PS: Unedited. :) Votes and comments are highly appreciated. Love you guys! :)
Umikot ang ikalawang sesyon sa kung paano sumagip ng buhay: ano ang gagawin kung mayroong nabalian ng buto, may nahimatay, may nawawalan ng hininga. Itinuro rin ang mga halamang gamot na maaring makatulong sa amin sa aming paglalakbay. At sa huli, isa-isa nila kaming sinubukan. Muli akong nauna at ipinakita ko ang limang pamamaraan kung paano magbigay ng paunang lunas sa iba't ibang senaryo. Nagpakita sila ng halaman, sinambit ko ang ngalan nito at gamit, at ang paraan ng paggamit. Walang itong ipinagkaiba sa nauna sesyon. Silang muli ay aking napahanga.
Matapos niyon ay naglaan kami ng isang oras upang magpahinga, mananghalian, at maghanda para sa nalalabing dalawang sesyon. Sina Aurora ang siyang nakahanap sa akin at binigyan akong puri sa aking kasalukuyang katayuan.
"Siguradong isa ka sa mga nangunguna sa ranggo." Uminit ang aking pisngi sa puring iyon ni Aurora. Agad ko iyong binura. Isa ako marahil sa nangunguna—sa unang sesyon a aking grupo ay tatlo lamang kaming nakatama ng pulang asintahan. Sa ikalawang sesyon, apat kaming nakapagpamalas sa tuwid na paraan—ngunit hindi iyon sapat upang matuto akong magpakakampante. Mayroon pang dalawang sesyon, hindi ko alam ngunit pakiramdam ko'y marami pang mangyayari.
Umalingawngaw sa buhay ang alarma at kanya-kanya na kaming bumalik sa aming pwesto. Nag makabalik ako'y handa na rin ang mga opisyal na hurado, ang Trooper at aking mga kagrupo.
"Ngayon ay ibabahagi ko sa inyo ang ilang kaalaman sa pakikipaglaban, na ang armas lamang ay ang inyong sariling katawan . . . at utak," anunsyo ng Trooper. Agad itong nagsimula sa kanyang pagtalakay. Ang ilan ay hindi na bago sa akin, habang karamihan ay ngayon ko lamang natutuklasan.
Sa sesyong ito ay may kasamang isang babae ang Trooper upang ipakita ang iba't ibang pag-atake ng kalaban, at ang kailangan naming maging tugon upang lumamang. Pumasok sa aking isipan ang isang alaala kung saan una kong nasilayan si Raven—ang kasabwat ni Sea sa pagtataksil sa Felon. Station 10; Reaping Station. Kinailangan namin ni Aurora na idaan ang kutsilyo sa leeg ng isa nang malapit ngunit hindi dumadampi sa balat. Hindi ko namalayang si Aurora na ang aking naaalala, iyong araw na lubos naming pinagkatiwalaan ang isa't isa, malampasan lamang ang huling istasyon.
"Sa pagpapakawala ng suntok, pinakamahalagang bigyan tuon ninyo ang katumpakan sa pagtama ng kamao at hindi sa lakas ng nito," sambit ng Trooper matapos ihinto ang bakal na kamao direkta sa harapan ng lalamunan ng babae. Halos ako ang nawalan ng hininga. Tila ako iyong nasaktam—nagulat, ngunit napakakalmado ng babae.
Nagpatuloy ang usad ng talakayan at nagpatuloy ang pag-ikot ng aking atensyon dito. Subalit sa isang kagimbal-gimbal na sandali, bumigat ang aking paningin. Gumaan ang aking ulo. Sinubukan kong muling ibaling ang atensyon sa talakayan, ngunit . . .
"Ilong. Mata. Tenga. Puson. Ang mga iyan ay kahinaan rin ng bawat kalaban," patuloy na wika ng Trooper ngunit hirap ako sa pagpapasok ng mga ito sa aking utak. Pakiramdam ko'y pumapasok lamang ito sa aking tenga at dumediretsyo sa aking sikmura—kalauna'y natutunaw.
Pinilit kong manatili sa aking paa, ginagaya ang bawat galaw na itinuturo ng Trooper—tamang paraan sa pagsuntok direkta sa puson, saan ba dapat ibaling ang tingin upang malinlang ang kalaban, at kung paano matukoy ang paparating na suntok. Ang aking paghinga'y bumilis habang aking pinananatili ang aking sarili sa kamalayan. Nagpatuloy ang diskusyon—dalawampung minuto? Isang oras? Hindi ko matukoy.
"Mayroon kayong tatlong minuto upang maghanda," matipid na instruksyon ng lalaki. Mabigat pa rin ang aking mga mata. Ang aking tenga'y tila nakalublob sa tubig. Pero wala ni isang pagkahilo akong nararamdadman.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...