Chapter 66

1.2K 73 7
                                    

Jayden Sullivan
PUMASOK si Jayden sa loob ng isang sasakyan bago tinanggal ang suot na cap. “May ipag-uutos ka ba?” tanong niya kay Destroyer. Tinawagan siya nito kaninang umaga para makipagkita.
Galit na sinuntok ng lalaki ang manibela ng sasakyan, malakas na napamura. “They got Julius,” sabi nito. Tumingin sa kanya si Antonio Morales. Ito ang Director ng SCIU. Ito si Destroyer na siyang kumupkop sa kanila, na sinusunod nila. “Alam mo ba na nahuli na nila si Julius? At magsasalita siya. Malalaman na nila kung sino ako. Hindi na ako makakabalik sa lugar na iyon. Alam kong alam na ni Marco.”
Ngayon lang nakita ni Jayden ang galit na ito kay Antonio. He was always calm. Siguro ay naipit na nga talaga ang lalaki. Naalala niya na may isang tao rin noon na nakalapit na kay Destroyer – si Jordan Maxwell. Pero dahil mag-isa lamang itong nag-iimbestiga ay agad napatigil ni Antonio.
“May mga ebidensya na ba sila?” tanong niya.
“Marco wouldn’t be that proud if he doesn’t know what he’s doing.” Lumamig na ang emosyon ni Antonio. “Sinabi noon sa akin ni Jordan na mayroon siyang iniwan sa anak niya. Akala ko na kay Ethan iyon. But I’m wrong, siguradong na kay Anna Maxwell iyon. It must be his investigation. Ngayon, hawak na nila si Julius at kapag nagsalita siya ay ako na ang hahabulin nila.” Umismid ito. “Hindi ko inaasahan na mahahawakan ni Marco ang SCIU. Sino ba siya? Isang ordinaryong pulis lamang pero nagyayabang siya ngayon! Simula pa noon, alam ko nang gahaman siya sa posisyon. Dapat ay isinama ko na rin siya kay Jordan.”
“Bakit hindi na lang tayo magtago?” suhestiyon ni Jayden. “Malakas na sila. Tayong dalawa na lang ang naiwan.”
Tumawa ng malakas si Antonio pero tanging kalamigan lamang ang makikita sa itim na mga mata. “Gusto mong sumuko ako? No, Jayden. That will never happen. Hindi ko puwedeng talikuran ang misyon ko.”
Nanatili lang na tahimik si Jayden. Misyon. Tama, may misyon sila. Pero bakit gusto niya nang tumigil? Gustong magtago na lamang?
“I know this will come to end one day,” sabi pa ni Antonio. “Simula nang maloko nila ako na patay na si Ethan, alam kong mayroon na silang planong pabagsakin ako. Maxwell,” umiling-iling ito. “I should’ve killed them all back then. Hindi talaga ako patahimikin ni Jordan. Hindi niya ako gustong tantanan.”
Tumingin sa kanya si Antonio. “Give me your gun, Jayden,” utos nito.
Natigilan si Jayden pero sumunod din naman. Ibinigay niya sa lalaki ang baril na nanggaling din dito noon.
Hinaplos-haplos ni Antonio ang hawak na baril. “I think this will be our last fight. At gusto ko na tulungan mo ako hanggang sa huli.” Sandaling huminto ang lalaki. “Natatakot ka siguro ngayon, Jayden, kaya gusto mong magtago na lang. That is not the right thing to do. Isang kaduwagan ang magtago habang-buhay.”
“Nag-aalala lang ako,” sabi niya.
“Nag-aalala?” Tumingin sa kanya si Antonio. “Do not waste time on emotions, Jayden. Walang kahahantungan 'yan. Pero naiintindihan ko na marunong ka kumilala ng mga emosyon dahil nakatanggap ka naman ng pagmamahal noon, hindi ba? Ikaw, si Julius... kayong lahat na mga inampon ko, binigyan ng bagong buhay, naiintindihan ko na posibleng magbago ang mga isipan niyo. You all just adopted darkness. Pero iba ako. Ipinanganak ako sa kadiliman. Kaya hindi niyo rin maiintindihan kung bakit ako nagkaganito.”
Yumuko si Jayden. Hindi niya na alam kung ano ang sasabihin. This was the first time he experienced a battle in his mind. At hindi niya alam kung ano ang tamang pakinggan.
“Hindi tayo susuko nang walang laban, Jayden,” seryosong sabi ni Antonio. “Isa na lang ang gusto kong gawin ngayon, ang tapusin si Maxwell. Until now, this fight is between me and Jordan.”
May kinuha si Antonio sa loob ng compartment ng sasakyan nito at ibinigay sa kanya. Isa iyong picture ng babae.
“This will be the last one, Jayden,” sabi ni Antonio. “Hihintayin kita sa address na nakasulat sa likod ng picture na 'yan.” Sinabi nito kung paano makukuha ang babae.
Nagpaalam na si Jayden sa lalaki at lumabas ng sasakyan. Sandaling pinakatitigan niya ang babaeng nasa larawan bago bumuntong-hininga. This would be the last one. Kailangan niya lang pigilan ang puso na makaramdam ng emosyon.
Habang nasa biyahe pabalik sa pinagtataguan, nahulog sa malalim na pag-iisip si Jayden. Jordan Maxwell. Naalala niya pa noong isama siya ni Antonio para patayin ang lalaking iyon. Nadamay din ang asawa nito na naroroon.
Si Antonio ang sumaksak kay Jordan Maxwell, maging sa asawa nito. Siya lang ang inutusang pagputol-putulin ang katawan. Alam niyang matagal nang magkakilala sina Antonio at Jordan. Pero dahil sa obssession ng huli sa Destroyer Case kaya namatay ito.
Itinanong minsan ni Jayden kay Antonio noon kung kaibigan nito si Jordan Maxwell. Ang isinagot lamang ng lalaki ay wala itong itinuturing na kaibigan sa mundo. Wala itong pinahahalagahang kahit na sino maliban sa sarili. At gagawin nito ang lahat para hindi matalo ng kahit sinoman.
Pagkapasok ni Jayden sa bahay na pinagtataguan ay agad na sumalubong sa kanya si Lauren, makikita ang kasiyahan sa mga mata nito. “You’re back,” nakangiting wika ng babae. “Nagluto ako ng dinner pero hindi ko alam kung magugustuhan mo ang lasa.”
Inilipat ni Jayden ang tingin sa kama kung saan doon ipinatong ng babae ang mga niluto. Lumapit siya doon at tahimik na kumain. Bakit hindi pa rin tumatakas si Lauren kahit na hindi niya na inila-lock ang pinto? Bakit gusto pa rin nitong manatili sa tabi ng isang halimaw na katulad niya? Bakit siya nito minamahal? Hindi maintindihan ni Jayden. Naguguluhan siya.
“S-saan ka nanggaling? Si Destroyer na naman ba ang tumawag sa'yo?” tanong pa ni Lauren.
Tiningnan ni Jayden ang babae. “Huwag kang makikialam sa Destroyer. Sinabi mong nakatakas ka sa kanya noon, hindi ka na dapat bumalik.” Tinapos niya na ang pagkain bago tumayo.
Hinawakan niya sa kamay si Lauren at hinila palabas ng bahay. Pinapasok niya ito sa loob ng sasakyan na kinuha niya pa kay Julius noon.
“S-saan tayo pupunta?” tanong ni Lauren habang ikinakabit niya ang seatbelt nito. Then Jayden went to the driver’s side, started the car. “May... may nakaalam na naman ba kung saan tayo nagtatago? May gustong pumatay sa atin?”
Hindi ito sinagot ni Jayden at itinuon lang ang atensyon sa pagmamaneho. Hindi na naman nagsalita si Lauren at nakatingin na lang sa labas ng bintana. Madilim na ang paligid.
Palihim na sinulyapan ni Jayden ang babae. Gusto niya itong kausapin pero hindi naman alam kung ano ang sasabihin.
Ilang oras lang ay nakarating na sila sa patutunguhan. Ipinarada ni Jayden ang sasakyan sa gilid ng daan bago nagsalita. “Go out,” utos niya. “Kapag nilakad mo ang daan na 'yan papasok, makakarating ka sa hideout nina Jemimah Maxwell. Huwag ka nang aalis doon.”
Gulat na napatingin sa kanya si Lauren. “G-gusto mo akong u-umalis? P-paano ka? H-hindi ka sasama?” Napaiyak na ang babae. “S-saan ka pupunta, Jayden? May inutos na naman ba sa'yo ang demonyong 'yon?! Bakit mo ako pinalalaya? Ano ang gagawin mo?!”
Inabot ni Jayden ang seatbelt ni Lauren para tanggalin iyon pero pinigilan siya ng babae, may galit na sa mukha nito.
“Hindi kita iiwan, Jayden,” mariing sabi ni Lauren. “Hindi ako aalis sa tabi mo at hayaang sirain ng demonyong 'yon ang buhay mo! Papatayin ka niya.”
“This is my fate, Lauren,” sabi ni Jayden, sapilitan nang tinanggal ang seatbelt nito. “Pinapakawalan na kita kaya ang dapat mo lang gawin ay tumakbo palayo.” Lumabas siya ng sasakyan, umikot patungo sa passenger’s side.
Kahit nagpupumiglas ay sapilitan niyang pinalabas ng sasakyan si Lauren. “N-no! No!” Galit na galit na pinagsusuntok ng babae ang kanyang dibdib. “W-why are you doing this, Jayden? Let me be with you.” Humagulhol na ito ng iyak. “Let me stay with you... p-please. H-huwag mong itaya ang sarili mong buhay para lang sa katulad niya.”
Iniiwas ni Jayden ang tingin dito, hinayaan lang na bumagsak ng upo sa lupa. Humakbang siya palayo pero napatigil nang yakapin ni Lauren ang binti niya, humahagulhol na ito ng iyak.
“J-Jayden... d-don’t go...” pagmamakaawa ng babae. “H-huwag mong gawin 'to sa sarili mo.”
Hinawakan ni Jayden ang mga braso ng babae at sapilitang inalis iyon sa pagkakayakap sa binti niya. “Go and live your life well, Lauren. Ako na ang bahala sa buhay ko.”
Tuluyan nang pumasok uli sa loob ng sasakyan si Jayden at pinaharurot iyon. Napakahigpit ng pagkakakuyom ng mga kamao niya sa manibela. Bakit nakakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na sakit sa puso?
Marahas niyang ini-iling ang ulo. Ito na lang ang magagawa niya para sa babaeng iyon – ang patakasin uli ito. Isa siyang halimaw na walang karapatang angkinin ang isang katulad nito. Hindi niya na matatakasan ang ganitong buhay. Until the very end, he would still be a monster.

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon