Chapter Twenty Five

814 83 25
                                    



Nagbago ang ekspresyon ni Taran sa ekspresyong ngayon ko lamang nasilayan sa kanyang mukha. Isang matindi at malamim na pagtataka, taliwas sa gulat na aking inaasahan.

Titigan niya ako na tila nagkamali lamang sa narinig. At mayamaya'y napatawa na lamang sa matipid na paraan. "Seryoso ka ba dyan?"

Ikaw ba si Sonder? Iyan ang nais kong sambitin sa kanya subalit nanatili na lamang iyon sa aking dila at nalusaw sing bilis ng manipis na yelo—nag-iwan ng sandaling pagkagambala sa kung ano ang aking sasabihin. Bakit ko naisip ang bagay na iyon? Ganoon ko na lamang ba tinitingala ang siyensya at teknolohiya upang isiping ang bagay na iyon ay imposible.

Hindi ko mapigilang madismaya sa aking sarili. Isang hangal na pag-iisip.

"Ah. Ang ibig kong sabihin ay . . . sino ang nag-udyok sa iyo upang naisin mong maging Seeker?"

Nanatili ang kanyang mga mata sa akin sa mga sumunod na takbo ng segundo. Inaalam kung iyon nga ba ang nais kong sabihin o hindi. Hanggang sa ang pader ng kanyang pagtataka sa harapan ng kanyang mukha ay tuluyan nang nagiba. "Ginulat mo 'ko doon," buntong hininga niya. "Si Yngrid ang dahilan ng lahat kaya ako narito."

Kumawala ang bigat sa aking dibdib. Ang kanyang balintataw ay dumako sa ibang bagay, sa isang malayong pangyayaring muling binubuhay ng kanyang utak. "Naniniwala pa rin siyang buhay ang aming ina. At ang masaklap doon, iniisip niyang maaring narito siya sa gubat o sa kung ano mana ng mayroon sa labas hanggang nito—kung mayroon man." Siya'y nagkibit-balikat bago magpatuloy. "Siguro'y mabuti na rin iyon kung talaga namang wala ang aming ina sa Circa."

Muling namanhid ang aking dila at wala akong masambit na salita. Kailangan kong maging maingat. Hindi niya maaring malaman ang mga nangyayari sa akin, ang pag-iisip kong buhay pa si Sonder, at ang pag-aakalang mayroong mga responsable sa mga bagay na ito.

"Talagang naisip niya ang bagay na iyon? Kahanga-hanga ang iyong kapatid."

Yumuko ang kanyang ulo kasabay ang ngiti. "Sa tingin ko'y normal sa mga murang edad ang tingnan lamang ang mga positibong bagay. Tulad ng iyong kapatid." Huminto siya upang alalahanin ang pangalan.

"Camelot."

"Siya nga. At si . . . Oldeos."

Bumalik ang aking alaala sa panahong iyon kung saan muntikan nang malamon ng pula't kahel na usok si Camelot. Ipinagtataka ko kung ano ang mga napag-usapan nila habang siya'y ligtas sa kamay ni Taran kasama si Oldeos. At tila napuna ni Taran ang pagmutiktik na iyon.

"Noong nasa loob kami ng Isolator—iyon ang ipinangalan ko sa simpleng imbensyon kong iyon—wala akong narinig o nakitang sindak sa kanila. O kung mayroon man, napakaliit lang no'n at madali para sa kanilang labanan."

Bumuo ang aking labi ng ngiti. "Hindi mo talaga iyon makikitang nasisindak, maliban lamang sa ibang bagay," tugon ko.

"Sa halip na sabihin nilang baka hindi tumagal ang aming panangga o kung ano pa man. Pinag-usapan lamang nila—namin—kung gaano kabilis ninipis ang usok. Isa't kalahating oras. Iyon ang pinakamatagal nilang tasya."

Nakaramdam ako ng pangungulila sa kanyang mga tinuran. Ito na ang oras upang malaman naman niya ang paghanga ko sa kanyang kapatid.

"Matapang ang iyong kapatid. Bibihira ang ganoong lakas ng loob para sa kanyang edad."

"At lohikal," dagdag niya. "Madalas siyang magmukhang mas nakakatanda pa sa akin, kung alam mo lang. Siya ang rason kung bakit kita ngayon nakaka-usap."

Nagtaka ako doon. Nagsalubong ng bahagya ang aking kilay. "Hindi ko makuha."

"Ang balitang isa ka—bilang anak ng Presidente—sa mga nagboluntaryong maging Seeker ay mabilis na kumalat sa buong bansa na parang bang nagmula ito mismo sa mga Telebisyon. At ang naging huling kahilingan niya sa akin bago ako lumisan ay ang kaibiganin ka."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon