Chapter Forty-Seven

851 66 12
                                    

Matapos kong banggitin ang aking pagsang-ayon, lumitaw sa mukha ng bawat Veto ang ngiti, na tila ang tanging desisyon ko lamang ang mahalaga sa kanila.

Gayunpaman, si Pola at Hawk ay walang alinlangan ding pumanig sa mga Renegade, at sa aking gulat, maging si Knox at ang isa nyang kasama.

Sinubukan ko iyong intindihin. Knox. Minsan niyang tinangkang buwagin ang grupo naming mga Seeker. Tinangka niya kaming pamunuan. Subalit ano ang nag-udyok sa kanya upang pumanig? Upang piliing iligtas ang Circa?

Sinubukan kong basahin ang kanyang mukha subalit bigo ako. Parehong ekspresyon ang mayroon siya at wari'y hindi na ito magbabago pa. Mapangmataas.

"Kung gayon, kayo ay amin nang kapanalig." Naramdaman ko ang init sa pagbating iyon ni Veto Chen. "Bago ang inyong unang misyon, pormal ninyo munang kilalanin ang tatlo pang Veto," tuloy niya. "Veto Ranao." Tinukoy niya ang lalaking may kayumanggi sa kasuotan, ang pinakamatangkad sa apat. "Habang ako ang namamahala sa loob ng Renegade Clandestine, si Veto Ranao naman ang siyang nasa labas nito. Samakatuwid, siya ang nakabantay sa bawat galaw at kalagayan ng mga Station sa buong Rapport."

Veto Ranao. Binigyan niya lamang kami ng magaang tango bilang pagbati.

"Sa aking tabi ay si Veto Salve," tuloy ni Veto Chen. "Siya ang namamahala sa aming mga ispiya sa Rapport Government. Ang kanyang tungkulin ay ang magkalap ng impormasyon mula sa aming gobyerno."

Hindi na ako magtataka kung bakit siya ang naatasan sa ganoong tungkulin. Veto Salve. May maamong mukha at tindig. Sa kanyang nakatatandang edad ay tila wala siyang ibang hangad kung hindi ang pagsilbihan ang kanilang gobyerno. Siya marahil ang ahas sa kanilang pamahalan.

Binigyan niya kami ng maaliwalas na ngiti, bagay na hindi ko lubos binigyang atensyon.

Lumipat ang aking tingin sa panghuling Veto. Sa pagitan ni Veto Salve at Veto Ranao. Ngayon ko lamang napansin ang kanyang mga maninipis at kulay puti ring balbas-subalit sa kabila nito'y nakatitiyak akong siya ang pinakabata sa apat. Marahil nasa edad tatlumpo.

"Veto Michaelson," pakilala ni Veto Chen. "Ang may hawak ng aming pwersa. Ang nagpapangalaga ng aming dipensang lakas; mula sa aming sundalo hanggang sa mga kagamitang pandigma. Kasabay no'n ang kanyang patuloy na pagpapatakbo sa Renegade Clandestine, ang patuloy na pagpapalago sa teknolohiyang bumubuhay rito."

"Isang malaking hakbang ang inyong pagpanig sa amin," saad ni Veto Michaelson. "Makaasa kayong kasabay ng pagpapabagsak sa Rapport Government ay ang muling pagbuti ng inyong bansa." Bumalik ang mga mata ni Veto Michaelson sa akin, at sa puntong ito, sa karagatan niyang balintataw, lubos niyang naipahayag ang kanyang pangako.

Lumukso ang aking puso. Matapos ang lahat ng aming pinagdaanan, hindi ko halos maalala kung kailan ako huling nakaramdam ng ganitong pag-asa.

Sandaling katahimikan, hanggang sa ito'y baliin ni Veto Chen. "Kung gayon," wika niya na may halong pananabik kasabay ang paglapat ng kanyang palad sa isa't isa. "Sa unang araw ng inyong pakikiisa ay magaganap ang inyong unang misyon."

Bahagya akong nagulat sa kanyang sinabi. "Anong misyon iyon . . . Veto Chen?"

"Ang inyong unang paglabas sa Renegade Clandestine," tugon niya. "Upang maipanalo ang isang laban, kailangan mo munang matuklasan ang kahinaan nito. Iyon ang inyong gagawin."

Magkahalong gulat, pananabik, at pangamba ang humampas sa akin. Gulat sa biglaang anunsyo, pananabik sa agaran naming pagsisimula, pangamba sa mga maaring mangyari.

"'Yan ay magandang ideya," sumbat ni Knox na agad naman sinundan ni Veto Chen.

"Kailangan ninyo itong gawin bilang isang grupo." At iyan ang nang-irita kay Knox, ngunit hindi na siya pumalag pa.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon