Chapter One

10.8K 212 56
                                    

Tahimik at damang dama ang kapayapaan. Ito ang lugar na noo'y ilegal naming pinupuntahan ni Camelot. Ang Light House.

Dito ko unang naramdaman ang kakaibang tuwa noong musmos pa lamang nang dalhin ako rito ni itay, noong mga panahong kasama ko pa siya, at maging noong si Camelot na lamang ang aking naging katuwang. Ngayon, ito na rin ang lugar kung saan aking natatagpuan ang tuwa mula sa masalimuot na damdamin.

May mga lugar na hindi natin maipaliwanag ngunit sa tuwing tayo'y napapadpad ay kakaiba na lamang ang saya na ating nararamdaman. Sa iba ito ay maaring isang bakuran, o isang palaruan. Isang gusali, o isang simpleng higaan. At marahil ay sa aking buhay, ito iyon—ang Light House.

Minabuti kong tumungo rito bago pa man magliwanag ang kalangitan at nasaksihan ko kung paano malayang salubungin ng bawat isa ang umaga. Walang takot. Walang mga nakabibinging alarma. Walang mga Trooper at Elite Soldier upang maltratuhin ang mga tao.

Sa lumipas na halos isang taon ay masasabi kong napaka laki na ng pagbabago sa bansang Circa. Mula sa mga istruktura nito hanggang sa pakikitungo ng mga tao sa isa't isa sa kabila ng mga marka.

Ang mga dalubhasang eksperto ng bagong Gobyerno ay hanggang ngayo'y wala pa ring napagtatagumpayang eksperimento ukol sa kung paano maalis ang mga marka sa leeg ng mga tao. At ang katotohanang lahat ay tumatanda ay isang malaking kalbaryo para sa lahat lalo na sa Gobyerno. Kailangan nilang maalis ang marka bago pa man higit na dumami ang mga namamatay dahil sa sila'y malapit na sa edad limampu.

Sa kalayuan ay naagaw ng isang telebisyon ang aking atensyon. Lumitaw mula roon ang imahe ng limang marka at kalauna'y napalitan ng mukha ni Thelia.

"Isang magandang umaga sa inyong lahat. Nais iparating ng ating Gobyerno ang labis labis na pasasalamat sa bawat isa sa pagiging isang disiplinado at mabuting mamamayan." Kusang umusbong ang mumunting ngiti sa aking labi sa panimulang iyon ni Thelia. "Sa loob ng isang buwan ay walang naitalang kriminalidad sa buong Circa at nagpatuloy pa ang paglago ng iba't ibang sektor tulad na lamang ng sektor ng agrikultura. Ang lahat ng iyon ay dahil sa bawat isa sa atin na siyang bumubuo ng lipunan. Muli, mula sa Gobyerno, maraming salamat at isang magandang umaga sa inyong lahat." Mga marka, nanatili, at naglaho.

Tila wala na akong hihilingin pa. Ito ang buhay na alam kong pinangarap ng mga tao. May mga bagay na hindi man natin naiisip sa ngayon ay siguradong ating papangarapin sa oras na iyon ay ating mapag-tanto. At ito iyon. Sinong mag-aakala na ang bansang Circa ay magiging ganito. May pagkaka-isa, may kapayapaan, mga batang mayamaya'y magsisimula nang pumasok sa kani-kanilang paaralan, at marami pang iba na kailanma'y hindi ipinamalas ng nagdaang Gobyerno at maging ang isipin iyon ay tila isang malaking kahibangan.

Ngunit wala na iyon. Kung maari ko lamang isipin na iyon ay isa lamang masamang panaginip tulad ng ginagawa ng lahat ay aking gagawin. Ngunit hindi. Natatakot akong kapag kinalimutan ko iyon ay mawala na rin sa aking alaala si Sonder, at kung paano niya binigyan ng liwanag ang madilim kong mundo na iyon.

Habang buhay siyang mananatili sa akin. Hindi ko siya kakalimutan, gayon na din ang mga bagay na naging daan upang maging parte siya ng aking paglalakbay—mabuti man o hindi.

Kaunting kirot ang aking naramdaman sa alaalang iyon. Kusang pumikit ang aking mga mata at marahan akong nagpakawala ng kalmadong buntong hininga. Kasabay non ang pagkawala ng mga negatibong emosyon na maaring lumamon sa akin sa kahit anong oras. At muli, nagawa kong tanggapin ang lahat.

Ilang saglit na lamang at alam kong magsisimula nang pumasok ang mga bata, gayon na rin si Camelot. Siguradong hahanapin niya ako bago siya umalis, o marahil ay papunta na siya rito.

Napag-pasyahan naming sa Elite Dome na manirahan, at naroon na rin ang mga bagong iskwelahan, ngunit si Camelot iyon, at alam kong lalabas at lalabas iyon ng Elite Dome makapag-paalam lamang sa akin. Makita lang akong maayos.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon