Chapter Twelve

1.2K 92 10
                                    

Natagpuan ko ang aking sarili sa isang maluwang na kuwarto. Kulay kahel ang pader at ang buong paligid. Tumingala ako at nalamang ang kulay ay nagmumula sa liwanag na sinusuplay ng nag-iisang bumbilya.

Halos mapapikit ang aking mata sa lakas ng ilaw dahilan upang agad kong bawiin pababa ang aking tingin. Mabilis ko man iyong nagawa ay napansin ko ang isang bagay. Naglakad ako papalayo sa tapat ng bumbilya at maingat itong tinitigan. Sa pagkakataong ito'y bahagya ko nang nasisilayan ang kabuuan nito.

Hugis tatsulok ang bumbilya at malayang nakabitin sa isang itim at manipis na kable. Sa sandaling pagkakataon ay nahumaling ako sa hindi-pangkaraniwang hugis nito, dahilan upang mamulat ako sa nakabibinging katahimikan . . . at patay na hangin.

Umakyat ang tensyon sa aking lalamunan at sa isang iglap ay naghihingalo na ako sa hangin. Ramdam kong napakabigat ng mga pader, ng kisame. Pakiramdam ko'y nasa ilalim ako ng lupa. Umusbong ang matinding panik sa aking mga ugat.

Kinilatis ng aking nanginginig na mga mata ang buong kwarto. Walang pinto. Walang bintana. Walang kahit na anong butas. Sa kabila ng aking mga natanto ay umasa pa rin ako na mayroong lagusan dito upang makalabas. Aking ulo sa kanan. Lingon sa kaliwa. Sa taas. Bawat galaw ay dulot ng matinding takot na namumuo sa aking dibdib. Walang kahit na anong labasan! Ngunit tuloy pa rin ang aking ulo sa pagpapalit-palit ng mga direksyon.

Biglang gumalaw ang paligid. O marahil ay ang aking paningin. Napahinto ako at bumungad sa akin ang gumigewang-gewang na bumbilya. Maging ito ay mabigat na rin sa aking paningin.

Nakaramdam ako ng kakaibang hangin sa aking likuran at agad akong napalingon rito. Ngunit wala akong natagpuan maliban sa aking anino sa sahig—gumigewang sa ilalim ng umu-ugoy na bumbilya. Akto ko na itong babalewalain nang mahinuha ko ang kakaibang katangian ng aking anino. Napaka-itim nito. Tumayo ang aking balahibo. Sa sobrang itim ay mukha na itong isang malalim na butas. Nagpatuloy lamang ito sa paggewang at nanatiling nakabaon ang aking mga mata rito.

Hanggang sa ang aking anino ay kasindak-sindak na huminto sa paggewang, na tila tumigil rin ang bumbilya sa pag-ugoy subalit hindi. Nanigas ang aking kalamanan nang unti-unti itong gumalaw—ng kusa. Simula sa pinaka-patagong paggalaw ng mga daliri nito. Ng ulo. Hanggang sa unti-unti na itong humilaway sa aking paa. Dumiin ang aking talampakan sa pagkakatayo. May nginig sa aking paghinga. Mabilis ang daloy ng aking dugo sa naninigas kong mga ugat.

Naipon ang aking anino at bumuo ng isang bilog. Nanatili lamang ito hanggang sa aking mapansin ang malaking pagbabago sa katangian at galaw ng ilaw sa kwarto. Dumami ang mga bumbilya—mayroon sa kanan, sa aking tapat, at sa ilang sulok. Lahat ay gumigewang pakanan at pakaliwa. Sa kabila ng kawalan ng pokus ay lumaki ang aking mga mata at umangat ang aking balikat. Kung dumi ang bumbilya. Ibig-sabihin ay dumami rin ang . . .

Inalis ko ang aking tingin sa kisame at agad itong ibinato sa sahig. Sa aking kanan. Sa kaliwa. At sa likod. May apat na bilog. Kasing-tulad ng aking anino. Napaharap ako. Hindi ko namamalayan ngunit napaka-bigat na ng aking dibdib. Dahan-dahan, nasilayan ko sa naunang itim na bilog ang pag-angat ng isang itim na imahe. Aking anino.

Ganoon din ang nangyari sa tatlo pa. Halos sumabog ang aking utak. Napaka-itim nila, at kahit ganoon, ramdam ko ang kanilang mga titig na tumutusok sa akin. Ang kanilang ngisi na nagpapalambot ng aking tuhod.

Sinimulan nila akong lapitan at ang aking utak ay lalong nataranta. Wala akong maisip. Lubos pa silang lumapit. Kailangan kong lumaban.

Sinugod ko ang isang anino at aking nalaman na malakas ito. Napaatras ako hanggang sa muling makabalik sa gitna. Nanlalambot ang aking tuhod at pakiramdam ko'y hindi na ako makakatayo pa sa susunod na segundo. Hindi sila pumapalag. Ngunit papalapit sila nang papalapit sa akin. Ang mga dilim. Mga dilim na sa oras na dumampi sa akin ay lalamunin ako ng buo.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon