Sinabihan kami ng isa naming kasama ilang distansya ang layo sa amin na lumingon sa kalangitan. Amin naman itong ginawa. Sa una ay mga punong nakasara at ilang bahagi lamang ng ulap, ngunit aking natanto ang pakay ng aming kasama.
Itinaas ko pang lalo ang aking tingin, hanggang sa matagpuan ko ang araw na nasa aking itaas-nasa gitna ng kalangitan.
"Kailangan na nating makabalik agad-agad," mungkahi niya, habang ang lungkot, panghihinayang, at inis sa aking damdamin ay unti-unti ang nilalamon.
"Hindi pa tayo maaring umalis, alam niyo 'yan." Nanghihikayat sabay nagmamakaawa ang naging tono ng aking pagbibigkas.
"Pero, Dawn, hindi rin tayo dapat mahuli sa takdang oras, kung hindi ay mahuhuli tayo."
"Ilang minuto pa. Ilang distansya. Hindi pwedeng bumalik tayo ng hindi sila nakikita." Tinutusok ang aking puso, at damang-dama ko ang sakit sa kabila ng pagpipigil ko rito. Hindi ako maaring bumalik habang wala si Aurora at ang dalawa. Hindi ko kakayanin ang ideya na mawawala na sila saaming piling habang kami ay patuloy na naglalakbay.
Maging ang kaligtasan nila. Kailangan nila kami, kailangan nilang maligtas sa kung sino man ang dumakip sa kanila at sa dalawa pa nming kasama.
"Pagbibigyan ka namin, Dawn. Pero sandali lang talaga."
Walang akong iba pang magagawa kung hindi ang sumang-ayon na lamang.
Nagpatuloy kami sa paghahanap, at sa huling pagkakataon, bago kami tuluyan bumalik, ay isinigaw ko ng malakas ang kanilang pangala . Nagulat ang aking mga kasama, ngunit wala akong naging pakialam.
Bigla kaming tumahik at naiwan bigla ang kalmadong tiririt ng mga ibon. At bukod doon ay wala na kaming ibang narinig pa. Walang sigaw, kalaskas, o kung ano man na magbibigay ng sensyales. Wala.
"Tara na," pasya ko at amin na ngang tinahak ang pabalik sa kinaroroonan nina Knox.
* * *
Napahinto kami nang may marinig kaming kakaiba, ngunit hindi tulad ng bagay na aming inaasahan.
Sa aming kinaroroonan malapit sa tagpuan ay rinig namin ang ilang boses-pasigaw.
"Anong nangyayari do'n?"
Sinubukan kong intindihin ang mga salita, at nang hindi ko ito mapuna ay dali-dali akong naglakad papalapit.
Biglang nagtagpo ang aking kilay. Mula sa aking kinaroroonan, tanaw ko ang kakaibang kaganapan. Ang lahat ay nakaharap kay Knox, at sa munting distansya naman nakatayo si Cluster. At mula rito, rinig na rinig ko ang mga salitang ibinubulyaw ni Knox sa aming mga kasama.
"Ito na ang ating pagkakataon!" Kumaripas ako ng takbo. "At hindi natin ito papalampasin, mga kasama!"
"Huwag niyo siyang pakikinggan," taliwas ni Cluster at humarap kay Knox. "Ito ba, huh? Ito ba ang plano mo?!"
Bumilis pang lalo ang aking pagtakbo, may masama akong pakiramdam. Simula pa lamang, habang kami ay nasa Circa pa, ramdam ko nang may kakaiba kay Knox, at tila sa puntong ito ko na iyon matutuklasan.
"Plano? Gusto ko lang na malaman nila kung tunay nating kalagayan!"
Walang agam-agam akong nanguwestiyon habang ang aking paningin ay unti-unting lumiliyab sa galit. "At ano iyon, Knox?" Agad tumama ang atensyon ni Knox sa akin na siyang nasa likuran ng iba pa naming mga kasama. Lahat ng tingin ay sunod-sunod na bumaling sa akin, subalit ang aking mga mata, nakapukaw lamang sa mata ni Knox. "Ano sa tingin mo ang tunay nating kalagayan, huh?"
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Sci-fiWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...