Ang muling makita sina Aurora ay nagdulot ng hindi maipaliwanag na tuwa sa akin.
Mula sa aking paghihintay hanggang sa tuluyan nilang pagsagip sa amin gamit ang isang Rapport Ship, hindi nabawasan ang tindi ng aking pananabik.
Huminto sa aking ibaba ang Rapport Ship na ngayo'y lulan nina Aurora, at sa salaming itaas na bahagi nito ay mas malapitan kong nasilayan ang aking mga nahiwalay na kagrupo.
Sa itaas ng itim na Rapport Ship—sa aking ibaba—ay marahang bumukas ang parisukat na pinto, kasabay non ang pagragasa ng tubig sa loob.
Napadungaw ako kay Aurora dahilan upang mapuna ko ang kanyang mga senyas. Itinuturo niya ang nakabukas na nagbukas na pinto.
Ibinaling kong muli ang aking mga mata sa parisukat na lagusang likha ng Rapport Ship, at tuluyang ipinasok ang aking sarili rito.
Nilamon ako ng madilim at masikip na espasyo, kung saan sa aking ganap na paglagi ay siya ring pagbukas ng magaang puting ilaw sa apat na sulok—sunod itong sinundan ng marahan pagsara ng pinto.
Sa makipot na espasyo at sa paglamon nito sa akin kasama ang makapal na tubig, hindi ko napigilang makaramdam ng sindak. At bago pa man ako tuluyang lamunin ng sindak ay napuna ko ang mabilis na pagkawala ng tubig sa aking kinalalagyan. Hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang bigat ng aking katawan aking mga paa at sa bakal na sahig.
Nanumbalik sa akin ang aking pananabik, na lalo pang tumindi nang tuluyan nang matuyo ang aking kinalalagyan, at ang panibagong pintuan sa aking harapan ay nagsimula nang mahati.
Nasilayan ko si Aurora, at ang pintua'y ganap nang nakabukas.
Mahigpit na yakap sa isa't isa ang sumalubong sa amin—walang kumalas sa loob ng ilang segundo.
Sa matagal naming pagkakahiwalay, hindi ko mawari ang tuwa na sa wakas ay muli ko na siyang kasama. At sa higpit ng kanyang mga yakap ay alam kong ganoon rin siya sa akin.
Ilang sandali, ang bawat isa sa amin ay dahan-dahan nang lumuwag, hanggang sa ganap na kumalas sa isa't isa.
Mayroong pagaalala sa mahigpit na hawak ni Aurora sa aking mga braso, at sa diin ng kanyang mga tingin. "Saan kayo napadpad? Anong nangyari?"
Sa kanyang pamilyar na boses ay kapuna-puna ang bawat hibla ng kanyang pagkabigla at kalituhan. Alam kong dulot iyon ng kaganapan ngayon, ng higmagsikang nagaganap sa buong Rapport, at ng aking pag-litaw sa Video Propaganda.
Marami akong nais ipaliwanag sa pagkakataong ito subalit lahat ng iyon ay itinulak ko sa kasuluk-sulukan ng aking utak. Inalis ko ang aking helmet, at binigyan siya ng magaang tingin. "Mahabang kwento, at ipapaliwanag ko kapag maayos na ang lahat." May bahagyang ng pag-unawa ang lumatag sa mukha ni Aurora, subalit bakas pa rin ang kagustuhan niyang malinawan sa isang bagay. Alam kong nalilito siya kung bakit ko tinatawag ang mga Remnant sa isang pag-aaklas. "Isang pagkakamali . . . na pumayag ako sa Video Propaganda." At doo'y tuluyan nang nakampante si Aurora.
Lumipat ang aking atensyon tungo sa biglang nagsalita mula sa kanyang likuran. Atlas. "Ang importante, malinaw na sa atin ang tunay na kakampi."
Tinagpo ko ang kanyang mga mata. Ang kanyang presensya ay nagpaalala sa akin kay Cluster—sa parte ng kagubatang iyon.
Walang salita ang bumigkas sa aking mga bibig, bagkos ay sinalubungan lamang namin ang isa't isa ng sing-higpit na yakap.
"Aayusin natin 'to," muli niyang sambit sa aming pagkalas.
Gumuhit ang manipis na ngiti sa aking labi. Ang kanyang pagdamay, sa kabila ng kalituhan, ay labis na nagpagaan sa akin.
At, sa pinakasulok ng aking paningin, naaninag ko ang isang pamilyar na hugis. Matangkad. Tuwid. Kalmado.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Ciencia FicciónWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...