Chapter Five

1.6K 120 35
                                    


Nanaginip ako. Isang masamang panaginip.

Sa panaginip na iyon ay kasama ko si Sonder. Kaming dalawa lamang, magka-hawak ang mga kamay habang binabaybay ang kadulu-duluhan ng Independent Area.

Mga bukid, samut-saring mga pananim, at iba't-ibang uri ng hayop pang-saka.

Napaka-taimtim ng lugar. Walang panganib. Ngunit nang maibaling ko ang aking mga mata sa mga punong nagdudugtong sa Relentless Boundary ay biglang nagbago ang lahat.

Agad akong natauhan. Nakaka-sindak ang loob ng mga puno mula sa aking kinatatayuan. At tila napaka-bigat ng klima rito. Bagamat bahagyang maliwanag dahil sa liwanag na sinusuplay ng araw, hindi ko maipaliwanag ngunit tila mali ang aking nakikita. Tila napaka-dilim ng paligid sa loob. Nakaka-kilabot.

Nang mapagtagumpayan kong alisin ang aking tingin sa kagubatan at ibalik ito sa aming direksyon ay napansin kong walang hangin akong nararamdaman sa aking balat, bagamat malaya akong nakakhinga. At dahan-dahan, tila naging misteryoso ang buong paligid. Ang mga hayop, mga pananim, mga sakahan, ang lahat ay wari'y lumalabo. Nabubura.

"Ayos ka lang?"

Napa-angat ang aking ulo daan upang masilayan ko ang mapupungay na mata ni Sonder.

"Masaya ako na nadito ka." Binigyan ko siya ng ngiti.

"Kailan pa ba ako nawala?" Doon ay tila bumigat ang aking mga labi at agad na naglaho ang aking ngiti.

"Sonder." Lumingon siya sa akin. Hindi ko maipaliwanag ngunit may tensyon sa aking lalamunan at tila nais kong itanong ang isang bagay. Ngunit ang pagkakataon kong iyon ay agad na nawasak ng isang malakas na tunog na siyang gumulat sa amin. Ngayon lamang ako nakarinig ng ganoon kalakas na ungol ng kalabaw. Nakaka-alarma.

Hindi pa ako muling nakaka-lingon pabalik kay Sonder nang biglang matumba ang isang puno. Napaatras kami nang bumagsak ito sa aming harapan. Inaasahan ko ang pag-higpit ng hawak ni Sonder sa aking kamay ngunit hindi iyon natupad. Bagay na bahagyang gumambala sa akin.

Muling natumba ang isang puno at naramdaman ko ang bahagyang epekto nito sa lupa. Iyon ay nasundan pa. . . nasundan pa, at nasundan pa. Hanggang sa nagsimula na ring gumalaw ang lupa at natagpuan ko na lamang ang aming sarili na tumatakbo.

Naging biglaan ang lahat. Ang pag-bagsak ng mga puno, ang mahinang pag-galaw ng lupa, at ang panik na marahan akong nilalamon. Mahigpit ang hawak ko kay Sonder, ngunit hindi ko dama ang kapit niya.

Nakakapag-takang wala na ang mga hayop. Ang kalangitan ay mabilis na nilalamon ng dilim. Lumakas ang hangin. Akala ko'y doon na magtatapos ang lahat ng nakakabiglang pangyayari ngunit naramdaman kong tumindi pang lalo ang hatak ng hangin. Lumakas pa ito ng lubos, puspusang kinokontra ang aming takbo papalayo sa mga puno—sa gubat

Pilit kong nilalabanan ang hangin at nagulantang na lamang ako nang mapansin ko ang paggaan ng aking kamay.

Buong tapang ang ibihuhos ko upang tangkahing huminto at lumingon sa aking likuran.

Bumungad sa akin si Sonder sa hindi ko akalaing distansya. "Patawarin mo ako pero hindi ko hahayaang mapahamak ka ng dahil sa akin." Nais ko siyang pigilan ngunit tuloy pa rin siya sa pagsasalita. "Umalis ka na. magagawa mo pang maka-ligtas." Sa kanyang tono ay tila alam niya ang mga susunod na mangyayari, at tila ipinapahayag niyang lubos iyong mapanganib.

Lumakas pang lalo ang hangin na halos tangayin na si Sonder, ngunit ako, kaya ko pa.

Napalunok ako sa aking tuyong lalamunan. "Hindi." Ini-angat ko ang aking talampakan at sinimulang maglakad papalapit sa kanya. Kaya ko pa.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon