Chapter Seven

1.2K 102 27
                                    

Sa aking pinakamamahal na kapatid,

Camelot. Pansamantala muna akong mawawala. Patawarin mo ako sa aking gagawin, ngunit kailangan. Hindi na mahalaga na malaman mo pa, o kahit ni inay at itay. Huwag kayong magalala sa akin. Iingatan ko ang sarili ko at sisiguraduhin kong makakabalik ako. Pangako iyan. Patawad kung wala ako ngayon sa iyon tabi upang punasan ang luha na siya ring aking idinulot, at hinihiling ko na huwag kang gaanong mag-aalala sa akin. Kaya ko 'to, at alam kong kaya mo rin, dahil magkapatid tayo, 'di ba? Alam kong tulad ng dati, mawala man ako ng matagal ay makakabalik din ako. Pangako. Palagi kang magiingat. Mahal na mahal kita aking kapatid, kayo nina inay at itay.

Nagmamahal,

Ate Cheska

Magulo ang aking kama nang palihim kong lisasin ang aking kwarto papalabas ng aming bahay at ng Elite Dome. Alam kong kapag nadatnan iyon ni Camelot ay kanya iyong aayusin, at doon niya matatagpuan ang iniwan kong sulat. Sa ilalim ng unan.

"Handa na kayo?" nananabik na tanong ni Atlas. Parang kahapon lamang ay isa siya sa nag-aalangan sa planong ito, ngayon ay isa na siya sa mga nananabik na gawin ang napagusapan.

Malapit na kaming makalabas dito sa kinatitirikan ng mga kabahayan at doon ay masisilayan na namin ang mga damuhan at pananimang nagdurugtong sa kagubatan.

Dito ang pinakamainan na ruta papasok nang Relenless Boundary, dito sa dulo ng Independent Area. Mahirap tumakas sa dulo ng Trooper Area dahil mahigpit ang siguridad doon sa kadahilanang doon naninirahan ang mga Trooper. Bagamat doon ako lumaki at nagkaroon ng muwang sa buhay ay bilang lamang sa aking daliri ang mga araw na ako'y nakatapak sa kadulo-duluhan ng Area—mga matitibay at magagasapang na gusali kung saan ginagawa ang mga armas pang-militar tulad ng baril at iba-ibang uri ng bomba.

Sa Slave Area naman ay lawa ang nagdurugtong sa kagubatan. Noon ay napaka-rumi ng lawang iyong, napakaraming mga basura, ngunit ngayon ay malinis na dahil sa bagong Gobyerno. Subalit hindi pa rin iyon ang pinakaminam na ruta palabas kumpara dito sa sakahan at pananiman ng Idependent Area. Mas madali, hindi madaling mapansin, at walang mga Trooper na maaaring makakita.

Hindi. Mali ako.

"Mukha atang mahihirapan tayo nito," sambit ni Hawk.

Mali ako dahil hindi magiging madali para sa amin ang lahat lalo na't gwardyado na ang harapan ng kagubatan, na ni minsan ay hindi dumako sa aking isipan.

Bagamat madilim pa ang lugar at may kalayuan pa kami sa mga gwardya ay tanaw ko ang mga ito dahil sa kulay puti nilang uniporme. Hindi sila magkakatabi, o nasa maliliit na distansya. Bagkos ay mahaba pa ang lalakbayin ng aking mata upang lumitaw muli ang panibagong gwardya.

Kahit papaano'y hindi ganoon magiging kahirap ang lahat. "Mahihirapan tayo kung tayo mismo ang lalapit sa bantay," walang puknat kong turan habang ang mga mata'y nakapako sa isang gwardya.

"Kaya. . . ang gwardya ang lalapit sa atin?" patanong na mungkahi ni Cluster.

"Mismo."

"Kuha ko na," singit ni Aurora at nagboluntaryo. "Isa ako sa aagaw ng kanyang atensyon."

"Sasamahan ko siya," sunod na desisyon ni Hawk.

"Mabuti. Cluster, Atlas, tayo ang magtatago, at sa oras na makalapit na ang gwardya at makapasok sa eskinitang ito ay aatake tayo." Tumango ang dalawa. "Kailangan natin iyong magawa ng tahimik," pahabol ko saka na kami nagtago malapit kina Hawk at Aurora.

* * *

"Ano ba?" malakas na reklamo ni Aurora, sapat ang lakas upang mapansin iyon ng isang gwardya.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon