Chapter Twenty Nine

768 82 17
                                    

Malakas na pagsabog ang umalingangaw mula sa paghagis ng isang Transvision tungo sa Electrospot. Lahat ay nasindak sa kung paano mawasak ang kabuuan nito at kung paano lumiyab ang apoy mula rito. Isang segundo, ang ang Transvision ay patungo na sa pagiging abo—walang silbi.

"Baka kasi hindi dito ang tamang lugar," reklamo ng isang Seeker.

"Panglima na natin ito, at ilang metro na rin ang ating nalalakbay pero wala pa rin," dugtong ng isa.

"Kung puro kayo reklamo, wala tayong mapapala," daing ni Aurora sa mga ito habang ako'y tahimik na nagmamasid sa paligid.

Nasa limang metro ang aming layo mula sa Electrospot kung tawagin. Ngunit kung pagmamasdan ang kinaroroonan nito, walang pahid na misteryo ang makikita. Napaka-natural. Napaka-tuso. Ipinikit ko ang aking mata upang itulak papalayo ang sakit na aking natatamo, dahil kahit anong pilit ko, hindi ko talaga makita ang kung ano man ang nasa Electrospot.

Ngunit, dama ko ito. Ang napaka-hina at mala-guni-guning taginting na mas magaan pa sa ihip ng hangin. Ang Electrospot, base sa aking pandama, ay maihahango sa kuryenteng mabilis na dumadaloy sa loob ng isang malaking kablye.

Dama rin ng ilan sa amin ang presensya ng misteryo, isa na si Aurora, ngunit hindi kay Cluster at Taran at sa karamihan sa mga Seeker. Ngunit paano na lamang kung dama ito ni Taran? Maituturing niya ba itong misteryo, o isang madilim na siyensya?

Isang napakalakas na pagsabog ang gumulantang sa amin. Niyanig nito ang lupa na aming kinatatayuan, muntik na akong mawalan ng balanse, at ang hangin ay mabilis na lumabas sa aking lalamunan.

Dumako ang aking mata sa nagbabagang apoy daang metro ang layo sa aking kinaroroonan.

"Sinimulan na nila," kabadong wika ni Aurora.

Dama ko ang kaba sa bawat isa sa amin. Kung hindi ito nagbunga, wala na kaming pag-asa pa.

Ang pag-sabog na iyon ay dulot ng mga bomba. Umaasa kaming iyon na ang solusyon. Marahil nangangailangan lamang kami ng malakas na pwersa upang tuluyang mawasak ang Electrospot. Marahil iyon na ang solusyon.

"Subukan natin dito." Biglang nagsalita ang isa naming kasama na siyang mabilis na pumutol sa presyong naidulot sa amin ng pagsabog. Namumbalik ang aking paghinga, ang aking mga kalamnan ay nawalan ng tensyon.

Nagawa naming ilibang ang aming sarili sa pagpapatuloy namin sa aming pagbabakasakali. Sa aming paghinto ay inihanda na namin ang aming sarili, at ang mga sumunod na nangyari ay hindi na nakakagulat pa. Gaya ng Transvision, ang flashlight na aming inihagis ay agad ding nagliyad at nawasak.

Maya-maya'y nilisan ko na ang grupo at iniwan si Aurora kasama ang iba pang Seeker. Kailangan kong makausap ang Gobyerno, marahil mayroon na silang solusyon.

Makalipas ang isang oras ay muli ko nang narinig ang boses ng Commander. Ngunit bago iyon, nalaman ko mula kay Atlas ang resulta ng paggamit nila ng bomba.

"Nakakalungkot ng sobra, pero wala tayong magagawa," desmayado ang kanyang pananalita. "Ang Electrospot ay hindi kasing tulad ng pader na pwede nating patumbahin. Kasing tulad ito ng hangin, na hindi mo magagamitan ng pwersa para magawa itong wasakin." Nagpakawala siya ng buntong hininga. "Sa tingin ko'y mahihirapan tayo ng sobra-sobra sa bagay na ito."

"Pero hindi tayo susuko, 'di ba?" mungkahi ko.

Nanahimik lamang siya at binigyan ako ng hindi tiyak na tingin. "Tignan natin."

Bumalik ang atensyon ko sa banayad na ugong mula sa Earshot. Ang pagka-banayad nito ay siya namang bilis ng kalabog ng aking puso, kasabay ang takot sa mga maari kong marinig sa Commander, lalo na't hindi nagbunga ng magandang resulta ang paggamit namin ng mga bomba. Total, sa simula pa lamang ay sinabihan na nila kaming ganito mismo ang kahihinatnan ng lahat, kami lamang itong hindi nagtiwala sa kanila.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon