Sa araw ng aming ikalawang misyon ay wala nang mga Remnant pang sumundo sa amin.
Kung wala akong ibang nalalaman, marahil iisipin kong ibinigay na ng mga Veto ang kanilang tiwala sa amin. Subalit sa puntong ito, alam kong binbantayan ng mga Veto ang aming bawat galaw.
Kaya kumilos kami ng naayon—ng napagkasunduan.
Alam naming lahat na ito ang magandang pagkakataon upang kami ay makapagusap-usap, kaya naman hindi namin iyon pinalagpas.
Isinaad ni Hawk ang labis niyang pag-aalala kay Aurora at ganun din si Pola sa iba pang mga Seeker.
"Magiging maayos din ang lahat," paalala ko kanila ngunit sa loob ko ay halos hindi iyon mapaniwalaan. Ang pagtaas ng Elevator na aming lulan ay aking naramdaman.
"Huwag mong sabihin ang mga bagay na hindi ka sigurado," turan ni Knox na kalmadong nakasandal sa isang sulok.
Ibinaling ko ang aking tingin sa kanya, ngunit sa mabuting paraan. "Salamat at ginagawa mo ito para sa Circa."
"Para ito kay Callix."
Hindi na ako umimik pa sa kanyang turan. Sa tingin ko'y wala akong karapatang kuwestiyonin ang kanyang pananaw sa salitang kaibigan.
"Ikaw, Sonder?" biglang bigkas ni Hawk. "Bakit ka nakikiisa sa mga misyon namin?"
Kakaibang pangamba ang sumakop sa aking dibdib. Hindi siya sumagot sa loob ng mahabang segundo habang ako'y walang ibang hanggad kung hindi marinig ang nasa kanyang utak.
Kung wala siyang naaalala, bakit nga ba?
Iba't ibang posibilidad ang sumibol sa aking utak. Kung hindi siya iimik, malakas ang kutob kong mayroong kinalaman ang mga Veto rito. Marahil ginagamit siya sa ibang paraan, tulad ng kanilang paggamit sa amin.
Ngunit mali ako sa bagay na iyon nang magsimula siyang bumigkas ng mga salita. "Ako'y nagbabaka-sakali . . . na kung makakabalik ako sa bansang Circa, maaring magawa ko nang maibalik ang aking mga alaala."
Gumuhit sa aking isipan ang aking araw-araw na pagtakbo sa mga bubungan, ang aking araw-araw na pagtalon sa bawat hangganan, ang unang lugar kung saan kami nagkita—unang pagkakataon kung saan ibinigay ko sa kanya ang aking tiwala.
Ngunit masasabi kong ang patungkol sa kanyang nakaraan ay ang bagay na hindi niya nais pag-usapan, sapagkat ilang sandali matapos ang kaniyang pagsagot ay siya ring tuluyang pagbukas ng pintuan sa aming harapan.
Ako ay tila nagyelo at hindi agad nakawala sa mga alaalang iyon. Sa aking tabi ay nauna nnag lumabas sina Hawk at Pola, maging sina Knox at Jakob.
Agad kong ginising ang aking sarili, ibinalik ito sa realidad. Muli akong lumingon kay Sonder, at sa pagkakataong ito, hindi na blangko ang kanyang mga tingin. Kita ko sa kanyang mga mata na mayroon na akong lugar sa kanyang blangkong alaala, na kahit papaano ay hindi na ako isang purong dayuhan sa kanya.
Hindi ko alam kung gaano tumagal ang mga pangyayari iyon, ngunit nang kami ay tuluyan nang lumabas mula sa Elevator ay siya ring eksaktong pagdating ni Veto Chen.
Kami ay nasa Chamber muli—sa isang malawak na puting espasyo. Subalit ngayon, ang Chamber ay hindi na isang blangko. Sa gitnang bahagi nito ay nakaayos ang iba't ibang aparato kasama ang maraming bilang ng Renegade na abala sa bawat gawain.
Naalala ko ang huling sinabi sa akin ni Penn kahapon. "Bukas ay magkakaroon ka ng ikalawang misyon, at doo'y nanaisin ka nilang magsalita laban sa Rapport Government."
"Maligayang pagdating," bati ni Veto Chen dala ang karaniwang niyang magaan nan git mula sa pulang labi. Pinilit kong huwag magpakita ng kahit kaunting pagbabago at sinuklian ko siya ng maikling pagyuko.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...