Chapter Sixty-Seven

933 70 34
                                    

A/N: Isa nalaaang. Hahaha. Happy Reading!!! <3

-- r

* * *


Magkakasunod na atake ang nagmumula sa mga sasakyang panghimpapawid na alam kong mula sa aming bansa-sa Circa.

Mula sa mga nakalutang na Screen sa aming harapan, malalakas na pagsabog ang kagimbal-gimbal na nabubuo sa himpapawid ng Relentless Boundary, at sa lakas ng mga ito'y bayolente nang umuugoy ang mga matatayog na puno sa ibaba, mga pamilyar na puting ibon ay nagsisilipana.

Sinusubukan nilang sirain ang Electrospot, at sa kanilang pagiging agresibo ay alam kong hindi nila ito titigilan hanggang sa hindi ito tuluyang mawasak.

Ngunit sa paanong paraan ito mawawasak? Naalala ko noong una ko itong matuklasan kasama ang mga Seeker. Walang paraan upang ito'y malaman liban sa mahinang taginting nitong makapintig balahibo, na wari'y punong-puno ng elektrisidad, na kapag narinig ay alam mo'ng mayroong uri ng teknolohiyang bumabalot dito. At paano kung bigla nila itong sugurin, na sa mismong pagtagos ng sasakyan ay siya ring pagsabog nito? At ang mga Rapport Army sa kagubatan . . .

Ang mga pangamba'y mabilis na bumalot sa akin, at nang tila batid iyon ng Presidente ay agad siyang nagsalita. "Walang dapat ipangamba. Hindi aatake ang aming hukbo sa Relentless Boundary nang wala ang aking hudyat."

Bahagyang ginhawa ang bumuhos sa akin, at ang aking pananabik ay tila binhing mabilis lumago.

"Rapport President." Tuwid at malalim mula sa Rapport Army, kanyang kanang daliri ay nakalapat sa partikular na bahagi ng kanyang tainga. "Naghihintay ng desisyon mula sa inyo ang Heneral ng Rapport R.B Camp. Ang Heneral mismo ay mayroong mga planong nais-"

"Huwag kayong aatake," tuwid at direktang putol ng Presidente. "At pahintuin niyo ang Electrospot."

Kapansin-pansin ang bahagyang gulat sa Rapport Army. Alam kong hindi niya iyon inasahan. Para sa kanya bilang isang Rapport Army, ang Electrospot ay isang depensa. Marahil iyon din ang pinaka-binabantayan ng nagdaang Gobyerno. Ngunit kung ano man ang mga iyon, ang gulat sa mukha ng Rapport Army ay mabilis na naglaho, saka muling inilapat ang kanyang daliri sa tainga.

"Sandali," pigil ng Presidente, at doo'y hindi tuluyang nailapat ng Rapport Army ang kanyang hintuturo. "Nais ko muna silang maka-usap."

"Masusunod, Rapport President," maagap na tugon ng lalaki at tuluyang inilapat ang kanyang daliri. Malinaw niyang binigkas ang nais ng Presidente sa kabilang linya.

Sa Screen sa kanyang harapan, mabilis na nagtipa ang Presidente.

Sinubukan kong maging kalmado. "Ano ang inyong plano, President Aaster?"

Nanatili ang kanyang atensyon sa Screen. Tuluyan siyang huminto at humarap sa akin. "Sila'y malugod kong tatanggapin. Nais mo ba silang muling makita?"

Ang ngiti ay kusang umangat sa akin, ang galak at pananabik ay dumaloy sa aking dugo. "Lubos na nais."

Maaliwas na ngiti ang kanyang naging tugon, at tuluyang iniharap ang mukha sa kanyang harapan, tuwid sa isang pamilyar na Screen-ganoon sa Screen noong bago ko kausapin ang mga Remnant sa bawat istasyon.

Minsang nabanggit sa akin ng Presidente na marami siyang nais baguhin sa pamamahala ng nagdaan nilang pamahalaan, kahit ama pa niya ang nasa likod ng mga ito. Sa puntong ito, alam kong isa ang Electrospot sa nais niyang baguhin-o marahil maging ang relasyon ng Circa at Rapport.

Labis na paghanga ang sumibol sa akin. Sa kanyang batang edad, kahanga-hanga kung paano siya maging kumpyansa at determinado sa kanyang bawat desisyon, kung paano siya hindi magpaapekto sa impluwensya na kanyang kinalakihan . . . kung paano siya manindigan sa kung ano ang alam niyang tama. Tunay na lider, sa puso't pagkatao.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon