Chapter Forty-Five

1.1K 73 11
                                    

Sa isang pader sa aking kwarto ay makikita ang isang Screen kung saan nakasaad ang mga unang impormasyon na aking kailangan—kung anong oras na, at kung nasaan ako.

0 4 0 0 h r s

R.C

Station 101

Ika-apat na oras sa umaga. Kung ako'y nasa Circa, marahil nasisilayan ko na ang bahagyang pagliwanag ng kalangitan, ang pagsibol ng araw sa malayong kagiliran.

Subalit wala ako sa Circa, wala ako sa mundong aking nakasanayan. At mula rito, tila isang kahiban ang isiping masisilayan ko pa ang liwanag ng kalikasan, dahil hindi—hindi dito sa kailaliman ng kamangha-manghang dagat.

Dumako ang aking tingin sa ibaba ng oras na nakasaad. R.C. Renegade Clandestine. Ang kuta ng mga rebeldeng Remnant—mga Renegade Rebel.

Subalit ang lubos na gumising ng aking dugo ay ang ika-huli sa listahan. Station 101.

Gumapang ang sindak sa aking isipan. Station 101. Isang masalimuot na nakaraan para sa mga nandito. Istasyong minsang gumuho. Hindi ko pa rin mawari na ang minsang naging libingan ng daan-daang katao ay ngayo'y aking tinitiran.

Sumibol sa aking isipan ang bangungot na nangyari sa lumang istasyon na ito, ang bangungot na malinaw na inilahad sa akin ni Veto Chen sa isa sa aking mga unang araw dito, ang bangungot na nagbigay linaw sa gulong-gulo kong isipan . . . at pagkatao.

* * *

Sa araw na iyon ay dinala niya ako sa isang Information Room. Sa mga oras na iyon, wala nang iba pang mas mahalaga sa akin kung hindi ang makilala ang lugar na aking kinalalagyan, hindi lang ang Renegade Clandestine kundi ang kabuuan ng Rapport. Sa ganitong paraan, mas magkakaroon ako ng ideya sa kalagayan nina Aurora, at sa pag-asang muli ko silang makakasama, makabalik ng maayos sa Circa, dala-dala ang lunas sa sakit na tumama sa mga mamamayan nito—kabilang doon si Gaia.

Pumasok kami sa isang puting kwartong nilalamon ng napakalakas na liwanag. Sa sandaling pagkakataon ay tila bumalik ako sa Felon Jury, kasama sina Aurora, Hawk . . . Cluster at Ayo.

Tumayo kami sa gitna ng walang hanggang liwanag. Binigyan ako ng seryosong tingin ni Veto Chen, ang kanyang asul na balintataw ay tunay nang nagwangis diamante sa lakas ng liwanag. Ang kanyang puting kulay sa asul na kasuotan ay kamangha-mangha.

Nawala ang ngiti sa kanyang labi. "Handa ka na?"

Hindi na ako nagsayang pa ng panahon sa pagtugon. "Kailangan."

Isang malinis na tunog ang namuo sa aming harapan, at dahan-dahan, sumibol ang isang asul na imahe—hindi—isang mapa. Asul na mapa ng malaking istruktura.

"Ito ang Rapport, Dawn. Ang kabuuan ng Rapport."

Hindi ko mapigilang mamangha. Napakalawak ng mapa, at binubuo ito ng napakaraming bilang ng mistulang maliliit na halimba ng Elite Dome na konektado sa isa't isa. Ngunit ang lubos na nagpaganda pa rito ay . . . bawat Dome ay tila isang bituin, bawat isa ay nagniningning.

"Station," sambit ni Veto Chen na wari'y nababasa ang nasa aking isipan. "Station ang tawag namin sa bawat simboryo na bumubuo ng Rapport."

"Hindi inakalang napakarami nito—ng Station," saad ko habang hawak ang buntong hininga. "Kahanga-hangang mayroon palang ganitong bagay bukod sa dagat."

"Napakaganda, hindi ba?"

Hindi ako umimik at pinagmasdan lamang ang lumulutang na imahe ng buong Rapport. Anong klase ng mga tao ang naninirahan sa bawat istasyon? Paano ang kanilang pamumuhay?

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon