Chapter Twenty Two

892 81 11
                                    

Ilang beses lang bang nangyari ang ganito? Ang makasama ang aking pamilya ng buo? Hindi ko mawari. Inalis ko ang pag-iisip kong iyon at itinuon na lamang ang aking buong atensyon sa pangyayari.

Naka-upo kaming apat sa hugis hating-bilog at kulay-abong sopa. Si Itay sa aking kaliwa, at kami ni Inay ay pinapagitnaan si Camelot. Hindi ko mapuna ang emosyon sa kani-kanilang mga mata. Magkahalong lungkot at tuwa. Naglalabang mga emosyon.

Nag-usap kami sa loob ng ilang minuto, at kahit papaano'y nagawa naming tingnan ang lahat bilang isang positibong oportunidad.

"Si Gaia," sambit ni Inay. Lumiwanag ang aking mukha. "Nakabalik na siya sa mabuti't normal na kundisyon tulad ng mga kapwa niya natamaan ng epidemya. At nais niyang ipahayag ang kanyang pamamaalam."

Bumilis ang tibok ng aking puso. Nakaligtas siya. Nagawa niya. Napansin ng aking inay ang tuwa sa aking mukha at muli siyang nagsalita. "Siya rin ang makakasama mo sa linya ng Earshot. Iyo pa rin siyang makaka-usap bagamat ika'y nasa gubat."

"Talaga po?" Tila bumalik ako sa limang taong gulang sa reaksyon kong iyon. Ngumiti ang aking inay bilang pagkumpirma. Lumundag ang aking puso. Sa aking wari limang taong gulang na mga mata, nasilayan ko ang ngiti ng aking Inay.

Mayamaya'y tumunog na ang mumunting alarma, hudyat lamang na mayroon na lang kaming ilang minuto bago ang tuluyan kong pagbalik sa Barrack Building.

Binago ng aking inay ang usapan nang siya'y magsalita. "Pamilyar ba sa iyo ang pangalang Taran, Cheska?"

Ang aking mata'y dumapo sa kanya. "Kaibigan ko po, 'Nay," tugon ko. "Ano pong meron?"

Bahagyang ginhawa ang bumalot sa kanyang matatalinong mga mata, at ang kanyang tono ay kapansin-pansing gumaan. "Mayroon akong natanggap na mungkahi na nanggaling sa kanya. Isang sa tingin niya'y solusyon upang masiguro ang pagkakaroon ninyo ng koneksyon sa Gobyerno mapadpad man kayo sa malayong parte ng gubat."

Naalala ko iyong unang beses kong nakita si Taran, sa Dead City. Naalala ko iyong kahanga-hanga niyang kaalaman at kagalingan sa ilang teknolohiya. "Maari kop o bang malaman kung ano iyon?"

Huminha siya ng malalim at tumanggi. "Sa tingin ko'y malalaman mo na rin iyon sa kanya mismo. Sa ngayon ay ilaan na lamang natin ang natitirang minuto na ito para sa atin. Maari ba?"

Ibinaling ko ang aking atensyon kay Camelot na nakasubsob ang mukha sa aking kandungan. Taimtim na nakikinig sa aming usapan. Hinipo ko ang kanyang malambot at manipis na buhok at sunod na tinignan si Itay. Inilapat niya ang kanyang kaliwang kamay sa aking balikat, at ngumit. At muli kong itinuon ang aking atensyon kay Inay.

Hindi namin kailangang humalakhak upang maging masaya, o sabihing mahal namin ang isa't isa upang iyon ay aming malaman. Sapat na ang pagkakataong ito na kami ay magkakasama upang mabigyan kami ng panibagong alaala, alaala na kailanma'y hinding-hindi mabubura sa aming isip, kailanman.

Biglang umusbong ang magaan sa tengang alarma. Tiningnan lamang namin ang isa't isa sa loob ilang segundo—ako, ang aking kapatapid, si Inay, at Itay—at tuluyan nang ibinigay ang aming pamamaam. Mahihigpit at mainit na yakap, at mga salitang pilit na itinutulak ang aking manipis na luha papalabas.

"Mag-iingat ka, ate."

"Manatili kang matatag sa lahat ng oras, 'Nak."

"Paalam,"

Si Camelot. Si Itay. Si Inay. Ang larawan na silang tatlo'y magkakasama ay aking binalot sa aking isipan. Alam kong hindi ito ang panghuli naming pagkikita-kita. Lalabas ako ng bansa, susuungin ang isang misteryosong gubat, subalit hindi ibig-sabihin na hindi ko na sila muling makikita. Para lamang akong maiidlip—sandaling mawawala sa kamalayan na kanilang kinaroroonan, subalit hindi ibig-sabihing habambuhay na akong mahihimbing.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon