Sa paglapit sa akin ni Everard, tuluyan kong natanto na walang oras ang kailangang masayang.
Malakas na angil ang kumawala mula kay Knox nang biglaang pwersahin ng kagrupo ni Everard ang matinding bale sa kanyang kanang braso. At ganoon lamang, ang braso ni Knox ay nanumbalik sa normal nang walang isang segundo.
"Maayos na siya," sambit ng babaeng tumulong kay Knox. Hanggang taingang puting buhok, bilog na mga mata. Nadee.
"Hali na kayo!" Napalingon ako sa pinagmulan ng boses, dahilan upang mapuna ko ang isa pang kagrupo ni Everard na alertong nakabantay mula sa pintuan. Buhok na kulay olandes—si Sedrique. At sa kanyang tapat ang isa pang Remnant sa makapal at mahabang puting buhok na aking natukoy bilang si Laren.
Ang makita silang apat sa mga oras na ito, sa pagkakataong ito, ay hindi ko pa rin magawang paniwalaan.
"Dawn, makinig ka." Napukaw ang aking atensyon sa malalim at madiing pananalita ni Everard. May lalim at pagmamadali sa kanyang mga pulang mata. "Alam kong hindi mo kami inaasahan, ngunit sa ngayo'y hinihiling kong magtiwala ka sa amin." Huminto siya upang habulin ang kanyang paghinga. "Pipigilan natin ang mga Veto."
Ang kanyang mga salita ay nanuot sa aking buto at nagbalik ng aking buong kamalayan.
Hindi namin hawak ang oras.
Ibinalik ko ang aking kontrol sa aking katawan at inihanda ito. Sa huling pagkakataon, muli kong sinilayan ang naninigas na bangkay ni Veto Chen, at agad itong binawi pabalik kay Everard. "Maraming salamat."
Agad niya iyong tinanggap at mabilis na tumango. "Hali na kayo!"
Ang lahat ay sabay-sabay kumilos. Mula sa pintuan ay nanguna sina Sedrique at Laren, habang alertong naglakad papalapit sa pinto si Everard.
Sandali akong napalingon kay Knox, at nang walang mga salita ay agad kaming sumunod kasabay si Nadee.
Sandali kaming hinarang ni Everard pag tapat namin sa pintuan, at agad na ini-abot ang dalawang itim na baril. Agad na tinanggap ni Knox ang isa, at akin iyong sinundan nang walang pinapalipas na segundo.
Sa aming paglabas ay bumungad sa amin ang pasilyong puno ng mga selda, na tanging mga bakal na pintuan lamang ang makikita mula sa puting mga pader. At sa maluwang na sahig, nagkalat ang hindi ko lubos mawaring bilang ng mga Renegade—lahat ay walang malay, at ang mga pulang likido sa kanilang mga puting uniporme na lamang ang aking naging batayan . . . na sila ay wala nang buhay.
Inalis ko ang aking mata sa kagimbal-gimbal na tawanain at ipinukaw ito sa isang selda sa aming tapat, kung saan abala si Laren sa magkakasunod niyang pagpindot sa gitna ng pintuan, habang ang mga kamay at mata ni Sedrique ay alertong nakapunto sa kanang dulo ng pasilyo. At sa amin mismong paglabas, agresibong tinutukan ni Everard ang kabilang dulo na kapwa nagdurugtong sa mas malaki pang pasilyo. Nanatili sa aming likuran si Nadee.
Ang pintuan ay marahang bumukas sa harapan ni Laren, at sa pagbukas nito'y agad kong natanaw si Hawk—labis ang pagkagulat sa biglang nasaksihan.
Kumaripas ako ng takbo tungo sa loob. At sa aking pagpasok, natagpuan ko sina Pola at Jakob sa magkabilang sulok. Bakas ang matinding pagkabahala sa kanilang tatlo, ngunit sa lahat ng ito ay labis na nangibabaw ang matinding gulat sa kanilang mukha at pagkakatayo.
"Kailangan nating magmadali!" paalala ni Laren at agad kaming iniwan sa loob. At doo'y nasaksihan ko ang mabilis na pagtitiwala nina Hawk at Pola. Ilang beses nilang nakasama si Laren sa aming misyon, at narito na rin ang aking presensya. Wala nang dahilan pa upang sila'y magduda.
Sa isang sulok, lumiwanag ang mukha ni Jakob nang makita ang kalagayan ng kaibigan niyang si Knox.
"Tinulungan nila kami," paliwanag ko sa mga tingin ni Hawk bago ang tuluyan naming paglabas.
![](https://img.wattpad.com/cover/133284925-288-k195350.jpg)
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...