Chapter Twenty Seven

943 91 35
                                    

Sa sandaling ibinahagi ko ang aking misyon kay Hawk, siya na mismo ang nagboluntaryong tumulong.

Aming ipinagbigay alam sa Gobyerno ang aming teorya. "Maaring si Callix at Knox ay magkasabwat," turan ko habang ang mga mata ay waring kinikilatis ang paligid, na tila inuulat ko lamang sa Gobyerno ang aming sitwasyon.

Ipinaliwanag ko ang lahat sa Commander ang patungkol sa aming hinala. Ang pagtutok ni Knox ng kanyang baril sa Vendrecour, gayon din kay Callix at ilang Seeker. Ang palaging pagdidikit ng dalawa. At ang obserbasyon ni Hawk na si Callix ang unang nagpaputok.

"Ang ibig mo bang sabihin ay hindi na lamang ikaw ang nakakaalam ng iyong misyon?" Rinig ko ang pagkadesmaya sa kanyang boses.

"Mapagkakatiwalaan siya, Commander," paglilinaw ko.

"Maari ko bang maka-usap ang lalaking iyan?" Gumaan ang aking paghinga sa bahagyang konsiderasyon na iyon ng Commander. Subalit wala sa aking tabi si Hawk.

"Paumanhin subalit wala siya rito. Ang ideyang iyon ay nanggaling sa kanya, upang hindi kami mahalata nino man."

Nanatili ako sa aking panlabas na pagpapanggap habang nagpatuloy ang aking talakayan sa Commander. Hanggang sa tuluyan ko nang nakuha ang kanyang panig—ang panig ng Gobyerno.



Nagpatuloy kami sa paglalakbay sa mga sumunod pang oras. Minarapat kong huwag munang ibahagi ang plan okay Hawk. Hindi ako nakakasigurong wala ngang nagmamatyag sa akin, kaya kailangan kong mag-ingat.

"Kumusta ang mga bomba?" Lumingon ako kay Taran na nasa aking kaliwa.

"Walang dapat ipag-alala."

Masasabi kong nais niyang malaman ang patungkol sa sinabi sa akin ng Commander—patungkol sa misyon. Ngunit alam ko ring hindi niya nais na ako'y pilitin upang iyon ay aking ibahagi. Mabuti. Dahil kung si Hawk lamang ang nakakaalam ng patungkol sa misyon, mas malaki ang katiyakan ng aming tagumpay.

Unti-unti na naming naramdaman ang pagod sa paglipas ng ilang minuto. Ang mga butil ng pawis ay nasa akin ng mga noo, habang akin nang napupuna ang panunuyo ng aking labi. At doon na napagpasyahan ang ikatlong hinto.

Wala akong sinayang na oras. Mamaya ay unti-unti nang didilim ang paligid, at ang misyon ay aming isasagawa sa gabing ito. Kung mayroon man akong tiyak na pagkakataon upang sabihin kay Hawk ang plano, iyon ay ang ngayon.

Nagpaalam ako kay Taran at agad humiwalay sa kanya. Ang lahat ay abala sa kanya-kanyang personal na interes. May mga naka-upo't nakasandal sa puno, may mga nakatayo sa harapan ng puno habang hinihintay ang pagtulo ng tubig mula sa maliit na tubong kanilang ibinaon—Spile. Ganoon din dapat ang aking ginagawa sa mga oras ito habang nagpapahinga.

Mabilis kong natagpuan si Hawk malayo sa kinaroroonan ng lahat. Naka-upo, mga nakapatong na siko sa tuhod, nakalapat na ulo sa katawan ng puno. Tumabi ako ako sa kanya at doon ay nakumpirma kong ako ang kanyang hinihintay. "Nandito ka. Ang ibig-sabihin ba'y pumayag ang Gobyerno?"

Inilapag ko ang aking Bag at umupo sa tabi nito, at sumandal sa punong siya ring kinasasandalan ni Hawk. "Kailan ka pa ba nagkamali sa iyong mga akala?" puri ko bilang tugon.

Tumugon siya sa pamamagitan ng katahimikan, sinasabing kailangan ko nang sabihin ang plano. Palihim kong sinuri ang aming kinaroroonan. Sa kabilang banda ay ang aming mga kasama. Nang wala akong maramdamang banta, tuluyan ko nang binuksan ang aking mga labi.

"Mamayang gabi, ilang oras matapos ang paghimbing ng lahat, lalabas tayo at magmamatyag." Huminto ako upang malayang sumibol ang mga ideya sa kanyang utak. "Ngunit bago iyon ay kailangan muna nating magkaroon ng kagamitan. Kailangan mo ng Earshot, at kailangan ko ng NightSight."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon