ni Candice, ngumiti. “Salamat ng marami.”
Sumunod naman si Jordan sa paglapit, inakbayan si Candice. “Pare, hindi ko alam na pupunta ka rin dito.” Ngumisi ito. “Tamang-tama, ibabalita ko na girlfriend ko na si Candice. Sinagot niya na rin ako, sa wakas.”
Naiinis na hinampas ni Candice ang dibdib ni Jordan. “Sinagot? Hindi ka naman nanligaw.”
Malakas na napatawa si Jordan. “Alam ko naman kasi na mahal na mahal mo ako simula pa noong una mo akong makilala.”
Pinamulahan ng mukha si Candice. Niyakap nito si Jordan at isinubsob ang mukha sa dibdib.
Hinalikan ni Jordan ang ulo ng babae. “Mahal na mahal din kita.” Ibinalik ng lalaki ang tingin sa kanya. “Kapag nakaipon na ako, pare, papakasalan ko na ang babaeng 'to para hindi na makawala. Ikaw dapat ang bestman, ha?”
Sumulyap sa kanya si Candice. “Pumasok ka muna sa loob, Antonio. Marami akong nilutong pagkain.”
“Hindi na,” sagot niya sa malamig na tinig. “Kailangan ko ring umuwi sa bahay dahil may iniluto rin ang Tita ko.”
Hindi na hinintay ni Antonio ang pagsagot ng mga ito at naglakad palayo. Kung hindi siya lalayo ay siguradong mapapatay niya ang dalawang tao na sumira sa kanyang pangarap.
Pagkabalik sa bahay, kinuha niya ang sariling Bibliya sa loob ng drawer. Marahan iyong hinaplos ni Antonio bago binuklat. Sa likod ng front cover ay naka-tape doon ang mga pakong ginamit ni Father Jude para maipako siya.
Inagaw sa kanya ni Jordan Maxwell ang babaeng gustong ma-angkin. Kahit ano'ng gawin niya ay ang lalaking iyon lang ang nakikita ni Candice. This world had rejected him once again.
Tumayo si Antonio at tumapat sa isang salamin. Pinakatitigan niya ang kalamigan sa mga mata. He would reject this world. He would destroy this world. He would be better than Jordan Maxwell. Magliligtas din siya ng mga tao sa kasamaan ng mga ito. Gagawin niya iyon sa pamamaraang tama para sa kanya...
NAKASUNOD lamang ang tingin ni Antonio sa babaeng nagngangalang Olga Philia. Nakilala niya ito dahil kaibigan ni Maricar Morales. Ilang buwan na mula nang namatay si Maricar dahil sa sakit nito, siya naman ay nagtatrabaho na sa Army. Sa kanya naiwan ang lahat ng kayamanan ni Maricar. Ngayon na marami na siyang pera, ang kailangan niya na lang makuha ay kapangyarihan. Kapag nagawa iyon, wala nang makakahanap sa kanya kahit ilang krimen pa ang gawin. This world was all about money and power.
Nagkaroon siya ng interes kay Olga Philia dahil sa nakikitang papalit-palit na lalaking kasama nito tuwing bumibisita kay Maricar. Minsan ding naikuwento sa kanya ni Maricar na isa itong prostitute at sa mga lalaking nakakatalik nito nanggagaling ang lahat ng kayamanang mayroon ngayon.
Sa ilang linggong pagsubaybay sa bahay ni Olga, nalaman ni Antonio na may itinatago itong isang batang babae. Madalas niyang nakikita na nakasilip sa isang maliit na bintana ang bata. Napakapayat nito at puno ng sugat ang katawan. Olga Philia must be abusing that child. Mas lalong nadagdagan ang interes niya para kay Olga dahil doon.
Lumapit si Antonio kay Olga nang makatapat ito sa pinto ng bahay. Nahulog ng babae ang susi na kanyang pinulot. “Oh, thank you,” sabi ni Olga sa lasing na boses.
Kumunot ang noo nito nang makilala siya. “Hindi ba ikaw ang... ang kasama noon ni Maricar sa bahay niya. Ano'ng ginagawa mo dito?”
“Napadaan lang ako at nakilala kita.” Ngumiti si Antonio. “Nag-alala ako na baka nahihilo ka kaya lumapit na ako. Napakaganda mo pa rin, Olga. Sayang at hindi kita nakilala noong bumibisita ka pa sa bahay ni Maricar.”
Tumawa si Olga, hinaplos-haplos nito ang braso niya. “You’re turning me on, young man. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit baliw na baliw sa'yo si Maricar.”
Ipinulupot ni Antonio ang mga kamay sa baywang ng babae, sinimulang halikan ang leeg nito. “Ang bango mo,” bulong niya. He was already used to this. Alam na alam niya na kung paano magpanggap, magsuot ng iba’t ibang maskara para mapagkatiwalaan ng mga tao.
Marahang hinampas ni Olga ang balikat niya. “Pumasok muna tayo sa loob, Antonio. Doon mo ituloy ang gusto mong gawin.” Binuksan na nito ang pinto ng bahay at pumasok.
Nakasunod lang naman si Antonio dito. He locked the door. Sinimulan nang hubarin ni Olga ang mga damit nito, nakatalikod pa rin sa kanya.
“Tamang-tama, hindi ako nasiyahan sa matandang 'yon na nakatalik ko kanina,” sabi pa ni Olga. “Paligayahin mo ako ngayong gabi, hijo.”
“Gagawin ko kung ano'ng gusto kong gawin,” nakangising sabi niya, inilabas ang pocket knife sa bulsa ng pantalon.
Humarap sa kanya si Olga. Mabilis na lumapit si Antonio dito at isinaksak ang patalim sa parteng tiyan ng babae. Nanlaki ang mga mata nito. Umatras si Olga, hawak ang tiyan na may saksak. Napabagsak na ito sa sahig, pinilit na gumapang papalayo sa kanya.
“H-h-huwag...” pagmamakaawa ni Olga. “H-huwag mo akong p-patayin... m-maawa ka...”
Nilapitan ni Antonio ang babae at sinabunutan ito. Itinapat niya ang hawak na kutsilyo sa leeg ni Olga. “Ano'ng sinasabi mo?”
Napaiyak na si Olga, makikita ang takot sa mga mata nito. “H-h-huwag mo akong patayin... p-parang awa mo na.... h-huwag...”
“Gusto mong mabuhay?” Tumawa si Antonio. “Mabuhay? Maayos din kung magpupumilit kang mabuhay, kung magmamakaawa ka na mabuhay. It will be more fun for me.”
“H-h-hayup ka,” mariing sabi ni Olga. “A-ano'ng g-ginawa ko sa'yong, hayup ka?”
“Ginawa?” Isinaksak niya ang kutsilyo sa dibdib ng babae. “Isa kang masamang tao na nakikipagtalik sa iba’t ibang mga lalaki. Isa kang babaeng bayaran!” Inulit ni Antonio ang pagsaksak dito. “Hindi ka marunong sumunod sa utos.”
Galit na galit niyang tinadtad ng saksak ang babae hanggang sa malagutan ito ng hininga. Punong-puno na ng dugo ang mukha at damit ni Antonio. Tumayo siya at pinakatitigan ang bangkay ni Olga na naliligo sa sariling dugo.
Iginala ni Antonio ang paningin sa loob ng malaking bahay, naglakad-lakad. Sigurado siya na may nakikitang bata dito noon. Nasaan na ito?
Napasok na ni Antonio ang lahat ng kuwarto pero walang nakita. Napatigil siya sa kusina nang mapansin ang isang pinto. Binuksan niya iyon at nakita ang hagdan pababa.
Pagkababa ni Antonio ay agad na sinalubong siya ng mabahong amoy. Inabot niya ang switch ng ilaw, nagliwanag ang buong basement. Doon nakita ni Antonio ang isang batang babae na nagsusumiksik sa sulok. Nakatingin ang nanlalaking mga mata nito sa kanya, natatakot.
Napakaraming kalat sa sahig, mga balat ng instant foods, maging ang mismong dumi ng batang babae ay naroroon. May mga nagtatakbuhan din na daga, ipis.
Nilapitan ni Antonio ang batang babae at nakita ang mga sugat nito. “Bakit ka nagtatago dito?” tanong niya.
“Bakit ka nandito? Dito ako nakatira,” sabi ng bata. “Sasaktan mo rin ba ako?”
Lumuhod si Antonio sa sahig. “Sino ang nananakit sa'yo? Sabihin mo sa akin.”
Marahas na ini-iling ng bata ang ulo.
“Huwag kang matakot, hindi kita sasaktan. Hindi ka na rin masasaktan ng kahit na sino.”
Muling tumingin sa kanya ang bata. “H-hindi na ako sasaktan ni Nanay? Makakakain na ako ng pagkain?”
“Gusto mo ba ng masarap na pagkain?” tanong ni Antonio. “Gusto mo bang lumabas dito?”
Sunod-sunod ang pagtango ng bata, kumislap ang mga mata. “Hindi na ako ikukulong ni Nanay? Hindi na siya galit sa akin dahil naging anak niya ako?”
“Nasaan ang tatay mo?”
“Patay na raw siya sabi ni Nanay. H-hindi ko na maalala si Tatay. Hindi ko na matandaan kung ano'ng itsura niya.” Napaiyak na ang bata. “A-ayoko na dito. S-sinasaktan ako ni Nanay kapag... kapag bumababa siya. Sinabi niya na iyon lang ang maitutulong ko para... para mabawasan ang sakit ng ulo niya. A-ayaw niya akong palabasin kasi... kasi hindi daw puwedeng malaman na may anak na siya.”
“Wala na siya,” malamig na wika ni Antonio. “Tinapos ko na ang kasamaan ng Nanay mo kaya puwede ka nang lumabas. Puwede mo nang makita ang mundo. Puwede mo nang ipakita sa mga tao ang sakit na pinagdaanan mo.”
Nakatingin lamang sa kanya ang bata. Alam niyang hindi pa nito maintindihan ang lahat.
Inilahad ni Antonio ang kamay sa harapan nito. “Halika, sumama ka sa akin. Gagawin nating maayos ang buhay mo, kukunin natin ang kayamanan ng iyong ina na karapat-dapat lang mapunta sa'yo. Pagkatapos ay samahan mo ako sa aking misyon.”
Inilipat ng bata ang tingin sa kamay niyang may sugat. “Ano'ng misyon?”
“Ang linisin ang mundong ito sa mga masasamang tao na katulad ng ina mo.” Ngumiti si Antonio. “Tuturuan kita ng lahat ng dapat mong malaman. Ililigtas kita sa paghihirap na ito.”
Inabot ng bata ang kanyang kamay at tinulungan ito ni Antonio na makatayo. Napakapayat ng bata kaya nahirapan pang maglakad. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa maliit na kamay nito.
“Ano'ng pangalan mo?” tanong ng bata.
Sandaling natigilan si Antonio bago sumagot. “Destroyer. Puwede mo akong tawaging Destroyer. At ikaw, ano'ng pangalan mo?”
“Divina.” Ngumiti ang bata. “Marami na ba akong makakain sa labas?”
Tumango si Antonio. “Tandaan mo, Divina. Kailangan mong maging mas malakas simula ngayon. Maging makapangyarihan. Maging matapang at matatag na kahit ang demonyo ay katatakutan ka...”
Simula noon ay tinulungan na siya ni Divina sa kanyang misyon. Alam ni Antonio na naiintindihan siya nito dahil pareho silang itinakwil ng mundo...
NAKATITIG lamang si Antonio kay Candice na nakahiga sa hospital bed nito habang nasa tabi ang pangalawang anak nito at ni Jordan. Pinagalanan ng mga itong Anna ang bagong anak na babae.
Tinapik ni Jordan ang kanyang balikat. “Salamat, pare, sa pagbisita.” Tumingin din ito sa asawa niyang si Claudine na kasama sa pagbisita sa mga ito. “Sa'yo rin, Claudine.”
Nakilala ni Antonio si Claudine sa isang lugar na pinuntahan niya noon. Dahil kailangan niyang magkaroon ng normal na buhay ay pinilit ang sarili na magpakasal dito at gumawa ng pamilya. Sa ganoong paraan, makikita ng lahat na isa rin siyang ordinaryong tao.
“Papa, lalabas lang ako sandali,” narinig nilang sabi ng panganay na anak ni Jordan na si Ethan.
Tinitigan naman ni Antonio si Ethan Maxwell. Kamukhang-kamukha ito ni Jordan. Anak niya dapat ito kung siya ang naka-angkin kay Candice. Ang lahat ng kasiyahang ito na nakamit ni Jordan ay sa kanya dapat.
“May bago ka bang kasong hinahawakan ngayon, Jordan?” tanong ni Claudine.
“Marami kaming kasong hawak.” Tumawa pa ang lalaki. “May mga bagong serial killing cases ngayon na kailangang mapatigil kaagad. Pero kaya naman namin 'to.”
Hindi maintindihan ni Antonio kung bakit palaging nakangiti si Jordan Maxwell. He was always happy. At alam niyang iyon ang dahilan kung bakit mas pinili ito ni Candice. Gustong-gustong tanggalin ni Antonio ang ngiti sa mga labi ni Jordan. Gustong-gusto niya itong makitang nagdurusa. Bakit ba hindi patas ang mundong ito? Bakit hindi siya binigyan ng ganoong klase ng kasiyahan?
Nanatili lang na tahimik si Antonio hanggang sa makapagpaalam sila. Matapos maihatid sa bahay nila si Claudine ay nagpaalam siya na mayroong kailangang asikasuhin.
Bumiyahe si Antonio papuntang Bulacan kung saan naroroon ang orphanage na pag-aari niya pero nakapangalan sa ina ni Divina na si Olga Philia. Madali lang para sa kanya ang magbayad ng mga tao para mapeke ang lahat ng impormasyong kakailanganin niya.
Pagkarating doon ay dumeretso siya sa bahay kung saan naroroon ang mga batang inampon, mga batang gagawin niyang tagasunod. Mga batang gagamitin niya para malinis ang mundong ito.
Nagtaka si Antonio nang mapansin na wala doon ang batang babae na nakuha niya noon – si Janela. “Nakita niyo ba kung nasaan si Janela?” tanong niya sa mga batang naroroon. Nakasuot siya ng itim na maskara tuwing bumibisita rito. Makikita lamang ng mga ito ang kanyang mukha kapag oras na para tulungan siya.
“N-nakita ko siyang lumabas kagabi,” sabi ni Jayden Sullivan. “Sinabi niyang maglalaro siya sa labas, hindi pa siya bumabalik hanggang ngayon.”
Kumunot ang noo ni Antonio. Hindi puwedeng matakasan siya ng mga batang ito. Lumabas siya ng bahay at iginala ang paningin sa paligid. Napansin niya na bahagyang nakaangat ang barbed wire na nakapalibot sa buong bahay.
Nagpatuloy sa paglalakad si Antonio hanggang sa makarating sa parte na may bangin. Napansin niya ang tsinelas na naiwan doon at mga bakas na may nahulog.
Sandali niyang ipinikit ang mga mata. Sinabi niya sa mga batang ito na huwag lalampas sa fence ng bahay.  Kinuha niya ang tsinelas na siguradong pag-aari ni Janela Ordillas. Tiningnan ni Antonio ang rumaragasang tubig sa ilog na nasa ilalim. Imposibleng mabuhay pa ang kung sinomang mahuhulog doon.
Nakakapanghinayang na nabawasan siya ng mga batang makakasama sa kanyang misyon. Dapat siguro ay i-lock niya na ang buong bahay kapag umaalis siya para wala nang makatakas sa kanya...

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon