Chapter Sixty-Two

859 61 15
                                    

Sa aming mga paa, wala na kaming inaksayang oras.

Sinundan namin si Everard sa makipot na pasilyo, at muling lumiko. Sa bawat galaw ng segundo, lubos pang bumibilis ang aming takbo, na handa kong i-ubos lahat ng aking natitirang lakas para rito—maabutan lamang ang naghihintay naming mga kasama.

"Limang metro," bilang ko sa aking sarili. Hanggang sa tuluyan na naming marating ang hangganan ng itim na pasilyo. Bumungad sa amin ang tutok ng mga panibagong baril. Humigpit ang aming mga kalaman, subalit agad na lumuwag nang makilala namin sila bilang ang aming mga kasama.

"Nagawa niyo," ang bungad sa amin ni Laren. Sumigaw siya para sa aming lahat. "Kailangan na nating umalis dito bago pa tayo maabutan!"

Hindi na ako nag-isip pa at mabilis na sinabayan sina Laren at Sedrique sa pagtakbo tungo sa isang sasakyang naghihintay mula sa naka-bukas na tarangkahan—bukod tangi sa napakaluwang at walang laman na daungan.

Sa labas ng Rapport Ship ay sinalubong kami nina Hawk, Pola, at Phillik, na kapwa nagliwanag ang mga mukha nang kami ay makitang maayos.

"Alam kong makakarating kayo nang ligtas," ang bati ni Pola. Agad siyang lumapit sa akin at inalalayan ako.

"Salamat, Pola."

Sandali kaming ginwardyahan nina Hawk habang paakyat, at sumunod nang ang lahat sa amin ay tuluyan nang nakatungtong sa loob.

Bumungad sa amin ang iba pa naming kasamahan. Ang lahat ay nakahanda na. Ang uniporme ng grupo ni Everard ay hindi na kulay puti at kulay-abo. Sila ngayon ay nasa kulay-asul na kasuotan, sa anyong mahahawig sa kailaliman ng tubig—parehong kasuotan na aking nasilayan kina Hawk at Pola, at kay Knox at Jakob. Sakop ang kanilang buong katawan at tanging mga ulo lamang ang nakalabas—na alam kong matatakpan din kung kanilang isusuot ang asul na helmet na kanilang hawak.

Muli kong minasid ang kabuuan ng sasakyan: mula sa magarang anyo at luwang nito, hanggang sa kaunting bilang ng mga upuan kumpara sa mga Renegade Ship na aking nasakyan, at sa mga salaming bahagi nito sa magkabilang gilid, harapan at kisame. Bahagyang pagkamangha ang bumalot sa akin. Ito ang Rapport Ship na dapat ay para kay Veto Chen.

Sa kabila ng ilang upuan sa loob, natagpuan ko pa rin ang lahat ng aming mga kasama kanilang pagkakatayo—alerto at tensyonado.

"Maupo kayo." Inilaan ni Nadee ang kanyang palad sa direksyon ng upuan sa aking harapan. At sunod na pinaupo si Sonder sa isa pa sa aking likuran.

Si Everard ay maginhawang sumalampak sa kabilang dulo, ang mga siko'y nakapatong sa magkabilang tuhod, at ang atensyo'y taimtim na nakatuon sa tatlo niyang kagrupo sa pinaka-unahan ng sasakyan.

Sa harapan ng mga mistulang kulay-abong lamesa, si Laren ang nasa pinaka-sentro, at sa kanyang magkabilang gilid ay sina Sedrique at Phillik—sa tingin pa lamang ay alam kong sila ang mga magmamaneho at kokontrol sa Renegade Ship.

Kalauna'y tuluyan nang nagsara ang tarangkahan sa aming likuran. Tumagos sa loob ng sasakyan ang malalim at buong ugong na, at base sa tunog nito ay masasabi kong ito nga ay abandunado.

Ang mabibigat na hingal ay hindi maitatanggi sa aming tatlo, at sa pagtagal ng aking pamamalagi sa loob nitong Renegade Ship kasama ang lahat, ay unti-unti ko na ring nararamdaman ang pagod sa aking buong katawan.

Sa biglaang presensya ng aming mga kasama, sa seguridad at kaginhawaang kaakibat nila, tuluyan kong nadama ang marahang paglagas ng aking enerhiya.

Tumayo sa aking harapan si Nadee at inabot ang isang bote ng malinaw na tubig. Tinangap ko ang kanyang alok kasabay ang pag-angat ng aking mukha sa kanya. "Maraming salamat."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon