SPECIAL CHAPTER

1.4K 119 134
                                    


Epilogue



Ang dating misteryoso at makatindig-balahibong Dead City ay isa na ngayong maaliwalas na lugar. Mga puting kabahayan, sa kabilang dako naman ay ang mga gusaling matayog sa pagkakatayo at ang karamihan ay kasalukuyan pa ring ginagawa.

Sinong mag-aakalang ang akin ngayong kinatatayuan ay ang dating kinatitirikan ng Felon Stonghold? Kung kaya't ang bahaging ito ng bagong siyudad ay aming pinangalanang Commander's Block—bilang pag-alala kay Commander Elodia na siyang unang namuno sa aming mga Felon. At sa kalye nito ay ang Cluster's Street—para kay Cluster, na naging kanang kamay rin ng pumanaw na Commander. Habambuhay silang mananatili sa amin. Bawat parte ng itinatayong Rapport City ay aming pupunuan ng magagandang alaala mula sa bawat isa na naging bahagi ng aming laban.

Isang matinding tuwa ang yumakap sa aking damdamin, ang buntong hininga ay marahang kumawala. Ito ang Rapport City. At kahit saan ako lumingon, hindi nawawala ang maaliwalas at maliligayang mukha ng mga Remnant, na ngayon ay malaya nang nabubuhay sa ibabaw, hindi sa ilalim ng karagatan, bagkus ay sa ilalim ng araw.

Sa isang iglap ay lumiwanag sa aking isipan ang ilang mga pangyayari habang ako'y nasa Rapport—ang minsang nagkakagulo at gumuguhong bansa, ang pagtangka nitong sukupin ang Circa. At ang aming paglaban . . .

At ang mga nalagas na buhay.

Si Penn.

Minsan nyang sinabi na nakikita nya ang kanyang kapatid sa akin. Ngunit ang hindi ko namamalayan ay maging ako'y lubos na ring napalapit sa kanya—na tila akin nga siyang tunay na nakatatandang kapatid—at doo'y hinding hindi ko na siya magagawang kalimutan.

Ngunit ako'y napangiti, at kasabay no'n ay ang pagsilay ng mukha ni Penn sa aking isipan, ang marahang pag-angat ng kanyang labi para sa isang dalisay na ngiti. Gintong labi, kulay-lilang kasuotan.

Nagpatuloy lamang ako sa marahang paglalakad habang sinasariwa ang mga mabubuting alaala. Nang marinig ko sa kalayuan ang aking ngalan mula sa isang Remnant, may paraan sa kanyang pagsambit sa "Cheska" upang bigla kong maalala ang ginawang pagtulong sa akin ni Atlas noong araw ng Trial ng nagdaang Gobyerno—noong tinulungan nya akong makasakay sa humaharurot na bus papuntang Trial Venue. Nalaman kong sa aming eskuwelahan sa Trooper Area nakuha ni Atlas ang aking ngalan. Bilang pareho kaming nagmula sa Trooper Area, sinabi nyang matagal na nya akong kilala bago pa man ang araw na una ko siyang nakita.

Nagbigay ako ng kaway sa Remnant na tumawag sa akin, at agad naagaw ng panibagong boses ang aking atensyon. Munting boses—o marahil ay hindi na.

Si Camelot. "Kuya Zeno . . ." Sa kanyang kaliwa ay si Sonder, na agad binawi ang tingin sa ibang dako nang marinig nyang muli—sa ilang pagkakataon na sa araw na ito—ang kanyang tunay na ngalan mula kay Camelot. Sa kung anong dahilan ay mas nais tawagin ni Camelot si Sonder sa totoo nyang pangalan.

Sa halip na lumingon direkta kay Camelot ay sandaling ipinanatili ni Sonder ang kanyang mga mata sa akin. Binigyan ko lamang siya ng isang pilyong ngiti. Sa halos tatlong buwan mula noong bumalik ang aking malay, ang aming mga oras at atensyon ay nakatuon sa pagdating ng mga Remnant sa bawat istasyon ng Rapport, sa pag-sasaayos ng mga panibagong Circa, at sa pag-alis sa mga Marka. Ngayon lamang ang unang pagkakataon na kaming tatlo ay tuluyang magkakasama—kung saan ang buong araw ay para sa amin lamang.

Kaya kung marami mang magiging katanungan si Camelot kay Sonder, wala kaming kakayahan na iyon ay pigilan.

Tuluyan nang itininuon ni Sonder ang kanyang atensyon sa aking kapatid na ngayo'y abot na ang kanyang balikat.

"Ano iyon?" Buo ang boses ni Sonder, na tila siya ring tinutumbok ng nagbabagong boses ng aking kapatid.

Kami ay nagpatuloy lamang sa marahang paglalakad.

"Palagi mong sinusundo si Ate Cheska, pati na rin 'yong mga tingin ninyo sa isa't isa'y hindi ko pinalampas." Si Sonder, at maging ako, ay bahagyang nabigla sa direkta nyang tanong. Sumibol na lamang ang ngiti sa kapwa naming labi sa pagka-aliw sa kanya. "Magkasintahan na ba kayo?"

At doon na nga kumawala ang halakhak ni Sonder—ang pasimple nyang pagtanggi, ang bahagyang pagpula ng kanyang mukha, ang pagkamot nya sa kanyang ulo. Agad na lamang syang napatingin tuwid sa aming direksyon.

Sa kabila ng lahat, sa lahat ng aming pinagdaanan, sa lahat ng aming nalagpasan, hindi pa rin ako natatanong ni Sonder kaugnay sa bagay na iyon.

Ngunit kanyang napapadama. May mga pagkakataong ramdam ko ang tila presyon sa kanyang sikmura, ang tila pagpilit nya upang mabigkas ang mga salitang tila ayaw kumawala mula sa kanyang bibig, at ang sa halip na paghawak nya sa aking kamay sa tuwing lahat ng kanyang tapang ay humupa na. Hindi ko maintindihan: sa lahat ng tapang na mayroon sya, sa ganitong bagay lamang pala sya mapapatumba.

Naramdaman ko ang tila pag-init ng aking pisngi.

Ngayon ay hinihintay ko na lamang ang kanyang magiging sagot kay Camelot—o kung paano nya ito malulusutan.

At biglaang malakas na tunog ang walang pasubaling umalingawngaw mula sa distansya.

Agad huminto at napa-urong si Camelot. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang kanyang hindi pagkaraniwang takot sa mga biglaan at malalakas na tunog. Napuna ko ang tensyon sa kanyang buong katawan, at ang kanyang paglapit kay Sonder.

At ang pagbalot ng kamay ni Sonder sa kanya, at ang aking akmang pagtulong upang mabawasan ang tunog.

Subalit lahat ng iyon ay hindi natuloy nang agad maglaho ang alingawngaw. Agad kong natanto na iyon ay mula sa mga makinarya sa nagaganap na kunstruksyon ng mga gusali.

Ang akmang pagdikit ni Camelot kay Sonder ay kanyang napagilan, at muling tumuwid sa pagkakatayo na tila ba isa nang ganap na nakatatanda.

Ngunit ang kamay ni Sonder ay hindi huminto, bagkos ay itinuloy na lamang nya ito sa balikat ng aking kapatid. Lumingon siya sa akin, at binigyan ako ng isang malawak na ngiti at maikling pag-kindat ng isang mata.

Munting halakhak ang kumawala sa akin. At doon lamang, nalusutan ni Sonder ang katanungan.

O marahil hindi.

"Kaya ko 'yon na'tanong . . ." usal ni Camelot sa aming pagpapatuloy na tila walang nangyari. ". . . dahil alam kong oo ang magiging sagot."

Hindi ko pinalampas ang ilang segundo at agad akong nagbigay-tugon. "At tama ka, Camelot."

Biglang napalingon sa akin si Sonder, at gaya ng aking inaasahan, pagkasurpresa ang nakapaskil sa kanyang mukha.

Binigyan ko lamang siya ng isang tiyak na pagtango. At ang kanyang pagkagulat ay napalitan ng tuwa.

Siya'y napahinto, at humarap sa akin. "Talaga ba, Dawn?" Ang kanyang ngiti ay mabilis nakahawa sa akin, at sa aking kapatid. Sa puntong ito ay tila ba naririnig ko ang nasa kanyang isipan, ang pag-alingawngaw ng mga katanungang kanyang hindi nagawang pakawalan.

"Iyon nga," paglilinaw ko. Lumawak pang lubos ang aking ngiti. "Tayo ay ganap nang magkasintahan, hindi ba?"

Nagkuyom ang kanyang kamao sa isang matagumpay na hitsura, na tila sa loob nito ay ang isang bituin na kanyang nakamit.

Sa kanyang paglapit, sinalubong ko ang kanyang mahigpit na yakap. At sa mga oras na ito, ang aming paligid ay muling naglaho—nagpaubaya para lamang aming dalawa.



* * *

On cold nights they were each other's warmth,

and their words as smooth as the breeze.

They have stories in their hearts that see no end.





Author's note:

I dedicate this Special Chapter to all of you, my beloved readers. You are all so special to me. My heart goes to all of you!

🎉 Tapos mo nang basahin ang Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel) 🎉
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon