Chapter Fifty-Two

606 65 30
                                    

Ganito ang kanilang plano:

Habang ang lahat ay abala sa pagdiriwang sa Rapport Feast, sasamantalain ng mga Renegade ang pagkakataon upang itanim ang mga Hack sa sistema ng bawat Station. Gagawin nila iyon sa loob ng pitong oras na siyan ring gugugulin ng Rapport Feast.

Kinabukasan, ang mga Remnant ay nasa kani-kanila nang istasyon at ang Rapport Center ay muli nang eksklusibo para sa mga kawani ng Rapport Government. Sa araw rin na iyon, ang ginawa naming Video Propaganda ay handa na at kanila nang ipapalabas sa buong Rapport.

At habang patuloy ang gulo mula sa mga Remnant na nakikiisa sa mga Renegade, gagawin na nila ang kanilang plano sa Rapport Center—ang pagpapakawala ng makapal na Memory Fog sa bawat tubong nakakonekta sa kabuon ng Rapport Center.

Ang takot at pagkabalisa ay kapuna-puna sa aking pananalita nang sabihin ko ang lahat ng ito kay Penn, sa mismong pagsara ng pintuan sa kaniyang silid.

Inaasahan ko ang gulat na manggaling sa kanya ngunit hindi iyon nangyari. Sa halip, lumitaw lamang sa kanyang ang maliit na ngisi. "Tunay na ginagalingan ng mga Veto sa kanilang pagsisinungaling."

Tila nawalan ng hangin ang aking utak sa kanyang tinuran.

"Penn," turan ko bilang senyales ng labis na kalituhan.

"Inaalala ko ang iyong gana para sa pagkain. Ayokong mawala iyon," tugon niya na tila ba ninanais na mahawa ako sa kanyang pagiging kalmado. "Kailangan mo ng sapat na enerhiya para sa iyong huling misyon, Cheska." Tumalikod siya at tumungo sa gitnang bahagi ng kanyang maluwang na silid kung saan naghihintay sa amin ang isang lamesang laman ang ilang uri ng pagkain.

Sinundan ko lamang siya at sinubukang maging kalmado. Nararamdaman kong may mga sasabihin sa akin si Penn, at kung ano man iyon, nais niya munang siguruhing mayroon na akong sapat na enerhiya na aking kakailanganin sa araw na ito.

Sa paghupa ng masisidhi kong damdamin ay saka ko lamang napuna ang kaunting pagbabago kay Penn. Ang kanyang kasuotan ngayon ay hindi gaya ng karamihang Remnant—hindi puti.

Siya'y nasa kulay lila na kasuotan, mula pang-itaas hanggang sa pang-ibaba, kung saan ang maliliit na tuldok ng kulay gitno ay malayang kinukuha ang liwanag sa bawat munti niyang galaw.

Isang ideya ang lumitaw sa aking isip. Ang lila ay sumasagisag sa akin; ang ginto ay sa kanya. Kusang umangat ang ngiti sa aking labi.

Sa pagdating namin sa kinatatayuan ng lamesa ay kanyang inilabas ang isang upuan at inilay ito sa akin.

"Gusto ko ang iyong kasuotan," puri ko sa kanyang paglingon.

Binigyan niya ako ng ngiti na masasabi kong tunay. "Para sa iyo, at sa pagbibigay mo ng tiwala sa akin, Cheska."

Binawi niya ang kanyang tingin at tumungo sa kanyang upuan sa kabilang dulo ng parisukat na lamesa. Hindi ko pa rin mapigilang mamangha sa gaan ng kanyang kilos. Napakabukod-tangi.

Sa pag-upo ko sa harapan ng mga pagkain ay naramdaman ko ang bahagyang pagkalam ng aking sikmura. Sa loob ng rektanggulong bandeha, maayos na nakalapag ang hugis pahabang bilog na plato, na siya ring kinalalagyan ng aking pagkain; dilaw na kanin, makatas na hiwa ng malambot na karne, berdeng gulay, at ilang hugis kahon na pagkain sa kulay na dilaw at kahel.

Sa magkabilang dulo ng aking plato ay ang dalawang platito, kung saan magkahiwalay na nakalagay ang wari ko'y sarsa at panghimagas.

Kakaiba ang mga ito sa aking nakasanayan mula sa aking silid na simpleng mga pagkain lamang. Ngunit hindi ito naiiba sa isang bagay. Ang pagiging artipisyal. Subalit gayon pa man, ang mga nutrisyon na dulot ng mga ito ay hindi nalalayo—o marahil higit pa—sa isang natural. Maging ang kanilang tubig ay naglalaman ng mga sangkap na makakatulong upang mapanatiling malusog ang katawan ng mga Remnant, dahilan upang hindi ko maintindihan kung bakit marami pa rin ang nakakalikha at tinatamaan ng mga sakit mula sa mga naghihingalong istasyon.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon