Chapter Fifty

637 71 4
                                    

"Ang Rapport ay pinapatakbo ng Teknolohiya, gayon din ang Renegade Clandestine. Ngunit aming pinapahalagahan ang seguridad sa bawat isa. Marahil iniisip mong amin kayong binabantayn sa lahat ng inyong kilos, subalit hindi."

Isa iyan sa mga sinabi sa akin ni Veto Chen noong unang araw ko rito sa Renegade Clandestine, at iyan din ang unang bagay na natuklasan kong isang kasinungalingan.

Kung nagawa niyang magsinungaling, at kami ay paniwalain, ilan pa kayang kasinungalan ang sinabi niya at ng iba pang Veto sa amin?

Marahil . . . lahat.

Pasimple kong idinilat ang aking kaliwang mata upang silipin ang galaw ng oras.

Limang minuto pa.

Bumilis ang kalabog ng aking dibdib hanggang sa umakyat na ito sa aking tainga.

Ang aking kanang kamay ay maayos na nakaposisyon sa aking baywang kung saan nakasilid ang Virtual Comp. Handa nang ito'y paganahin.

Nais kong makausap sina Hawk, alamin ang kanilang mga nasa isipan.

Binuksan kong muli ang aking mga mat. Ang pananabik ay gumapang sa aking balat at pasimple kong binuksan ang kinaroroonan ng Virtual Comp at madiing inilapat ang isang daliri rito.

Isang tuwid na tunog ang nabuo sa mismong pagdapo ng aking dailiri.

Sandali akong nag-alinlangan, subalit kung patibong lamang ang lahat, dapat ay dinakip na ako sa pagtanggap ko pa lamang ng alok ni Penn.

Marahan akong bumangon mula sa isang oras na pagpapanggap at inilapas ang Virtual Comp.

Ang itim na kahon ay ngayo'y naguguhitan ng asul na liwanag sa mga sulok nito. Inilapag ko ito sa aking higaan at ito'y tinitigan lamang, walang ideya sa kung paano pagaganahin.

Ngunit dahan-dahan, lumitaw mula sa aparato ang isang asul na Screen kung saan bumungad sa akin ang mukha ni Penn.

Ang ngiti ang kusang gumuhit sa aking labi, ilang segundo bago ko matanto na ang aking nakikita ay hindi ganap at kinunan lamang.

"Kung iyo itong napapanood sa mga oras na ito, binabati kita," saad nila at sunod na nagpakilala. "Ako si Ottie, ang Mentor ni Dawn."

Ottie? At bigla kong naalala na tinatawag ko siya gamit ang tunay niyang pangalan gaya ng kanyang ginagawa sa akin.

"Alam kong mahirap para sa inyong pagkatiwalaan ako, o kaming mga Mentor niyo, subalit pinapangako kong kung ano man ang inyong mapag-uusapan ay sa inyo lamang, na maging kaming mga Mentor ay hindi makikialam." Ang kanyang mga mata ay lubos pang naging seryoso. "Ngunit isang bagay ang aking hinihiling. Kung ano man ang inyong mga mapag-uusapan, huwag kayong gagawa ng agarang plano na taliwas sa mga Veto, o sa Renegade Clandestine. Sa ngayon, kailangan niyong ipakita na kayo ay kanilang kaisa." Ang kanyang paligid ay biglang nagnilamon ng asul na ilaw. Ang kanyang mukha'y mabilis na nabalutan ng pag-aalala. "Mayroon kayong isang oras upang mag-usap at iyon ay inyong makikita sa itaas na bahagi ng inyong screen. Maraming salamat." At tuluyan nang naglaho ang kanyang larawan.

Unti-unti na akong nakukumbinsi . . . na ang mga Veto ay mahirap pagkatiwalaan, bagay na ilang beses kong itinanggi, masagip lamang sina Aurora—at ang Circa.

Naagaw ng aking atensyon ang maliit na pulang orasan sa itaas na bahagi ng Screen. Nagsimula na ang aming isang oras.

Sa Screen ay nakalitaw ang tatlong rektanggulo, kung saan ang isa sa mga ito ay kinaroroonan ng mga pangyayaring aking kinunan habang ako'y nasa Station 50. At sa dalawang rektanggulo ay nakasulat ang pangalan nina Hawk at Pola.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon