Chapter Sixty-Five

745 61 43
                                    

A/N: Sorry, guys, sa late update. Hehehe. Pinaghandaan ko lang po talaga yung mga susunod na Chapters. Thank you sa lahat ng nag-aabang dito! I hope you enjoy this Chapter. Three Chapters left. Pahaba kasi nang pahaba yung story hahaha. Pero final na talaga yung last 3 Chapters. Hold tight, guys! Chapter 66 will be posted tomorrow.

And nag-lagay rin pala ako ng lyric video somewhere in this Chapter, take time to listen to the song. Thank youu! <3

-- r

*     *     *


Sa mga balang bumaon sa katawan ng Rapport President ay dalawang araw ang kinailangan upang muling manumbalik sa normal ang kanyang katawan, habang isang araw ang inilaan para sa amin upang manatili sa Medical Rise.

Sa isang araw kong pamamalagi sa puting silid at kama, ang tanging makikita lamang ay ang mga medikal na aparato, ilang tauhang pumapasok kada oras upang tingnan ang aking kalagayan at ibigay ang aking mga kailangan, at ang isang Screen sa aking harapan.

Ang Virtual Comp ang nagsilbing paraan upang aking makausap sina Aurora, at gaya ko'y nasa maayos din silang kalagayan.

Hindi ko inasahang dadaing ang aking katawan matapos ang sunod-sunod kong pagpwersa makaligtas lamang—mula sa selda ng Renegade Clandestine, sa karagatan ng Rapport, hanggang sa Presidente Rise.

Sa loob ng isang araw ay nasaksihan ko ang pag-ere ng aking kalagayan—gayon na rin ang aking mga kasama—sa mga Screen sa buong Rapport. Mayroong tagapag-ulat para sa mga Remnant, na siyang nagsasabing kami ay nasa mabuti nang sitwasyon at kailangan na lamang lubos na magpahinga.

Kasunod ng ulat sa amin ay ang paglalahad ng resulta matapos ang naganap na kaguluhan.

Malaking bilang ng mga Rapport Army—sa kapwa Rapport Government at mga istasyon—ang nabawas. Dahil sa aking Video Propaganda, maging ilang bilang ng mga Rapport Army ay tumiwalag sa kanilang tungkulin upang makiisa sa pag-aaklas, at iyo'y higit pang pinatindi ng mga huwad na Rapport Army mula sa Renegade.

Ang Station 50 at Station 51 ay wala nang buhay matapos ang pagpapasabog sa mga ito, na kalauna'y nakumpirmang kagagawan ng mga Renegade—mga sakim na Veto.

Maging ang nasilayan naming pagsara ng isang istasyon habang kami ay nasa President Rise ay kagagagawan din ng mga Renegade. Ang istasyong iyon ay ang Station 35, isa sa limang istasyong nanatiling tapat sa kanilang Gobyerno—dahil iyon sa kanilang tapat at mahigpit na lakas-militar, na maging ang mga galamay ng Renegade rito ay walang nagawa.

Sa kabutihang palad, nabawi ng mga Remnant sa Station 35 ang kanilang elektrisidad, at ang mga Renegade na sangkot sa pagsasara ng istasyon ay ngayo'y nakakulong na sa naturang istasyon, at nanghihintay na lamang ng pasya mula sa Rapport Government—at higit sa lahat, mula sa Rapport President.

Sa araw na iyon ay natuldukan na rin ang paghahari ng mga Veto sa Renegade Clandestine.

Nadakip ng Rapport Army sina Veto Salve at Veto Marshal—ang mga taong hindi lingid sa kamalayan ng mga Remnant pagka't sila'y kawani ng Rapport Government. Ano marahil ang reaksyon ng lahat ng Remnant, at ng Rapport President, sa kanilang natuklasan?

Ang dalawa pang Veto ay natulad sa kinahantungan ni Veto Chen. Napa-ulat na kinitil ni Veto Raggord ang sarili niyang buhay, habang si Veto Ranao ay napasama sa mga sumabog na Renegade Ship nang biglang lumakas ang pwersa ng Rapport Government sanhi ng pagbabalik-loob ng bawat isatasyon sa kanilang Gobyerno.

Sa kasalukuyan, ang Renegade Clandestine ay nasa ilalim na ng mahigpit na kontrol ng Rapport Government.

Isang napaka-laking tagumpay kung ituring, hindi lamang para sa mga Remnant at Rapport Government, kundi gayon na rin sa akin at sa aking mga kasama.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon