A/N: Two Chapters left. Hold tight! ❤︎
-- r
* * *
Nilisan namin ang selda ng Bise-Presidente bago ko pa ito maisip. At habang kami ay taimtim sa loob ng Rapport Ship, nanatili pa rin sa aking utak ang mga nangyari. Kung paano puminta sa mukha ng Presidente ang gulat, pighati, lumbay. At maging sa kung paano ito mabilis na lamunin ng galit, poot, at pagkasuklam.
Ngunit sa kabila ng mga ito ay hindi siya bumulyaw, o kahit magsalita lamang. Sapat na ang kanyang ekspresyon upang maipaalam sa ikalawang pangulo ang kanyang nais sabihin.
Kung ano man iyon, lagim ang idinulot nito sa akin. Hindi ko mawari kung anong kabayaran ang kayang kunin ng Presidente sa taong labis siyang pinagtaksilan.
Pabalik na kami sa Rapport Center, ngunit hindi sa President Rise, sa halip ay didiretso kami sa Information Rise.
Sa kabila ng mga natuklasan ng Presidente, hindi niya kinaligtaan ang mga kailangan naming gawin. Dapat ay kakausapin namin ang mga Veto para sa mga impormasyong maari naming makuha patungkol sa Renegade, maging ang huli nilang salita. Ngunit ang lahat ay humantong sa paraang hindi namin inaasahan.
Sa katahimikang namamalagi sa buong sasakyan, malayang namayani ang boses ng Presidente.
"Hindi lamang nila nais humanap ng lunas mula sa Circa. Nais rin nila itong sakupin."
Agad kong nahinuha ang kanyang tinutukoy—ang nagdaang pamahalaan ng Rapport.
Sunod-sunod na gumuhit sa aking alaala ang mga misteryosong kalamidad na naganap sa Circa. Ang mga Pollenster mula sa kulumpol ng mga puting uwak, ang paggapang sa buong Circa ng nakamamatay na usok mula sa Dead City, ang trahedya sa hangganan ng Independent Area, at ang malakas na kidlat sa Trooper Area na nagawang wasakin ang mga mahahalagang gusali.
Nagtagpo ang aking mga kilay at napaharap sa aking kanan—sa kalmadong Presidente. "Kaya ba nagkaroon ng mga misteryoso't mapaminsalang kalamidad sa aming bansa?"
Direktang pagtango. "Nais ka nilang kunin, Dawn. Pagka't ikaw ang lunas sa aming mga Remnant. Ninais ka nilang gamitin upang magawa na nilang sakupin ang Circa."
Umalingawngaw sa akin ang mga sinabi ng ikalawang Pangulo kanina. "Ginawa mong diyamante ang dapat ay bato lamang."
"At hindi ka roon pumayag?"
"Hindi iyon nararapat." Hindi ko alam kung gaano kabigat sa kanyang sabihin iyon, kung gaano ito kataliwas sa kanyang ama, ngunit alam kong determinado siya. "Sa inyong bansa ay mayroon ding mga mamamayan. Mga tao na gaya namin. At higit sa lahat, maayos na pamahalaan. Sa halip na pabagsakin kayo ay mas mabuting makiisa na lamang."
Sa hindi ko mabilang na pagkakataon, muli niya akong napahanga.
Nanumbalik ang bigat sa kanyang mga mata. "At doo'y namatay ang aking ama . . . pagka't kanya akong pinakinggan."
May malalim na sugat sa kanyang malayong tingin. Napapaisip ako kung ano ang kanyang ginawa, o sinabi upang mabago niya ang kanyang ama. Ngunit ang bagay na iyon ay sa kanya lamang, at tila kailanman ay hindi niya ibabahagi.
Nagpatuloy ang Presidente at unti-unting naging malinaw sa akin—at sa aming mga kasama—ang lahat.
Ang Bise-Presidente ay malapit sa nagdaang pangulo, parte siya sa lahat ng plano para sa Rapport. At sa kagustuhan ng Presidente na mangyari ang pagsakop sa Circa, ipinagpatuloy niya ang mga plano rito sa kabila ng pagtalikod ng naka-talagang pangulo.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...