Chapter Fifty-Seven

656 55 8
                                    

Umalingawngaw sa aking utak ang pangalan na ibinigay sa akin ni Penn. Ang pangalang aking gamit bilang Remnant. At nang marinig ko ito, hindi ko halos mapaniwalaan ang aking tainga.

"Ceres . . . Felixer!"

Ang mukha ng tagapag-anunsyo ay marahang naglaho sa Screen at napalitan ito ng aking larawan—kulay puti sa pulang kasuotan.

Lahat ng tensyon sa aking kalamnan ay mabilis na kumawala, dahilan upang mabilis na rumagasa ang elektrisidad ng aking galak.

Lumitaw sa aking isipan si Penn, ang tuwa sa kanyang mukha, at doo'y hindi ko napigilan ang pag-usbong ng ngiti sa aking labi. Ngunit hindi nawala sa aking isipan ang aming misyon, ang aming plano. Kaya naman ang ngiting dapat ay para sa akin at kay Penn, akin ito ini-alay sa bawat Remnant sa aking paligid.

Unti-unting lumayo ang mga Remnant sa akin, subalit ang kanilang mga tingin ay nanatili. Hanggang sa magkaroon na ng sapat na espasyo upang mapansin ko ang pulang bilog na liwanag mula sa sahig ilang metro ang layo sa akin.

Ang pulang sahig ay unti-unting nahati, hanggang sa makalikha ito ng bilog na butas. At mula rito, marahang umangat ang sa palagay ko'y isang karwahe—sa anyong tila isang bilog at hating elevator.

Sandali akong lumingon kay Sonder na hindi ako iniwan sa aking kinatatayuan.

Sinalubungan niya ako ng suportadong ngiti. "Nandito lang ako hanggang matapos ang Rapport Feat." Sandali niyang tiningnan ang bilog na gusali at muling lumingon sa akin. "Mayroon ding posibilidad na sila'y naroon."

Isang Remnant ang narinig kong sumigaw sa amin, pinapaalalahanan ako sa kailangan kong gawin.

Tumango si Sonder sa direksyon ng ngayo'y nakabukas nang puting karwahe. Binigyan ko siya ng huling sulyap at doo'y nagsimuala na akong maglakad.

Ibinalik ko ang mapagkumbabang ngiti sa aking nadaraanan, at sa tuluyang pagsara ng puting bagon ay unti-unti na rin itong umusad paabante, patungo sa nag-aantay na entablado.

Ang kaba, gulat, tuwa, at iba pang emosyon ay pilit kong kinontrol. Ilang minuto pagkatapos ng pangyayaring ito . . . makakaharap ko na ang Rapport President.

Ano marahil ang nasa utak ng mga Veto ngayon—gayong ako ang naitalagang Rapport?

Sa aking mabilis na pag-usad, naramdaman ko na ang presensya ng hangin. Ngunit hindi ito kasing natural ng hangin sa Circa. Ang aritipisyal nilang hangin ay kapuna-puna sa aking sitwasyon.

Hindi humupa ang palakpakan habang nakabrodkast ang aktwal kong pagpunta sa entablado. Kasabay no'n ang muling pagbabagong-kulay ng simboryo.

Ang mala-pulot-pukyutang disenyo ng dilaw na bakal ay nanumbalik sa kulay puti; ang kahel ay nilamon ng makikinang na ginto.

Ibinalik ko ang aking tingin sa aking direksyon. Sa bawat segundo, palapit ako nang palapit sa sentrong gusali, at kasabay no'n ang unti-unti nitong paglamon ng aking paningin. At bago ko pa iyon makasanayan, huminto na ang karwaheng aking sinasakyan.

Nakakapanibago ang ngayo'y aking nakikita. Kung kanina, tanaw ko lamang ang gusali, ngayo'y sakop na nito ang aking paningin, na higit pa pala itong malaki kumpara sa aking inakala.

"Napakagandang dilag," reaksyon ng babaeng tagapag-anunsyo matapos itong maglakad papalapit sa baybay ng entablado kung saan nakarugtong ang mala-hagdang disenyo nito pababa sa sahig. Maging ang entablado ay higit ma mataas kumpara sa aking inakala.

Sumenyas ang babae gamit ang kanyang kamay, na wari'y ako'y pinapaakyat sa entablado. At doon ko napansin ang nakabukas nang pintuan na aking sinasakyan.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon