Book 0: The Devil's Den Chapter 1

1.5K 65 5
                                    

COLD EYES SAGA BOOK 0: THE DEVIL’S DEN
Antonio Subiera
HAWAK-HAWAK ni Antonio ang nahuling palaka bago lumapit sa mga batang naglalaro hindi kalayuan. Mabilis na nagtakbuhan ang mga bata palayo sa kanya nang makita ang hawak niya. Lumapit ang mga ito sa kanya-kanyang bantay na tiningnan siya ng masama.
Nagyuko ng ulo si Antonio, pinakawalan na ang palaka at naupo na lang sa isang tabi. Ngayon lang uli siya nakakita ng mga batang bumisita dito sa simbahan nila. Gusto lang naman niyang makipaglaro. Twelve years old na siya pero wala pa rin ni isang kaibigan. Palagi kasing nasa loob siya ng simbahan, sumusunod sa utos ni Father Jude Beldad na kumupkop sa kanya. Sinabi nito na iniwan lang siya sa labas ng simbahan noong sanggol pa kaya hindi kilala ni Antonio kung sino ang tunay na mga magulang.
“Antonio!”
Mabilis na napatayo si Antonio nang marinig ang pagtawag ni Father Jude. Nagtatakbo siya palapit dito. “May... may ipag-uutos po ba kayo, Father?” magalang na tanong niya.
“Ipaghanda mo na ako ng hapunan,” utos nito sa mahinang boses. “At ilang beses ko bang sasabihin na huwag kang makikisali sa mga bisita ng simbahang ito. Huwag mo akong ipahiya.”
Tumango si Antonio at sumunod sa pari. Ito ang nag-iisang pari sa simbahang ito sa Pampanga. Simula pa pagkabata ay nasanay na si Antonio na pagsilbihan ito.
Lumapit si Father Jude sa mga bisita ng simbahan at siya naman ay nagtungo sa tinutuluyan nito doon para maghanda ng hapunan. Napatingin si Antonio sa bukana ng kusina nang pumasok doon ang isa sa mga nagtatrabaho dito sa simbahan na si Eva Mandaguit. Wala na rin itong pamilya kaya dito tumitira. Twenty years old na ito pero dahil hindi rin nakapag-aral ay walang mahanap na ibang trabaho.
“Tutulungan na kita,” sabi ni Eva, tumaas ang mga labi nito para sa isang ngiti.
Sandaling tinitigan ni Antonio ang babae bago ginaya ang pagngiti nito kahit hindi alam kung para saan iyon.
Hindi naman nagsalita si Antonio hanggang sa matapos sila sa paghahanda ng hapunan. Magalang silang yumuko kay Father Jude nang pumasok ito kasama ang ilang matatanda na marahil ay mga taong magdo-donate sa simbahan.
Umupo ang mga ito sa hapag-kainan. “Puwede na kayong umalis,” utos ni Father Jude sa kanila ni Eva.
Sumunod naman sina Antonio, hindi napigilang sumulyap sa mga pagkaing nasa mesa. Kanina pa kumakalam ang sikmura niya. Naupo sila ni Eva sa labas ng simbahan.
Napatingin si Antonio sa babae nang may iabot itong isang tinapay sa kanya. “Kinuha ko ito kanina sa loob,” sabi ni Eva. “Alam kong gutom ka na kaya ikaw na lang ang kumain.”
Tinanggap niya ang tinapay. “Gusto mo ba hati tayo?”
Umiling si Eva. “Maglalakad-lakad lang ako sa labas. Sa susunod kapag gutom ka, sabihin mo lang sa akin. Magaling dumiskarte si Ate Eva.”
Sinundan lang ng tingin ni Antonio ang babae hanggang sa makalayo ito. Tiningnan niya ang tinapay na hawak at mabilis na kinain iyon. Sobra-sobra na sa kanya ang makatikim ng bagong tinapay. Madalas kasi ay mga lumang tinapay na ang nakakain niya o tira-tira sa pagkain ni Father Jude. Pero hindi siya nagrereklamo dahil iyon ang itinuturo ng pari – na dapat silang magpasalamat sa kung ano ang mayroon sila ngayon. Isang kasalanan ang magreklamo...
“YOU belong to your father, the devil, and you want to carry out your father’s desires. He was a murderer from the beginning, not holding to the truth, for there is no truth in him. When he lies, he speaks his native language, for he is a liar and the father of lies. Iyan ang nakasulat sa John 8:44 ng Bibliya.”
Nakaupo lamang si Antonio sa pinakadulong upuan ng simbahan habang nakikinig sa huling misa ni Father Jude nang araw na iyon ng Linggo. Ganito siya palagi, hindi lumiliban sa lahat ng misa nito. May dala din siyang sariling Bibliya para pag-aralan ang mga pangaral nito. Gusto niyang maging isang pari rin na nakatayo sa gitna ng simbahan habang pinapakinggan ng mga tao.
“‘Surely the day is coming; it will burn like a furnace. All the arrogant and every evildoer will be stubble, and the day that is coming will set them on fire,’ says the Lord Almighty. ‘Not a root or a branch will be left of them’. Iyan naman ang sinasabi ng Malachi 4:1,” pagpapatuloy ni Father Jude. “Kaya kayo na mga nagsisipaggawa ng kasamaan ay magsimula nang magsisi sapagkat darating ang ating Hukom para pagbayarin ang bawat isa sa kanilang mga kasalanan.”
Tahimik na nakaupo si Antonio hanggang sa matapos ang misa. Pinanood niya lang ang mga tao na nagsisi-alisan. Marami sa mga iyon ay buong pamilya. Hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng mayroong pamilya.
Napatigil siya sa pag-iisip nang maramdaman ang pagtapik sa kanyang balikat. Nalingunan niya si Eva. “May pagkain akong dala, gusto mo bang sumalo?” tanong nito.
Tiningnan muna ni Antonio ang kinatatayuan ni Father Jude, may mga kausap pa ito kaya sumama muna siya kay Eva. Nagpunta sila sa isang tagong lugar para doon kumain.
“Masarap ba?” tanong ng babae. “Masaya ako ngayon dahil may kasama akong kumain.”
“Masaya? Ano ang ibig sabihin noon?” tanong ni Antonio.
Kumunot ang noo ni Eva. “Hindi mo alam kung ano 'yon? Hindi ka ba marunong ng mga emosyon?”
Umiling si Antonio. “Hindi ako nag-aral kaya wala akong alam.”
“Gusto mo bang turuan kita?” nakangiting tanong ni Eva. “Maraming iba’t ibang klase ng emosyon. Masaya ang isang tao kapag nakangiti siya o tumatawa. Ipapakita ko lahat iyon. Mayroon ding emosyon na galit, sakit... Nasubukan mo na bang umiyak? Iyong sa sobrang sakit ay may pumapatak ng luha mula sa mata mo...”
Nakatitig lamang si Antonio sa babae, nakikinig sa lahat ng sinasabi nito. Simula noon ay si Eva na ang nagturo sa kanya ng tawag sa iba’t ibang emosyon ng tao. Tinuruan din siya nito ng mga iyon. Unti-unti, nararamdaman ni Antonio na nagiging katulad na siya ng ibang normal na mga taong pinagmamasdan niya...

[Completed] Cold Eyes Saga 5: Bury The HatchetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon