Chapter Fifty-Eight

627 66 15
                                    

Mula sa salaming pader ng bilog na silid, tanaw ko ang panibagong anyo ng simboryo.

Ang kaninang kulay ginto ay ngayo'y nilamon ng kulay itim, at sa mga ito ay kagiliw-giliw na kumikislap ang mumunting tuldok ng liwanag.

Tila ba aking natatanaw ang gabing kalangitan.

At doon, natagpuan ko ang Rapport President. Malayang nangingibabaw sa kanyang puting anyo.

Isinara ng dalawang Rapport Army ang pinto sa aking likuran at nanatiling nakabantay sa mga ito.

Hindi gumalaw mula sa pagkakatayo ang Presidente. Ang kanyang atensyon ay hindi naalis sa kaganapan sa ibaba. Nanatili ang kanyang isang kamay sa kanyang harapan na kahit nakatalikod sa akin ay alam kong mayroon ding hawak na inumin, habang ang isa pa niyang kamay ay magaang nakapaloob sa kanyang bulsa.

Ang katahimikan sa lugar ay komportable sa akin; mapayapa at puno ng siguridad.

Nanatili ako sa aking pagkakatayo. Walang ideya kung paano magsisimula-kung paano aagawin ang atensyon ng Presidente.

Nang tila ba kanyang naririnig ang mga salita sa aking utak, siya'y tuluyang nagsalita. "Maari ka bang lumapit dito? Kung iyong mamarapatin." Hindi niya iginalaw ang kanyang ulo, hindi siya lumingon sa akin. Ngunit sa kanyang pananalita ay pakiramdam ko'y nakaharap siya at nakatingin sa akin.

Sandali kong iginala ang aking tingin, iniisip marahil mayroong maghahatid sa akin papalapit sa kanya. Subalit lahat ng nakikita kong Rapport Army sa kalahating sulok ng silid ay nanatili lamang sa pagposte; ang mga mata'y tuwid at hindi man lamang dumapo sa akin.

Sinimulan kong maglakad papalapit sa Rapport President, inalala lahat ng bilin ni Penn.

Ang silid ay napakalawak at mistulang bakanteng espasyo sa malilinis na kulay, ngunit kumpara sa lahat ng aking napuntahan, nagdudulot ito sa akin ng kaginhawaan, ng panatag na loob.

Ang kalahati ng silid ay gawa sa malinaw na salamin, na sa linaw ay halos hindi mo na ito mawari kung wala ang puting sahig na nagsisilbing hangganan, kung wala ang mga maninipis na puting bakal na kaaya-ayang gumuguhit sa bawat ilang metro ng salamin, at ang iyong repleksyon dito.

Umangat ang aking tingin, at doo'y naramdaman ko pa ang lawak ng espasyo sa taas ng kisame-na ang katumbas ay higit pa sa dalawang palapag.

Napaka-simple ng lugar kumpara sa aking dapat na asahan. Subalit naalala ko ang makapal na pader na aming dinaan paakyat rito, ang sandaling nagdulot ng hindi komportableng segundo kasama ang Ikalawang Pangulo. Marahil nasa loob ng mga iyon ang tunay na pupuno sa espasyong ito, na gaya ng karwaheng aking sinakyan kanina, ay aangat na lamang mula sa sahig na akin ngayong kinatatayuan.

Sa lubos ko pang paglapit sa taimtim na Presidente, unti-unti kong naramdaman ang pagkulo ng aking sikmura, at ang tila pagbabaw ng aking paghinga.

Ito ang tinutukoy ni Penn na yugtong kung saan lahat ay naka-ubaya na sa akin. Ito ang panahon kung saan kailangan kong kilalanin ang Rapport Government, timbangin, at magdesisyon.

Sandali akong napahinto nang muling magsalita ang Presidente. "Makasaysayan ang iyong pagkatalaga bilang Rapport Shine sapagkat ikaw ay Rapport Army." Nanatili ang atensyon niya sa masayang kaganapan sa ibaba; magaan at kalamado. Ngunit ang dating sa akin ng kanyang pananalita ay hindi nagbago.

Tinapos ko ang ilang nalalabing hakbang hanggang sa tuluyan akong makatayo sa kanyang tabi. Itinuon ko ang aking atensyon sa kanya dahilan upang lubos pa akong humanga. Wari'y siya'y sing-edad ko lamang, o ni Sonder . . . ni Hawk, o si Everard.

Nagpatuloy ang Presidente sa kalamadong boses. "Ngunit hindi man lamang nila naisip na ikaw rin ang pinakabatang naitalagang Rapport Shine."

Wala akong pinalampas na pagkakataon at pinakinggan ko nang mabuti ang kanyang mga salita, maingat na dinama ang emosyon sa mga ito. At sa aking naririnig, palagay ko'y hindi ang mga Remnant ang kaniyang tinutukoy, bagkos iyon ay ang mga kawani ng Gobyerno.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon