Chapter 20

1.2K 60 2
                                    

Ruth Cejas
NAKATITIG lamang si Ruth sa harap ng kanyang cell phone habang hinihintay ang mensahe mula sa bago niyang kaibigan na nagngangalang Crow Overtaker. Ito lang ang nakakaintindi sa pinagdaraanan niyang sakit ngayon.
Mahigit dalawang linggo na nang maghiwalay sila ng boyfriend niyang si Mario Mantilla. Ito ang nag-iisa niyang naging nobyo, ang nag-iisang pinagkatiwalaan ng buong puso, katawan at pagkatao. They had been together for almost six years. Pero kung hindi niya pa pinakailaman ang cell phone nito, hindi niya pa malalaman na matagal na rin pala siya nitong niloloko.
Ibinigay niya ang lahat-lahat kay Mario. Minahal niya ito ng higit pa sa sarili pero sinaktan lang siya nito! Ipinagpalit sa ibang babae. Hindi kaya ni Ruth ang sakit na nararamdaman. Hindi niya kayang mawala si Mario. Ito na ang buhay niya.
Ibinalik ni Ruth ang tingin sa cell phone nang marinig ang pagtunog niyon. It was a call from Crow. Mabilis niyang sinagot iyon.
“Kumusta, Ruth? Nakausap mo ba uli si Mario?” tanong ni Crow sa kabilang linya.
Napaiyak na naman si Ruth. “S-sinubukan kong puntahan siya sa... sa bahay nila ng... ng babaeng ipinalit niya sa'kin katulad ng sinabi mo. Pero... pero ipinagtabuyan niya lang ako. S-sinabi niyang hinding-hindi na siya babalik sa akin.” Napahagulhol na siya. Napakasakit. Pakiramdam ni Ruth ay may mga libu-libong kutsilyo ang tumatarak sa puso niya. Ang tanging gusto niya lang ay magpahinga sa lahat ng ito.
“Ano na ang gusto mong mangyari?”
Marahas na ini-iling ni Ruth ang ulo. “H-hindi ko alam. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Mahal na mahal ko si Mario. T-tulungan mo ako. Parang awa mo na, tulungan mo ako.”
“Ano'ng gusto mong gawin ko?”
Mahabang sandaling natahimik si Ruth. Alam niya na hindi mapapabalik ni Crow si Mario sa kanya. “Take away my pain,” nanghihinang wika niya. “Ang sakit-sakit na. Hindi ba nakalagay sa website mo na kaya mong baguhin ang lahat? Kaya mong alisin ang paghihirap namin.”
“I’ll be there, Ruth,” sagot ni Crow. “Tutulungan kita.”
Bahagyang nabawasan ang paghihirap ni Ruth dahil sa narinig. Sapat na ang malaman na may nakahandang dumamay, tumulong sa kanya. Ang malaman na mawawala rin ang sakit at paghihirap na bumabalot sa kanyang buong pagkatao.
Natapos na ang tawag. Hinintay ni Ruth na dumating si Crow. Kailangan niya ng taong magpapayo sa kanya. Nagtitiwala siya kay Crow na aalisin nito ang paghihirap niya.
Ilang oras siyang naghintay. Kanina pang hindi kumakain ng kahit ano si Ruth. Simula nang maghiwalay sila ni Mario ay napabayaan na rin ang sarili.
Napapitlag si Ruth nang makarinig ng pagkatok mula sa pinto ng kanyang bahay. Tumayo siya at binuksan iyon.
“Crow?” tanong niya.
“Puwede ba akong pumasok, Ruth? Para maituloy natin ang pinag-uusapan natin kanina sa tawag.”
Mabilis na tumango si Ruth, niluwangan ang pagkakabukas ng pinto para papasukin ang bisita. Alam niya na isa itong estranghero pero wala nang pakialam. Wala nang ibang makakatulong sa kanya. Matagal na siyang itinakwil ng mga magulang dahil pinili niyang makipag-relasyon noon kay Mario kaysa ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Napakarami niyang isinakripisyo para kay Mario. Pero ano'ng ginawa nito sa kanya?
Naupo si Crow sa isang upuan. “Hindi ka na niya mahal, tama ba? Pinaglaruan ka lang niya. Sinaktan.”
Lumuhod si Ruth sa sahig, sa harap ng kinauupuan ni Crow. “Mahal na mahal ko siya,” pumiyok pa siya. “Bakit niya ginawa sa akin ito? Wala naman akong naging pagkukulang. S-sinabi niya na hindi niya ako sasaktan... na ako lang ang mamahalin niya.”
Hinaplos ni Crow ang kanyang pisngi. “Hindi lang dapat ikaw ang nasasaktan.”
Nakatitig si Ruth sa mga mata ni Crow. Naiintindihan siya nito. Matutulungan siya nitong makalaya sa paghihirap na ito.
Binuksan ni Crow ang dala nitong isang itim na bag. Nagulat si Ruth nang makita ang isang baril doon. “Huwag kang matakot,” wika ni Crow. “Everything will be fine. You just need to listen to me.”
Kahit nakakaramdam ng takot ay nakinig pa rin si Ruth.
“Huwag mo hayaang ikaw lang ang nagdurusa,” wika ni Crow habang hinahaplos ang baril na hawak. “Ipaalala mo sa kanya ang mga pangako niya. Promises shouldn’t be broken. Dapat pinaparusahan ang mga hindi tumutupad sa pangako.”
Napahikbi si Ruth. “G-gusto mong p-patayin ko si Mario?”
Tumango si Crow, may lungkot sa mga mata. “Alam kong mahirap. Pero gugustuhin mo ba na magpakasaya siya, na dagdagan niya pa ang pagdurusa mo? Mas mahihirapan ka pa. Mas masasaktan ka pa.”
Napahawak sa magkabilang ulo si Ruth. “A-ayoko... a-ayoko nang masaktan pa. A-ayoko na ng sakit na ito.” Malakas niyang pinagpupukpok ang naninikip na dibdib.
Pinigilan ni Crow ang kamay niya. Ipinahawak nito sa kanya ang baril. “May madaling solusyon sa lahat ng problema natin, Ruth. At ang pinakamadaling solusyon na iyon ay nakakatakot. Pero kung hindi mo gagawin, magtatagal lang ang sakit na 'yan.”
Hindi niya gustong magtagal pa ang sakit at paghihirap na ito. Hinigpitan ni Ruth ang pagkakahawak sa baril. Siya mismo ang tatapos sa paghihirap at sakit na nararamdaman. Magiging malaya na siya sa lahat ng ito.
Hindi na pinatagal ni Ruth ang lahat. Nang gabi ring iyon ay nagtungo siya sa bahay na tinutuluyan ngayon ng dating boyfriend na si Mario. Alam niya na wala doon ang babaeng kinakasama nito dahil pang-gabi ang trabaho nito sa isang bar.
Sandaling lumingon si Ruth sa likod para tingnan si Crow na nakatayo sa hindi kalayuang poste. Madilim doon pero nararamdaman niya ang pagtitig nito.
Ibinalik ni Ruth ang tingin sa pinto, hinakot ang lahat ng lakas ng loob bago kumatok. Ang kanan niyang kamay na may hawak ng baril ay nakatago sa likod.
Ilang sandali ang dumaan bago bumukas ang pinto. Nakita ni Ruth ang pagkainis sa mukha ni Mario. “Ano na namang ginagawa mo dito?” tanong nito.
Pinakatitigan ni Ruth ang lalaki. Napakarami niyang ibinigay, isinuko para dito. Pero balewala na talaga siya dito ngayon. “Mahal na mahal kita, Mario,” wika niya, pumiyok. Nagpatakan na rin ang kanyang mga luha.
“Hindi na kita mahal, paulit-ulit na lang ba tayo, Ruth?” naiinis na sabi ni Mario. “Ano pa bang—”
“Sinabi mo noon na ako lang ang mamahalin mo,” putol ni Ruth dito, galit. “Mas pinili kita kaysa sa mga magulang ko. Sinabi mo na mamamatay ka para sa akin. Ngayon na magkahiwalay na tayong dalawa, hindi ba tama lang na tuparin mo ang ipinangako mo?”
Hindi na nakapagsalita si Mario nang ilabas ni Ruth ang baril sa pagkakatago, itinutok sa harap ng lalaki. Pinagsamang gulat at takot ang makikita sa mukha ni Mario.
Akmang lalapit ito para agawin sa kanya pero agad na niyang naiputok iyon. Tatlong beses. Sa katawan ni Mario. May silencer ang baril na ibinigay ni Crow kaya walang ingay.
Naibagsak ni Ruth ang hawak na baril nang makita ang pagbagsak ng katawan ni Mario, umaagos na dugo sa kanyang paanan. Natutop niya ang bibig at malakas na napaiyak.
Lumuhod siya sa tabi ng bangkay ng dating nobyo, sinubukan itong iangat, niyakap ng mahigpit. Hinaplos-haplos ni Ruth ang buhok ni Mario, puno na ng dugo ang kanyang damit at mga kamay.
“M-mahal na mahal kita, Mario,” garalgal na wika ni Ruth sa pagitan ng pag-iyak. Pero kailangan kong gawin ito. Kailangan mong tuparin ang ipinangako mo.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon