Ang plano ay nakatuon sa kung paano namin magagamit ang kahinaan ng Rapport Government laban sa kanila. Ang araw.
Isang pangpang ang sasalubong sa amin sa paglabas namin sa gubat na ito, base sa sinabi ni Everard, kung saan ang pangpang ay isang lupa bago ang mismong dagat na kanilang sinasabi. Ito ay napapaibabawan ng mala porselanang buhangin, gaya na lamang ng aking napanaginipan.
"Sa pangpang ng dagat maiging nakabantay ang mas malakas at mas mahigpit na seguridad ng Rapport. Ang Rapport Aegis," paliwanag niya sa amin sa mga oras na iyon.
Ang Rapport Aegis. Walang duda. Kung ang Rapport ay isang sanktwaryo ng mga Remnant, likas lamang na ito'y maprotektahan sa lahat ng nais pumasok. Nagtataka ako kung paano nakalabas at kung paano—kung sakali—nakapasok ang grupo ni Everard sa Rapport kung mahigpit nga ang seguridad sa labas. Wala akong ideya. Subalit mas blangko ako sa kung paano kami makakapasok sa sanktwaryong iyon.
Kailangan lang naming malampasan ang ika-siyam na Strata, at makaalis sa ika-sampong Strata bago tuluyang tumirik ang araw sa gitna ng kalangitan. At doon, mababawasan ang kontrol ng Aegis kumpara sa kayang nilang gawin sa ibang oras, at magkakaroon ng pagkakataon ang grupo nina Everard para ipasok kami sa Rapport.
Napakasimple, lalo na't binigyan nila kami ng isang armas bilang aming proteksyon. Isang kulay itim na baril, halos sing wangis ng mga baril sa Circa.
Ngunit hindi kasing-simple ng pagkakasabi ko ang aking tunay na nararamdaman. Hindi ko kayang magpaka-kampante, dahil ngayon pa lamang ay nag-aalangan na ako kung magtatagumpay ba kami sa aming plano sa pagpasok sa Rapport.
"Hindi ito ang oras upang kabahan," sambit ng isang lalaking biglang sumulpot sa aking tabi. Nilingon ko ito. Si Taran.
Kakaibang tubig ng paninibago ang tila bumuhos sa akin. Ngunit hindi ko ito pinahalata. Huminga ako ng malalim ngunit patuloy pa rin sa pagtakbo. "Nababasa mo ba ang aking isip?" tugon ko sa medyo palabirong tono.
"Siguro?" sagot niya. "Ang iniisip mo ba ay kung paano tayo makakapasok sa Rapport? Tama ba?"
Binigyan ko siya ng maikling ngiti. "Parang gano'n na nga."
"At tama ako. Hindi ito ang panahon para mag-alala sa bagay na iyon. Mas makabubuti kung pagtutuunan muna natin ng pansin ang ating tinatahak."
At biglang bumagal ang pagtakbo ng aming mga kasama, bagay na aming sinabayan, at hanggang sa tuluyan na kaming napahinto.
Sa aming harapan, tumambad ang tila panibagong dimension ng gubat. Panibagong Strata.
Ang ika-siyam sa sampong Strata.
Pinakawalan ko ang mabigat kong hinga. "Tama ka, Taran. Ito muna . . . bago ang mga susunod."
Hindi ko inalis ang aking mata sa mga punong nasa aming harapan. Mga payat, katamtaman, at matatabang puno. At ang bawat isa sa kanila ay nababalutan ng makakapal at kulay berdeng lumot, na sa kapal ay nakasabit na lamang ang iba, lumilikha ng malaparaisong tanawin.
Ngunit kasabay ng pagkahumaling ko sa ganda nito ang paglamon ng sindak sa aking isip.
Ika-siyam na Strata. Ang pinakamaikli, subalit pinakamapanganib na Strata sa lahat, at kapag narating na ang pusod nito, wala nang iba pang mapagpipilian kung hindi ang magpatuloy sa paglalakbay, wag hihinto, hanggang sa marating na ang ika-sampong Strata.
Umalingawngaw sa aking isip ang ilang paglalarawan ni Everard. "Liban sa unahang bahagi, walang parte ng ika-siyam na Strata ang ligtas at maaring gawing pahingaan. Dahil ito . . . ito ay lungga ng mga mababangis na hayop na likha ng masamang siyensya. Ang mga Engineered Beasts."
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Sci-fiWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...