Chapter Twenty Three

856 92 24
                                    

Nagkamali ang mga dalub-agham ng Gobyerno. Nagkamali sila sa pagtukoy sa epidemya. Wala silang hawak na gamot para doon, dahil ang sakit na nagmula sa mga Mutated Dandelion ay higit pang mapanganib kesa sa kanilang inaakala.

"Ngunit kasalukuyan nang nagsasagawa ng eksperimento ang mga dalub-agham ng ating bansa," wika ni Commander Willston kagabi, ilang oras matapos ang nakabibinging alarma. "Ito ang nais ipagbigay-alam ng Gobyerno sa inyong mga Seeker." Huminga ng malalim ang Commander—iyon ang unang pagkakaton na nakita ko siyang kumilos ng gano'n. "Opisyal nang kinumpirma ng Gobyerno na ang epidemya ay nagmula sa mga Mutated Dandelion, at ang mga ito'y nanggaling sa mga puting uwak na minsang nagsiliparan sa kalangitan ng Circa. Ang mga uwak na ito ay napabilang na sa mga listahan ng Engineered Species mula sa Relentless Boundary. Wala mang tiyak na kasiguraduhan ang Gobyerno, ngunit naniniwala sila na kung sa kagubatan nga nagmula ang mga nilalang na iyon, maaring doon din natin matatagpuan ang lunas." Sandaling katahimikan. "Iyon ang sa inyo'y nais ipabaon ng Gobyerno. Mayroon kayong malaking parte upang masalba ang mga nabiktima, at nawa'y tama nga ang Gobyerno sa kanilang inaakala. Iyon lamang."

Ang aking dalawang daliri ay walang kamalay-malay na hinihimas ang mumunting Light House sa kwintas na ibinigay ni Camelot. Hindi ko tukoy kung nakatulog ba ako ng maayos kagabi o hindi dahil sa aking mga nalaman, at mga panibagong katanungan sa aking isipan. Kung mayroon mang kumokontrol sa mga ito, bakit nila ginagawa ang mga pag-atakeng ito?

Sa eksaktong pag-bilog ng araw sa kagiliran ay opisyal na rin naming sinimulan ang aming paglalakbay sa loob ng kagubatan simula sa dulo ng Independent Area. Sandali kong ibinaling ang aking mata sa relo sa aking kaliwang pulso. 1 0 0 6 basa nito. Matagal-tagal na rin kaming naglalakabay sa loob ng Relentless Boundary—apat na oras at tatlumput limang minuto kung kakalkulahin, kasama na ang apat na beses nang pahinga. "Inaasahang magiging mahaba-haba ang inyong paglalakbay, at hindi ninyo kailangan ubusin ang inyong lakas sa unahang parte ng gubat."

Wala akong ibang nakikita kung hindi ang mga punong habang papalayo nang papalayo ay higit pang tumatayog. Mga iba't ibang uri ng halaman at dahon na lubos na kumakapal sa bawat distansyang aming tinatahak, gayon din ang mga tuyong dahon na lumalagutok sa aming bawat pagtapak.

Kanina'y malapit-lapit pa kami sa Independent Area, sa Circa. Ngunit habang papalayo kami ng papalayo ay nararamdaman ko na rin ang aming pag-iisa, na kung sakaling may mangyari sa amin ay wala kaming ibang mahihingan ng tulong. Kaya nga kayo dumaan sa pagsubok, 'di ba? Sambit ko sa aking sarili. Upang matutong maging matatag at lumaban sa sariling kakayahan.

Ang bawat isa sa amin ay taimtim na naglalakbay. Dahan-dahan ko nang nararamdaman ang pagbabago mga bagay-bagay bukod sa pligid. Ang katahimikan ay bago sa aking pandinig—may mga umaalingawngaw na huni ng ibon sa matataas na dako ng mga puno, at tila ang lugar ay sagrado. Wari'y walang simoy ng hangin subalit kaaya-aya pa rin ang temperatura. Ang amo'y ng paligid ay bahagyang binabago ng mga dahon at puno—malamig sa pakiramdam, at magaan.

Ipinikit ko ang aking mga mata at sandaling huminto upang tamasain paligid. At biglang lumiwanag ang aking utak, nilamon ng isang makintab na panaginip kung saan nakita ko ang misteryosong puting Sonder sa loob ng gubat.

Isang tao ang gumambala sa akin. "Maiiwan ka niyan."

Bumukas ang aking mga mata at nalaman kung sino ang nagsalita. "Dinadama ko lamang ang simoy ng gubat," tugon ko.

Nagpakawala lamang ng ngiti si Crimson kasabay ang mahinang buntong hininga. "Sa bagay kaaya-aya naman talaga," sang-ayon nito sa wakas. "Earshot din, tama ba?" tanong niya habang nagpatuloy na kami sa aming paglalakad.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon