Si President Larkspur ay patay na.
Matagal nang patay.
At nasaksihan ko iyon sa akin mismong mga mata, kung paano siya lagutan ng hininga sa isinagawang Public Execution, kung paano niya maramdaman ang bagsik ng batas na kanyang nilikha.
Ngunit ang makitang muli ang kanyang larawan sa ganitong hindi akalaing lugar . . .
"Ngunit matagal na siyang nanlalamig na bangkay," sumbat ko kay Penn. "Matapos ang pagbagsak ng Elite Government, ang lahat ng kanyang larawan sa bawat lugar sa buong Circa ay aming sinunog. P-paanong mayroong larawan ni President Larkspur sa opisina ni Veto Chen?"
"Iyan ang hindi ko mabibigyan ng matibay na kasagutan, Cheska," pumanhin niya. "Ngunit isipin mo, hindi ba't si Veto Chen ay bago lamang?" Ang kanyang tanong ay bahagyang nagpanipis ng makapal na usok sa aking utak. "Isang taon na ang nakakaraan, siya ay bigla na lamang lumitaw dito sa Renegade."
At sa isang iglap ay kumislap sa aking utak ang isang ideya. "Isang taon na rin ang nakalilipas noong aming napabagsak ang Elite Government, noong ang buong Elite Dome ay nilamon ng Memory Fog kasama ang mga naiwan sa loob nito."
"Mismo, Cheska," pagtitibay ni Penn. "Isang taon. Masyadong tugma sa mga naganap na iyon . . . at ang litrato ni President Larkspur . . ."
"Si Veto Chen ay isang Elite," saad ko. "Matapos ang paghupa ng Memory Fog sa loob ng Elite Dome ay siya ring pagkawala ng ilang mga naiwan sa loob—kabilang na si Sonder." Sa galit ay halos maibulyaw ko ang aking mga sumunod na salita. "At kung si Sonder ay napadpad dito, hindi malabong ganoon din si Veto Chen."
"Kung gano'n . . . tama ang aking mga hinala."
At kung ganoon, mali kami sa aming inakala, na ang bansang Circa ay tuluyan nang nabura ang mga Elite, sapagkat sa nagtatagong lugar, sa kailaliman ng dagat, mayroong isang malayang nakakaalala—o marahil madami pa sila.
Ang aking damdamin ay mabilis na nilamon ng pagkasuklam at galit. Hindi ko akalaing ang taong nakakaharap ko, ang taong minsan kong binigyan ng tiwala, ay isa palang Elite.
Dapat ay nagiisip na ako ng paraan sa kung papaano ako makakaalis sa lugar na ito, ngunit hindi iyon ang aking ginawa. Bagkos, buong tapang kong tiningnan si Penn nang tuwid sa kanya mata. "Ano ang kanyang plano?"
Hindi sumagot si Penn, na tila ba walang maisagot. "Paumanhin," turan niya. "Ngunit mayroon akong ipapakitang bagong video sa iyo, hindi sa plano ni Veto Chen lamang, kundi sa plano ng apat na Veto . . . o ng lima."
Ang kanyang mga salita ay napukaw ako. At ngayong alam ko nang si Veto Chen ay isang Elite—sa kabila ng kanyang mapanlinlang na anyo—malakas ang pakiramdam kong kung ano man ang plano ng mga Veto sa Rapport, sa kahit ano mang paraan at dahilan, iyon din ay konektado sa mga Elite . . . at sa Circa.
Binigyan ko ng maikling tango si Penn bilang pagpayag sa kanya. Ang kanyang tingin ay dumakong muli sa itim na aparato sa aming gitna at inilapat ang dulo ng kanyang palasingsingan sa itaas nito.
Nabuhay ang aparato gaya ng aking inaasahan, ibinalik ang Screen sa hangin dala ang panibagong kuha mula sa panibagong lugar.
"Iyan ang Renegade Clandestine Headquarter, kung saan nagsasama-sama ang mga Veto at nag-uusap sa kanilang mga Plano," panimula ni Penn. "Bagamat mahirap ay nagawa kong makapagtanim ng pansamantalang Hack sa kanilang sistema. Iyan ay naganap ilang araw bago ang iyong tuluyang pagdating."
Sa Screen ay makikita ang limang Remnant na abalang naguusap-usap sa isang may kadilimang lugar. Ang apat sa kanila ay nakilala ko bilang ang apat na Veto maliban sa isa, isang lalaki na tila nasa edad animnapu.
BINABASA MO ANG
Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)
Science FictionWATTY AWARDS 2019 WINNER (Science Fiction Category) [The Felon Mark #2] • COMPLETED Ang kanilang bansa ay nasa alab na ng pagbabago. Dawn, na sa pag-aakala'y tuluyan nang magiging payapa ang lahat, ay isa sa mga maaapektuhan ng ilang miste...