Hindi kami dumalo sa Massive Execution na isinagawa sa dating pinagdarausan ng Trial. Tila hindi iyon ang pangyayari na aking kakayaning masilayan.
Sa kabila ng pagsasagawa ng Massive Execution na kumitil ng maraming pasyente ay nagawa pa ring maka-uwi ni itay kinagabihan sa bahay. Liban kay inay. Gayon pa man ay labis-labis iyong nagpasaya sa aming dalawa ni Camelot.
Ilang oras din ang aming inilaan upang makapag-usap. Tinalakay ang patungkol sa iba-ibang bagay—sa pag-aaral ni Camelot, sa kanyang pakikisama kina Oldeos at Felbur, sa aking mga pagnanais na maging Seeker, sa aking mga kaibigan, sa trabaho ni itay, sa sitwayson ni inay bilang pangulo, at mas lumawak pa roon. Lahat ng iyon ay pinilit kong matalakay kasama sila sa kabila ng pangyayaring gumagambala sa akin.
Kahapon, habang hindi pa nakakarating sina Atlas at Aurora, ay nabaling ang aking tingin sa isang lalaki na aking natanaw papasok sa isang eskinita. Tila namamalik-mata ako sa mga oras na iyon nang makita ko si Sonder. Nakatalikod at papalayo sa akin.
Tumakbo. Habulin siya. Iyon ang una kong naging tugon. Ni ang katotohanang wala na siya ay hindi man lang sumibol sa aking kamalayan.
Hindi naging madali sa akin na siya'y habulin sapagkat napakabilis niyang maglaho, ngunit naabutan ko siya sa isang mas makipot na eskinita. Sa kabila ng hingal at pagod sa pagtakbo ay nagawa ko pa ring isigaw ang kanyang pangalan. Umalingawngaw iyon sa pagitan ng matatayog na pader. Huminto siya ngunit hindi siya lumingon. Kinuha ko ang pagkakataon upang lubos pang makalapit sa kanya, at nang muli na siyang magpakawala ng hakbang ay inulit ko ang kanyang pangalan. Mas malapit. Marahan siyang lumingon sa akin ngunit laking gulat ko nang malamang mali ako sa aking inakala. At lubos pang nanigas ang aking katawan sa gulat nang matukoy ko kung sino siya. Si Taran.
Umikot-ikot ang ingkwentro kong iyon sa aking isipan, maging sa pagtulog hanggang sa aking panaginip. At sa aking paggising ay nalaman ko na lamang na wala na si itay, maagang umalis ng bahay para sa kanyang tungkulin.
Inilapat ko ang aking daliri sa aking noo. May mga pagkakataon na umaalis si itay ng bahay at ako'y gising pa, o nagigising mula sa pagkakahimbing. Doon ay nakikita kong hinahalikan ni itay ang noo ng naiidlip kong kapatid. Marahil ay ganoon din si itay sa akin.
Bumangon ako at unang kinilatis ang monitor sa tabi ng aking pintuan. Wala pang mensahe tungkol sa resulta ng Questioning kahapon.
Sa maliit na bintana ng aking kuwarto at tanaw ko ang papakupas na kulay ng gabi at ang muling pagkabuhay ng liwanag sa paligid. Ang araw ay nagsisimula nang umakyat sa kalangitan, nagdudulot ng kaaya-ayang tanawin na binubusog ang aking mga mata.
Napa-isip ako nang sandali. Lalabas ba ako ng Elite Dome upang alalahanin si Sonder nang naayon sa aking kagustuhan? O mananatili na lamang ako dito sa bahay—samahan si Camelot, ihatid kung maari, at hintayin ang resulta na alam kong mayamaya'y darating na?
Inalis ko ang aking pag-iisip sa tanong.
Walang pananabik akong nadarama patungkol sa paglabas ng Elite Dome, ngunit hindi rin ako natutuwa na iyon ang aking nararamdaman. Pakiramdam ko'y binubura ko na si Sonder sa aking alaala. Ngunit hindi. Sa huli ay lumabas na lamang ako ng aking kuwarto, hinayaang magpasya ang aking sarili sa kung ano ang aking gagawin. At sa mga oras na ito, wala pa akong napagdedesisyonan.
Nagmadali akong pumunta nang kusina nang may marinig akong nagluluto rito. Ngunit ang ngiti sa aking tuyong labi ay mabilis na nabura at napalitan ng gulat—o sindak.
Sonder?
Nanigas ako sa aking kinatatayuan. Ang aking buto. Kalamnan. Tila nagyelo ang lahat sa akin.
Hindi ito totoo. Muni-muni ko lamang. Ngunit lubos pa akong tumirik sa aking kinatatayuan nang marahan siyang umikot papaharap sa akin.
Dinakip ng kanyang ngiti ang aking mga mata at hindi ko magawang kumalas. Ang kanyang mga kaakit-akit na tingin ay pilit akong nilulunod, tinutuldukan ang kakayahan kong huminga. Napakatotoo niya upang maging isang muni-muni.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Ciencia FicciónWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...