Chapter Thirty-Three

709 76 19
                                    


Kaybigat pa ng aking ulo nang ako ay magkaroon ng malay, at sa mismong pag-usbong ng kamalayan sa aking utak ay siya ring ini-ukit ng pangyayaring naganap kagabi.

Sunod kong naramdaman ang init na kinalalapatan ng aking ulo, at ang mga kalamadong kalabog dito.

Idinilat ko ang aking mata at natagpuan ang aking sariling nakahandusay sa tabi ni Taran, kung saan ang aking ulo ay taimtim na nakapatong malapit sa kanyang dibdib.

Agad akong tinamaan ng realisasyon. Totoo ang naganap kagabi, hindi isang panaginip.

Mabilis at alerto akong bumangon, at tila sa isang iglap ay nawala ang bigat sa aking ulo.

"Taran! Gumising ka!"

Inalis ko ang telang naka-takip pa sa kanyang ilong at bibig saka inalog ng bahagya ang kanyang ulo-aking kamay sa gilid ng kanyang mukha.

Ilang pag-alog pa at unti-unti nang bumalik ang kanyang malay, at kasabay ng pag-dilat niya ang agad niyang pagbangon. Alertong mga mata. Buhay na dugo. Huminto ang kanyang tingin sa akin at doo'y tila gumaan ng bahagya ang kanyang damdamin.

"Ayos ka lang ba?"

Agad akong tumugon. "Wag mo akong alalahanin." Ang isang tanong ay mabilis na tumakbo sa aking isipan, at naging direkta ang aking balintataw kay Taran sa pagbigkas ko sa mga ito. "Ano ang pangyayaring iyon kagabi?"

Sandali siyang huminto, binalikan ang pangyayari, at pansin kong mabigat din ang kanyang ulo. Binalikan niya ang aking mata, at sa pagsagot niya ay gumuhit ang mga pangyayari sa aking isipan.

"Lahat tayo ay nasa malalim na tulog sa kailaliman ng gabi. Nagkaroon ako ng panaginip sa mga oaras na iyon, hanggang sa bigla akong magising." Sa sandaling pagkakataon ay napansin ko ang tila pag-ukit ng matinding lungkot sa kanyang mukha, at tila nag-aalangan siyang ipagpatuloy ang kanyang sinasabi. "Sinubukan kong alisin sa isip ko ang panaginip kong iyon, at habang ginagawa ko 'yon ay mayroon akong naamoy na kakaiba. Malayo sa amoy ng isang nasusunog na bagay. Hindi kaaya-aya ang amoy na para bang isang matapang na kemikal. Mabilis kong tinakpan ang aking ilong ng kahit na anong tela na makikita ko, at saka lumabas ng aking tulugan. Doon bumungad sa akin ang dambuhala't napakakapal na usok. Ilang metro na lang ang layo sa atin. Dali-dali akong tumakbo dito patungo sayo, at sinubukan kang protektahan."

"Bakit hindi ka sumigaw? Bakit hindi mo ginising ang lahat?" Matapos ay bigla akong nakaramdam ng pagsisi sa aking itinugon sa kanya.

"Sinubukan kong sumigaw, ngunut nanghihina ako. Ang manipis na bahagi ng usok ay umabot na sa akin, at hindi ko magawang magsalita , tila ang kalamnan sa aking lalamunan ay nanlatay. At ang higit pa roon ay ang presensya usok ay nasa buong palibot na paligid. Palapit nang palapit sa atin. Dahan-dahang nilalamon ang bawat puno na dinadaanan nito. Hanggang sa ang tumakbo na lang sa iyo ang naging pasya ko."

"Bakit? Bakit ka pumunta sa akin?"

Muli siyang nanahimik at tiniyigan ako sa mata. "Gusto kitang protektahan sa abot ng aking makakaya. O kung ano man ang mangyari sa atin, makasisiguro akong kasama kita, at pwede kitang protektahan."

"Hindi mo kailangang bantayan paako. Pero salamat, Taran."

Ngunimit siya at tinaggap iyon ng buo.

Halos malaglag ang aking puso nang ilang hakbang ang aking narinig, at nang buksan nito ang aking tinutulugan, bumungad sa amin si Cluster. Gumaan ang aking pakiramdam habang kapansin-pansin sa kanyang mata ang gulat nang tumama ang kanyang paningin sa amin ni Taran. Ngunit agad bumalik ang kanyang mukha sa labis na seryosong reaksyon. Bukod doon, alam kong siya ay litong-lito, at alerto.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon