Chapter Four

1.8K 129 33
                                    

Nagulantang ako nang masiguro kong siya nga si Taran, ngunit sa tingin ko'y hindi niya ako namumukhana.

Mga isang minuto na ring nag-uusap ang magkapatid—marahil ay magkapatid nga sila—at alam kong kami ang kanilang pinagtatalunan.

"Matagal pa ba 'yan?" pabulong na tanong ni Aurora na siya namang saktong paglingon ng magkapatid at sabay na naglakad papalapit sa amin. At doon ay nakumpirma ko... magkapatid nga sila.

Unang nabaling ang atensyon ko sa lalaki—kay Taran, at sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay biglang nagkaroon ng tensyon sa aking sikmura. Ito na marahil ang pagkakataon upang mapasalamatan ko siya, ngunit kataka-takang hindi iyon madali para sa akin di tulad ng aking inaakala.

"Pasensya na at nakaabala pa kami sa inyo," paunang wika ng lalaki. Nanatili lamang ang aking mga mata sa kanyang mukha habang siya ay nakatingin sa lahat maliban sa akin. Matangkad siya at may may inosenteng mga mata—maamo ngunit matapang. "Kung hindi niyo mamasamain ay aalis na kami."

Nanatili ang katahimikan sa parte namin at tumalikod na ang dalawa upang lumisan.

"Sandali." Napalingon ang dalawa matapos huminto mula sa paglalakad at nag-patuloy si Atlas sa pagsasalita. "Hindi ba't ikaw yung lalaking nagligtas sa dalawang bata kanina?"

Sa expresyon pa lamang ng lalaki ay pansin nang "Oo," ang kanyang magiging tugon.

Lahat ay napalingon sa akin maging ang lalaki at ang kapatid nito—Yngrid.

Nagtagpo ang aming mga mata at natagpuan ko ang sarili kong nahihirapan sa pagpapalabas ng mga salita mula sa aking bibig, hanggang sa ang lalaki na ang nagsalita. "Ikaw ba yung nakatatandang kapatid ng isang bata na nagngangalang Camelot?"

"Ako nga. Salamat sa ginawa mong pagsagip sa kanila." Mabilis na naglaho ang tensyon sa aking sikmura.

"Mapalad ka sa kapatid mo. 'Wag na 'wag mo siyang papabayaan."

"Ngayon ay lilisan na kami. Paumanhin," walang puknat na gambala ng babae, at nang muli na silang lilisan ay agad na lamang akong nadala sa pugso ng aking damdamin.

"Sandali..! Kailangan namin ang iyong tulong." Mabilis na napalingon ang magkapatid sa isa't-isa, at kita kong tutol ang babae.

"Ano iyon?" Nag-iba ang expresyon ng babae sa desisyon ng kanyang kapatid. Nadesmaya.

"May natagpuan kaming bagay sa banda ro'n," wika ni Cluster na siyang nagpaluwag ng aking dibdib, "at hindi namin alam kung ligtas ba itong kunin at dalhin sa Elite Dome. Maari mo ba kaming tulungan?"

Lumapit ang lalaki. Nilagpasan ako. At nilapitan ang bakal na bagay. "Ngayon lamang ako nakakita ng ganito," wika niya habang nakalugod ang isang tuhod sa itim na lupa at mabusising kinikilatis ang panlabas na anyo ng bakal. "Hindi ito isang normal na bakal lamang."

"Ligtas ba 'yang kunin?" tuwid na tanong ni Hawk.

"Hindi ako sigurado," tugon ng lalaki bago mag-labas ng hindi ko matukoy na mga bagay mula sa bulsa ng kanyang pantalon. "Lumayo kayo." Magaan ang kanyang pagkakasabi, ngunit sa tono pa lamang niya ay alam kong inuutusan niya kami.

"Pero mapanganib 'yan, kuya," tutol ng babae.

"Maari ring hindi," matipid niyang tugon. "Lumayo na kayo upang masimulan ko na." Sa pagkakataong ito ay umatras na kami at pinanood na lamang siyang mabusisi at maingat na alisin ang bakal mula sa lupa.

Napaka-tapang niya, wika ng aking pag-iisip. Napaka-tapang niya upang ilagay sa panganib ang kanyang buhay para lamang sa mga taong hindi niya kilala. Una ay sina Camelot at Oldeos, ngayon naman ang kami.

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon